Chapter Thirty-Six

38.4K 693 3

PABALIK-BALIK ng lakad si Krystinia sa sala habang hinihintay ang pagbabalik ni Aling Yolly mula sa pamamalengke sa bayan. Hindi siya mapakali nang matuklasang delayed siya.

Nang marinig ang ugong ng sasakyan sa labas ay sinalubong agad niya si Aling Yolly pagbaba pa lang ng kotse. “Manang, nabili po ba ninyo?” tanong niya.

Nakangiti nitong ibinigay sa kanya ang maliit na plastic. “Alam mo bang pinagtatawanan ako ng damokles na tindera sa pharmacy. Akala yata nag-iilusyon ako na magbubuntis pa ako. Naku! Parang masarap sabunutan ang lintek!”

“Magte-test na po ako,” sabi niya.

Abot-abot ang kaba niya habang hinihintay ang resulta. Sumandal siya sa pinto ng banyo ang makita ang dalawang pink na guhit. It’s positive. Buntis siya. Kailangan na lang kumpirmahin ng doktor pero maliit ang porsiyento na mag-fail ang pregnancy test.

Napapitlag siya nang kumatok si Aling Yolly sa pinto. “Krystinia, positive ka ba?”

Marahan niyang binuksan ang pinto at tumango. “Opo. Positive po ako.”

“Naku! Magandang balita iyan.” Pinisil nito ang balikat niya. “Ipagluluto kita ng marami at kailangang kumain ka mula ngayon. Pumapayat ka. Hindi maganda sa buntis ang payat. Kailangan ninyong kumain ng anak mo.”

Nitong nakakaraang araw ay nawawalan siya ng gana. Pero wala namang ibang sintomas na buntis siya. Di siya katulad ng ibang buntis na naglilihi. Kadalasan ay iyon daw ang basehan para malamang naglilihi ang isang babae.

Ngayon na lang siya nag-check ng kalendaryo. Hangga’t maari nga ay ayaw niyang tumingin sa kalendaryo o kahit anong may kinalaman sa petsa. Ayaw niyang isipin kung kailan dadating si Warrick para angkinin siya dahil fertile period niya. Napansin lang niya ang stocks ng sanitary napkin niya na di pa rin nababawasan.

Gusto niyang maging masaya na magiging nanay na siya. Matutupad na ang pangarap ni Warrick. Pero parang ayaw din niyang maging masaya. Nabibilang lang din ang oras na magiging kanya ang batang iyon. Hindi rin naman siya ang kikilalanin nitong ina.

Kinuyom niya ang palad. “K-Kailangan ko pong sabihin kay Warrick ito.”

Ayon sa kontrata, limang milyon ang makukuha niya oras na magdalang-tao siya. Her family needed the money. Nagpapagamot pa rin ang Papa niya. Ongoing pa rin ang kaso ng kapatid niya. Ang totoo ay naaawa din siya sa mga taong nabiktima nito. May mga pamilya din ang mga ito. Kung pwede nga lang na siya na ang magbalik ng pera ng mga ito.

Ngayon lang ulit umatake ang pagiging praktikal niya. Mula nang ipaalala ni Warrick kung para saan lang ang lahat ng pinagsasaluhan nila, sinanay niya ang sarili na pera na lang ang isipin. Hindi iyon ang nature niya. That’s why she had a soft spot for Warrick whenever he makes love with her. But for self-preservation, she decided to settle for money. Para kapag tinalikuran niya ang lahat, hindi na masyadong masakit.

Pero iba na ngayon. Magkakaanak na sila. Hindi niya alam kung kaya pa rin niyang pangatawanan ang katigasan niya pagdating kay Warrick.

Dahil ngayon pa lang ay natatakot na siyang maputol ang mga sandali niyang kasama ito at malapit na rin ang panahong mawala sa kanya ang anak niya. Tinutop niya ang tiyan. “I want to have you for myself even for a while. Tayo munang dalawa.” Hindi muna niya sasabihin kay Warrick. Gusto lang niya ng maikling panahong makasama ang anak niya.

Baby, Be Mine -Published under PHR and Finalist of Filipino Readercon 2014 (Completed)Basahin ang storyang ito ng LIBRE!