Chapter Forty-Nine

40K 777 12

“Mang Herbert, bilisan po ninyo ang pagpapatakbo. Marami na pong nawawalang dugo kay Krystinia!"

Warrick was in full panic. Parang hinahalukay ang lamang-loob niya tuwing humihiyaw si Krystinia sa sakit. Kung bakit napakabagal ng andar ng sasakyan nila. Madilim pa ang kalsadang dinadaanan nila na nakadagdag ng takot sa kanya. Nasa likuran siya ng kotse at inaalalayan nila ni Aling Yolly si Krystinia.

“Sir, di po tayo pwedeng magpadalos-dalos. Malakas po ulan kaya madulas ang daan at delikado. Baka lalo po tayong magkadisga-disgrasya," katwiran ni Mang Herbert na pilit nagpapakahinahon. Nakadagdag pa sa tensiyong nadarama niya ang malakas na ulan.

“Pero baka hindi na po umabot si Krystinia.”

Pakiramdam niya ay pinarurusahan siya ng langit. He had never been so scared his whole life. Ganito pala ang pakiramdam kung nakasalalay sa kamay niya ang buhay ng isang tao. Sa pagkakataong ito ay buhay ni Krystinia at ng anak nila ang dapat niyang sagipin. Mas matindi ito sa takot na naranasan niya nang mamatay ang kapatid niya sa panganganak sa mismong harapan niya o ang pagkamatay ng ama niya. Sa pagkakataong ito ay di niya pwedeng isisi sa mga Valdesco ang lahat ng nangyayari kay Krystinia dahil siya mismo ang may kasalanan kung bakit nakabingit ang buhay nito sa kamatayan.

Inangat ni Krystinia ang nanginginig na kamay at hinaplos ang mukha niya. “Warrick, alagaan mo ang anak natin. Please. Huwag mo siyang hayaang lumaki sa galit. Dahil kapag iba ang ginawa mong pagpapalaki sa kanya, I swear, babalik ako. Mumultuhin kita.”

Kung sa ibang pagkakataon siguro sinabi iyon ni Krystinia sa kanya ay baka tumawa siya. Pero nasa kotse sila. Mahigpit ang pagkakahawak nito sa kamay niya. Tuwing sumisigaw ito sa sakit ay parang nararamdaman din niya. Wala itong sinabi nang mapasa sa kanya ang paglilihi nito noon. Hindi biro ang pinagdadaanan nito lalo na’t maraming ina ang nagbubuwis ng buhay kapag nanganganak. Katulad ng kapatid niya.

“Krystinia, huwag kang magsalita ng ganyan. Hindi ka mamamatay. Lakasan mo lang ang loob mo.”

Her face twisted in pain. “I think I am dying. Sobrang sakit, Warrick. Sobrang sakit.”

“You will live. You have to live, Krystinia. Kailangan mong mabuhay. Please!”

Pinagpapawisan na siya ng malapot. Hindi niya alam kung pawis o luha ang tumutulo sa kanya. Masyado pang maaga. Seven months pa lang ang dinadala nito.

Pilit itong ngumiti. “May asul na k-kahon sa loob ng closet ko. Naroon ang lahat ng pictures na kuha ko para sa baby natin. Mga bagay na gusto kong gawin kasama siya kung mabibigyan lang sana ako ng pagkakataon. Gusto kong hilingin na huwag mo siyang hayaang mabuhay nang walang ina. Kahit na wala ako sa tabi niya, ayokong isipin niya na ginusto kong iwan siya. Na hindi ko siya mahal. Mahal na mahal ko ang anak natin. P-Pwede bang gawin mo iyon?”

Bago pa siya nakasagot ay humimpil na ang kotse sa harap ng emergency door ng ospital. Bumukas ang pinto ng kotse at pinagtulungang ilabas ng mga nurse si Krystinia. Patuloy pa rin ang pagsigaw nito habang idinadala sa delivery room.

