Chapter Forty-Four

41.6K 882 30

"MA'AM, lahat po ito binili ninyo para sa baby ninyo?” Itinaas ni Aling Yolly ang baby dress na over-all na in-order niya mula sa isang online shop. “Pero hindi pa po niya magagamit agad ang mga ito. Parang pang-isang taon na ang mga ito."

"Mabibilis pong magsilaki ang mga bata ngayon. Kaya po magagamit agad niya 'yan."

May sakit sa dibdib niya nang iikot ang paningin sa kama ng masters bedroom kung saan nakalatag ang mga pinamili niyang laruan at damit. Masakit lang na di na niya makikita ang paglaki ng anak niya. Hindi rin niya alam kung mahahawakan niya ito o makikita man lang. Malabo nang pumayag si Warrick na makipag-bargain sa kanya. Isang malaking banta dito na malamang mahal niya ito. Ang una tiyak nitong gagawin oras na manganak siya ay ilayo sa kanya ang bata.

Sa pagdaan ng mga araw ay lalo lang niyang minamahal ang anak niya. Kahit anong pilit niyang isaksak sa isipan niya na di niya pag-aari ang bata dahil may kontrata silang pinirmahan ni Warrick, di naman niya maiaalis ang pagiging nanay niya. Siyam na buwan niyang dadalhin ang bata. Magkarugtong ang buhay nila.

Wala siyang magagawa kundi kilalanin ang kasunduan nila ni Warrick. Di niya makakalimutan na utang niya dito ang katiwasayan ng pamilya niya. Kahit sa ganitong paraan ay maiparamdam niya ang pagiging nanay niya. Sana naman ay hindi ipagkait ni Warrick sa kanya ang pagkakataong iyon.

Nag-ring ang cellphone niya at nakita niyang si Vernel ang tumatawag. "Manang, hayaan lang po ninyo 'yan. Ako na po ang bahalang magtabi. Sasagutin ko lang po ito."

Kapag kausap niya ang kamag-anak at kaibigan ay mas gusto niyang mag-isa lang siya. Minsan na niyang naipakilala sa webcam si Aling Yolly pero sinabi niyang nanay ito ng kasamahan niya sa bahay. Sinabi rin niya kay Aling Yolly na hindi alam ng pamilya nila ang tungkol kay Warrick dahil tutol ang pamilya niya sa relasyon nila.

"Sige po, Ma'am. Ihahanda ko na po ang hapunan ni Sir."

Paglabas ni Aling Yolly ay saka lang niya sinagot ang tawag ni Vernel. "Vernel, bigla kang napatawag." Noong una ay sa Skype sila nag-uusap pero napapansin na ng mga ito ang mga pagbabago sa kanya. Kaya kung may importanteng dapat pag-usapan ay siya na ang tumatawag sa mga ito. Pinalalabas na lang niya na may sira ang internet connection sa apartment niya.

"Nagpunta si Tita Chat sa hotel ninyo. Nagbilin kasi ako na ibigay sa iyo ang ipinadala kong package. Nagbakasyon silang mag-asawa niya diyan."

Nanlaki ang mata niya at nasapo ang dibdib. Pakiramdam niya ay aatakihin siya sa puso. "Ano? Nagpunta siya s-sa spa? Bakit hindi mo sinabi sa akin?" tanong niya sa mataas na tono.

"Gusto lang naman kitang sorpresahin. Sabi ng staff sa spa, wala daw Krystinia Valdesco na nagtatrabaho diyan. Paano nangyari 'yon? Talaga bang sa hotel na iyon ka nagtatrabaho?" tanong nito na parang naghihinala na sa kanya.

Malakas na malakas ang kaba sa dibdib niya. Walang sekretong di nabubunyag. Umuugong sa tainga niya ang tanong nito. Pilit niyang kinalma ang sarili. Hindi ito ang oras para mataranta. Sa pagdaan ng mga araw ay natututo na siyang lumusot at humabi ng kwento sa mga tanong ng mga ito. Kaya rin niyang malusutan ito.

"Oo naman. W-Wala ako sa Oahu ngayon. Nasa training ako sa New York. Nandito ang main branch namin. Sa susunod kasi huwag mo akong sinosorpresa. Sayang tuloy ang pagpunta nila doon.”

“Pero bakit ang sabi nila kay Tita Chat wala daw Krystinia Valdesco na nagtatrabaho doon? Sana sinabi nila na nasa traning ka lang.”

Pumalatak siya. “Malamang kagagawan na naman iyon ng mga bruha.”

“Sinong bruha?” tanong nito.

“Baka mga kasamahan ko na may galit sa akin ang napagtanungan niya kaya sinabing di ako nagtatrabaho doon. Ang totoo tatlo sila. Mga malditang babae na pakiramdam yata ay sila ang pinakamagaling sa mundo.” Napausal na lang siya ng panalangin ng paghingi ng tawad. In fairness sa mga nakasama niya nang nag-training siya sa spa ay mababait ang mga naroon at maayos makisama sa kanya. Tawag lang talaga ng pangangailangan kaya kinailangan niyang humabi ng kwento laban sa mga ito. Wala naman siyang binanggit na pangalan.

Baby, Be Mine -Published under PHR and Finalist of Filipino Readercon 2014 (Completed)Basahin ang storyang ito ng LIBRE!