Chapter Forty-Eight

40.4K 730 3

KRYSTINIA was in agony. Mahigpit ang yakap niya sa unan tuwing kumikidlat at kumukulog sa labas. Walang humpay ang pagbuhos ng malakas na ulan. Tulad ng walang humpay na pag-ikot ng mga tanong sa isip niya at paggapang ng takot sa buong pagkatao niya.

Kahit nang marinig niya ang pagdating ng sasakyan ni Warrick ay hindi siya tuminag sa pagkakahiga sa kama. Sumasakit na ang ulo niya sa kaiisip. Kailangan niyang malaman ang totoo at si Warrick lang ang makakasagot ng mga tanong niya.

Narinig niya ang pag-ingit ng pinto ng kuwarto. “Krystinia, gising ka ba? Sorry kung na-late ako. Dahan-dahan lang ako sa pagmamaneho dahil malakas ang ulan.” Lumundo ang kama sa tabi niya at naramdaman niya ang paghaplos nito sa buhok niya. “Masama ba ang pakiramdam mo? Bumangon ka na. Hindi ka pwedeng di mag-dinner. Makakasama sa inyo ni Baby.”

Hindi siya tuminag sa pagkakahiga. “Nakausap ko si Kuya Thirdy, Warrick. Alam na niyang ikaw ang may-ari ng Sonriza Holdings.”

“It is nothing you have to worry about.”

“At ikaw din ang bumili kay Tito Dante ng shares namin.” Bumalikwas siya ng bangon at nilingon ito. “Bakit hindi mo yata ito nabanggit sa akin?”

“Hindi ka na parte ng kompanya. Sa palagay ko hindi mo na kailangang malaman.”

Mariin siyang pumikit. “Warrick, nagpa-panic na si Kuya Thirdy. Iniisip niyang di na namin mababawi ang shares namin. May plano ka ba talagang ibenta iyon kapag may kakayahan na kami?”

“Of course. Iyon ang nasa kontrata, hindi ba? Hindi naman niya alam ang kontrata natin kaya wala siyang alam. Huwag mo nang alalahanin ‘yan. Kumain na tayo. I had a long day. Hindi pa ako kumakain mula kanina.”

But she simply couldn’t let it go. Kailangan niyang malaman ang totoo. Akmang lalabas na ito ng kuwarto nang hinabol niya ito at pinigilan sa braso. “Warrick, hindi pa tayo tapos. Aminin mo nga sa akin ang totoo. May problema ka ba sa pamilya ko? May kasalanan ba kami sa iyo? Totoo ba ang sinabi ni Kuya Thirdy na ginagantihan mo kami?”

Pilit nitong hinatak ang braso sa kanya. “Krystinia, let it rest. Napa-praning lang ang kapatid mo.”

“Hindi niya sasabihin sa akin iyon kung walang dahilan. Nang malaman ng pamilya ko na ikaw ang naghatid sa akin pauwi, gusto na nilang palayuin ako sa iyo. Bakit?”

“Hindi na mahalaga iyon. Kalimutan mo nang pinag-usapan natin ito.”

“Hindi ko ito pwedeng kalimutan na lang basta. Alam kong may itinatago kayong sekreto sa akin. You owe me the truth. Hindi ako titigil hangga’t di ko nalalaman ang totoo.”

Magkadikit ang labi siya nitong hinarap. “Gusto mo talagang  malaman ang totoo?” Nang tingnan siya nito sa mga mata ay parang sinindihan ng apoy ang mga iyon dahil sa matinding galit na mababakas doon. “Niloko ng kapatid mo ang ate ko. He made her fall for him. Pinaasa niya, binuntis saka iniwan. Hindi siya matanggap ng pamilya mo dahil bumagsak ang maliit na negosyo ni Daddy at iniisip ng pamilya mo na pineperahan lang sila ng kapatid ko. Ipinadala nila ang kapatid ko sa Amerika. Iniwan niya ang kapatid ko na mag-isang pasanin ang pagbubuntis niya hanggang mamatay siya. Sila ng anak niya.”