Naiwan siya sa labas ng delivery room. Lumulutang ang utak niya habang kinakausap siya ng doktor. Nagle-labor na si Krystinia. Kailangan nang ilabas ang bata bago pa mas mailagay sa panganib ang mag-ina niya.

“Gawin ninyo ang lahat, Doc. Gusto kong mabuhay ang mag-ina ko,” ang tanging nasabi niya at napausal ng dasal nang iwan siya ng doktor.

Hindi niya alam kung ilang oras na ang lumipas. Naririnig niya ang pagsigaw ni Krystinia sa loob ng delivery room. Naramdaman na lang niya ang pagtapik sa balikat niya. Nagulat siya nang makita si Louvre. "Nag-text sa akin ang Ate Miley," tukoy nito sa OB-Gyne ni Krystinia na malayong kamag-anak nito. "Isinugod nga daw dito si Krystinia. Nagkataong nasa Subic lang ako kaya tumuloy na ako dito." Inalok siya nito ng bote ng mineral water. "Tubig?"

"Salamat." Uhaw na uhaw siya sa sobrang nerbiyos. Mabuti at naroon si Louvre para alalayan siya.

 “Bakit nandito ka sa labas? Hindi ba dapat samahan mo si Krystinia sa loob? Kailangan niya ng moral support.”

“Nanlalambot ako. Hindi ko kayang makita siyang nahihirapan.” Pinunasan niya ang pawisan niyang noo. “Saka baka ayaw din niya akong makita doon. She hates me.”

“Anong nangyari?”

“Alam na niya ang tungkol sa galit ko sa pamilya niya. Iniisip niya ngayon na gumaganti ako sa kanya. Kinompronta niya ako kanina. Ayokong sabihin ang totoo pero mapilit siya. Kasalanan ko kung bakit napaanak siya ng wala sa oras. Kapag may nangyaring masama sa mag-ina ko, hindi ko mapapatawad ang sarili ko.”

“Ito naman ang gusto mo, hindi ba? Ang makapaghiganti sa pamilya niya. Hindi mo naman kailangang isisi sa sarili mo ang lahat. Bago ka pa pumasok sa buhay nila, sila na mismo ang humukay ng sarili nilang libingan.”

He didn’t know anymore. Pakiramdam niya ay siya ang pinakamasamang tao sa mundo. Sa kagustuhan niyang makapaghiganti, baka mawala pa si Krystinia at ang anak nila.

Lumapit sa kanya si Aling Yolly. “Sir, heto po ang kahon na ipinapakuha ninyo sa akin. Pati po ang camera. May kinuhanan po kasi diyan si Ma’am Krystinia para daw sa magiging anak ninyo.”

Binuksan niya ang kahon. May sulat at card si Krystinia para sa magiging anak nila sa bawat okasyon - mula sa binyag, birthday hanggang sa pagkakaroon nito ng crush kapag nagsimula na ang pagbibinata nito.

Nang buksan niya ang camera ay naroon ang larawan ng sandcastle.  Naalala kung paano siyang pilitin ni Krystinia na gumawa ng sandcastle para sa isang batang di nito kilala. Baka wala na nga itong pagkakataong gawin iyon. Pinagbilinan pa siya nitong mag-practice para sa magiging anak nila.

"Mahal talaga niya ang magiging anak namin," wika niya. “And it's not about money."

Nilingon niya si Aling Yolly at inabot dito ang cellphone ni Krystinia. “Tawagan mo ang pamilya niya. Sabihin mo na kailangan sila ni Krystinia.”

“N-Ngayundin po, Sir.” At lumayo sa kanila si Aling Yolly.

Kumunot ang noo ni Chrystler. “Sigurado ka ba? Oras na malaman nila ang tungkol dito, tiyak na ilalayo nila si Krystinia sa iyo at sa anak ninyo.”

Tumango lang siya. Gagawin niya ang lahat mabuhay lang ang mag-ina niya. At kung pipiliin ni Krystinia na lumayo sa kanya ay hahayaan niya ito.

Baby, Be Mine -Published under PHR and Finalist of Filipino Readercon 2014 (Completed)Basahin ang storyang ito ng LIBRE!