Chapter Fifty-One

39.1K 732 0

Si Krystinia ang nasaktan sa masasamang sinasabi ng pamilya niya tungkol kay Warrick. Di niya magawang magalit dito sa kabila ng ginawa nito sa pamilya niya. Matindi ang hirap na pinagdaanan ni Warrick. Para dito ay pamilya niya ang may kagagawan kung bakit namatay ang mga mahal nito sa buhay. Nabuhay ito para sa namayapa nitong pamilya. Kung nabuhay man ito para maghiganti, hindi niya ito masisisi.

"Kuya Thirdy, totoo bang iniwan mong buntis ang kapatid niya?" tanong niya. Gusto niyang malaman ang totoo.

Namutla ito. “Alam mo ang tungkol kay Miranda?” Tumango siya at tiningnan ito sa mga mata. Guilt was written on his face. Ibig sabihin ay totoo nga iyon. "Krystinia, bata pa ako noon. Hindi mo naman siguro aasahan na pananagutan ko ang bata. Hindi naman ganoon kadali…”

"That girl is a gold digger,” depensa ni Teodicio. “Pinalayo namin si Thirdy dahil alam naming gagamitin lang ng babaeng iyon ang kuya mo para umangat sa buhay. Bilang magulang, kailangan naming gawin iyon. So we sent your brother abroad.”

Nanlaki ang ulo niya. Wala man lang siyang makitang remorse sa mga ito. "Pa, namatay siya sa panganganak sa apo ninyo. Ang una sana ninyong apo. Ni wala siyang nakuhang suporta galing sa pamilya natin. Di ba kayo nakokonsensiya? Eighteen years old lang siya. Namatay ang ama niya ilang buwan matapos mamatay si Miranda dahil sa ama ng loob at naiwang ulila si Warrick. Hindi ba kayo nakokonsensiya?"

Parang ngayon na lang nabubuksan ang mga mata niya kung anong klaseng pamilya mayroon siya. Kung ikukumpara sa pinagdaanan ng pamilya ni Warrick, walang binatbat ang pinagdaanan niya. Nakasuporta si Warrick sa kanila ng anak niya. Hindi na rin siya menor de edad. Alam niya ang ginagawa niya.

Habang ang kapatid ni Warrick ay nagmahal sa Kuya Thirdy niya. Napakabata pa nito para iwanang buntis ng lalaking mahal nito. Kung alam lang sana niya ang nangyayari noon at nasa tamang edad siya, may nagawa man lang sana siya para sa kapatid ni Warrick.

"Bakit ipinagtatanggol mo ang lalaking iyon? Nakita mo kung gaano tayo kamiserable ngayon. Walang-wala na tayo at lalong sinisira ng Warrick na iyon ang buhay natin,” anang Papa niya na lalong naglatang ang galit sa mukha.

Mariin siyang pumikit. "Miserable na tayo bago dumating si Warrick, Pa. At wala siyang kinalaman sa mga kapalpakang nangyari sa buhay natin. Tayo mismo ang may kagagawan ng lahat. Habang mali na tinalikuran ninyo ang kapatid niya nang mabuntis ni Kuya."

"Ginawa lang namin ang tama,” pagmamatigas ng Papa niya. “Alam mo naman kung ano ang pangarap ko sa inyong magkapatid. Hindi ang babaeng tulad niya ang bagay sa kuya mo.”

"Kami ang pamilya mo,” matiim na wika ni Thirdy. “Tayo ang naapi dito. Bakit nababaligtad yata ang sitwasyon? Kami pa ang lumalabas na masama ngayon. Nagkaanak ka lang sa lalaking iyon, nag-iba na ang takbo ng isip mo. Kami dapat ang damayan mo.”

"Kuya, gusto ko lang malaman ang totoo."

Kung alam lang nito na parang pinapatay siya. May basehan ang mga akusasyon ni Warrick. Malaki ang kasalanan ng pamilya niya sa pamilya nito.

Tinitigan siya ni Thirdy. "Kaya ba kami pinapunta dito para akusahan ng anu-ano?”

He was trying to intimidate her. Nanghihina pa rin siya pero kailangan niyang ilaban kung ano ang tama. Si Warrick ang ama ng anak niya. Pamilya din ng anak niya ang inapi ng pamilya niya. Hindi pwedeng pumanig siya sa mali.

Taas-noo niyang sinalubong ang mata ni Thirdy. "Kahit pa pamilya ko kayo, di ko kayo kakampihan kung kayo ang mali,” aniya sa matatag na boses. Her family had disintegrated. Ayaw niyang ganito ang masilayan ng anak niya. Hindi niya kukunsintihin ang mali ng mga ito. Kung haharap siya sa anak niya, gusto niyang may maipagmamalaki siya dito.

Biglang dumating ang nurse. “Ma’am, Sir, huwag po sana ninyong sigawan ang pasyente. Kapapanganak pa lang po niya.”

“Usapang pamilya ito," angil ni Thirdy. "Huwag kang makialam!"

“Kapag po di kayo nagpaawat, mapipilitan po kaming tumawag ng security,” matigas na wika ng nurse.

“Baka bayaran din ni Evaristo ito para itaboy tayo,” singhal ng papa niya.

Hinawakan ni Serafina ang balikat niya. "Kapapanganak lang ni Krystinia. Hayaan natin siyang magpahinga." Subalit sa pagpisil nito sa balikat niya, alam niyang gusto nitong siya ang huminahon. Na dapat niyang bigyan ng konsiderasyon ang pamilya niya. Hindi naman kalusugan niya ang iniisip nito kundi wala nang maikakatwiran ang mga ito sa kanya.

"Umalis na tayo,” malamig na utos ng Papa niya. “Baka ikamatay ko ang mga nangyayaring ito.”

Humihingi ng saklolo siyang tumingin kay Serafina. “Mommy…” Ayaw niyang mag-isa. Sa kabila ng mga nagawa ng pamilya niya, ang mga ito na lang ang pwede niyang balikan oras na kunin na ni Warrick sa kanya ang anak nila.

“Babalikan ka namin, hija. Pangako ‘yan.”

Sana ay maintindihan siya ng mga ito. Ang mga ito na lang ang inaasahan niya.

Baby, Be Mine -Published under PHR and Finalist of Filipino Readercon 2014 (Completed)Basahin ang storyang ito ng LIBRE!