Nanlalambot siyang napaurong hanggang mapaupo siya sa kama. “N-Nagawa nila iyon sa kapatid mo?”

“Hindi pa natatapos diyan ang kasalanan ng pamilya mo sa akin. Dahil sinisisi ni Daddy ang sarili niya sa pagbagsak ng negosyo niya at sa pagkamatay ng kapatid ko, naging masasakitin na rin siya. Namatay din siya pagkatapos.”

Umiling siya. “No! Hindi totoo iyan.”

“Bahala ka kung ayaw mong maniwala. Pero tinanong mo ako, hindi ba? Ibinigay ko lang ang sagot sa iyo kahit na hindi iyon ang gusto mong marinig.”

Pakiramdam niya ay sinasakal siya nang maging malinaw na ang buong scenario sa kanya. “Gumaganti  ka sa amin. Lahat ng ito paraan mo para makaganti.” Nakuyom niya ang palad. Gusto niyang hampasin ito at sampalin dahil sa galit. “Pati ba anak natin gagamitin mo para makaganti sa amin? Pati ako… wala akong kasalanan sa iyo.”

“Ganti?” Ngumisi ito at inilapit ang mukha sa kanya. “Kung gusto kong gumanti, sana hinayaan ko na lang sa kulungan ang kapatid mo. Hinayaan ko na rin sanang mamatay ang kuya mo. Hindi ba ako pa nga ang tagapagligtas ninyo nang mga panahong walang gustong tumulong sa inyo? O nakalimutan mo na iyon?”

“Hindi ko nakakalimutan iyon. Pero kung alam ko lang kung ano ang tunay mong intensiyon, mas gugustuhin ko pang pabayaan mo na lang kami. Mas matatanggap ko iyon, Warrick. Wala ka nang itinira sa amin ultimo dignidad. Lahat isinuko ko na sa iyo. At sigurado ako na pati sa anak natin gaganti ka dahil may dugo siyang Valdesco. Titiyakin mo na pagsisisihan namin ang lahat dahil ipinanganak kaming Valdesco.”

“My son is a different case, Krystinia. He is mine. Lalaki siyang Evaristo. Buburahin ko ang pagiging Valdesco niya. Magpasalamat ka sa anak mo dahil nakakabawi ang pamilya mo sa lahat ng kahayupang ginawa ng pamilya mo sa akin.”

Parang may tumusok sa dibdib niya. Sobrang sakit. Hindi niya pwedeng angkinin ang anak niya dahil iyon ang kasunduan nila ni Warrick. Hindi rin ito pwedeng angkinin ng pamilya niya. That was the ultimate revenge. Nagawa nitong kunin ang pinakamahalagang bagay sa kanya. At isang malaking sampal pa sa kanya dahil ginawa niya iyon para sa pera.

Naramdaman niya ang pananakit ng puson niya pero hindi niya iyon ininda. Mas matindi ang sakit na nararamdaman niya sa puso niya.  “Hanggang kailan ka gaganti, Warrick? Kapag nakuha mo na ba ang anak mo, magiging masaya ka na ba? O kailangan pa ba naming halikan ang paa mo para maging masaya ka? Sabihin mo na para matapos na ito.”

Tumayo siya at nanlaki ang mata nito habang nakatitig sa kama. Wala nang galit na mababanaag sa mukha nito kundi takot. Matinding takot. “Krystinia… you are bleeding…”

Napansin niya ang dugo sa kubre-kama. Nasapo niya ang tiyan. Nakagat niya ang labi nang humilab ang tiyan niya. It was as painful as hell. Nagsimula na ring gumapang ang takot sa kanya. “Ang anak ko!” Parang matutumba siya sa pagkahilo at maagap siyang inalalayan ni Warrick. “Dalhin mo na ako sa ospital.”

Baby, Be Mine -Published under PHR and Finalist of Filipino Readercon 2014 (Completed)Basahin ang storyang ito ng LIBRE!