Chapter Twenty-Seven

43K 862 7

“MOMMY, pasensiya na po kayo kung ito lang farm ang matutuluyan natin sa ngayon,” sabi ni Krystinia nang lumabas sa kuwarto si Serafina nang sa wakas ay nakatulog na ang papa niya.

“Ano bang sinasabi mo?  Mabuti nga may matutuluyan tayo. Wala na rin naman tayong mababalikan,” malungkot nitong usal at alam niyang matindi ang panghihinayang nito. Iba na ang buhay nito ngayon. Na-kickout sila sa alta sociedad. Sa ngayon ay walang mapapasukang trabaho si Thirdy dahil sa di magandang reputasyon nito. Ang mahalaga dito ay maayos ang kaso nito at di pa nadedesisyunan ang pagiging state witness nito. “Mas gusto ko nga dito sa farm. Alam mo naman na simple lang ang buhay ko bago ako pakasalan ng papa mo. Tahimik lang at malayo tayo sa mapanuring mga mata. Kung ako ang tatanungin, ayoko nang umalis dito. Kung papayag si Dante gusto kong bilhin ito. Iyon ay kapag nakabawi na tayo.”

She knew that it was not easy for her family. Kahit pa sabihin ni Serafina na sanay ito sa hirap, iba ang kaso nina Thirdy at Teodicio. Lalo na ang papa niya. She still considered herself lucky. Kung hindi siya ang pinili ni Warrick na maging ina ng anak nito, malamang ay sa kalsada na sila nakatira, hindi na maipapagamot ang papa niya at nakakulong pa rin si Thirdy.

“Huwag po kayong mag-alala. Oras na makabayad tayo sa lahat ng utang, kakausapin ko po si Tito Dante para bilhin sa kanya ang bahay na ito.”

Nangilid ang luha nito. “Hindi ko alam kung tamang payagan ka naming mag-abroad. May inalok naman sa iyong trabaho sa spa, hindi ba?”

“Mommy, ganoon din po iyon. Malalayo ako sa inyo. Di rin malaki ang sweldo para tustusan ang mga gastusin natin. Kahit na nagmagandang-loob na tumulong si Frecy sa kaso ni Kuya, marami pa ring kailangang bayaran. At kung gusto natin ng mas magandang buhay, kailangan ko po talagang magtrabaho sa ibang bansa. Sayang ang pagkakataon. Malaki na po ako. Kaya ko na pong alagaan ang sarili ko.”

Nakarinig sila ng ugong ng sasakyan. Nang tumanaw sila sa labas ay parating si Vernel. "Heto na pala ang love life mo,” biro nito.

Dali-dali niyang sinalubong sa gate si Vernel na madaming  bitbit. “O! Bakit hindi ka nagpasabi na luluwas ka ng Manila? Saka paano mo natunton ang bagong bahay namin?”

“Sinabi ni Tita Serafina. Ilang araw ka na lang sa Pilipinas, Krystinia. Susulitin ko na ang ilang araw na iyon.” Namulsa ito. “Saka magpapaalam sana ako kay Tita Serafina kung pwede tayong lumabas. May nadaanan kasi akong coffee shop sa bayan.”

“Walang problema,” sabi ni Serafina. “Umalis na kayo at baka gabihin pa kayo.”

“Hindi na magbabago ang isip mo?” tanong ni Vernel iniinom nito ang in-order nitong café americano sa café na pinuntahan nila.

"Kailangan kong bayaran ang mga utang ng pamilya ko. We practically have nothing. Ito lang ang nakikita kong solusyon para makatulong sa kanila. Two years lang naman ako sa ibang bansa. Basta maayos ko ang problema sa pamilya ko babalik din ako."

"Kailan ka lang bumalik sa buhay ko tapos mawawala ka rin agad. Akala ko may pagkakataon na para sa atin..." malungkot nitong sabi.

"Vernel," malungkot niyang usal sa pangalan nito.

Mahigit nitong hinawakan ang kamay niya at puno ng emosyon siyang tinitigan sa mga mata. "Magiging masaya siguro ako kung bago ka umalis ay sabihin mong mahal mo rin ako."

"I am sorry. Hindi siguro ito ang tamang pagkakataon para diyan,” aniya at binawi ang kamay mula dito. Hindi na siya buo. Hindi na siya ang babae para kay Vernel. Nakatali na siya sa iba kahit pa nga sabihing di naman siya ikakasal kay Warrick. Pag-aari siya nito sa loob ng dalawang taon o maaring higit pa. At alam niyang di patas para kay Vernel.

"Alam ko naman na importante sa iyo ang pamilya mo. Handa naman akong maghintay basta bigyan mo lang ako ng pagkakataon. Basta huwag mo lang akong tanggihan,” pakiusap nito. That Mukhang wala itong balak na basta na lang sumuko.

"Ayokong umasa ka. Di natin alam kung anong pwedeng mangyari sa loob ng dalawa o tatlong taon. Unfair sa iyo kung paghihintayin kita ng matagal."

"Hindi mo ba ako gusto kahit na katiting?"

Kung wala lang si Warrick, di magdadalawang-salita si Vernel sa kanya. Pero nakatali siya dito, sa isang kontrata. Hindi niya alam kung anong pwedeng mangyari sa kanya sa hinaharap. Oras na isilang ang magiging anak niya, hindi niya alam kung kaya pa niyang magmahal ng ibang lalaki o bumuo ng ibang pamilya. At di rin niya alam kung matatanggap ni Vernel ang bahaging iyon ng pagkatao niya.

Mataas ang tingin nito sa kanya. Oras na malaman nitong ibinenta niya ang sarili niya at ang anak niya, mamahalin pa ba siya nito? Kailangan nito ng isang babaeng disente na ito lang ang tanging mamahalin. Ang walang itinatagong sekreto na makakasira sa pagmamahal nito.

Tinapik niya ang kamay nito. "Sa ngayon pagkakaibigan lang maio-offer ko sa iyo. Importante ka sa akin. Kaya nga ayokong umasa ka sa akin dahil di ko alam kung anong pwedeng mangyari habang nasa malayo ako. Gusto kong maging masaya ka kaya huwag mong isasara ang puso mo sa iba."

Umiling ito. "Paano kung ikaw pa rin ang gusto ko? Paano kung hindi ko gugustuhing magmahal ng iba?"

"Malalaman natin pagbalik ko." Kung matatanggap pa siya nito. Hindi niya alam kung magagawa iyon ni Vernel. Hindi nga niya alam kung kaya niyang tanggapin ang sarili niya pagkatapos. Niyakap niya ito. "Salamat sa pagmamahal, Vernel. Di ko makakalimutan 'to kahit pa saan ako magpunta. Thank you."

Mabuti pa rin itong kaibigan sa kanya. Hindi niya makakalimutan ang mga naitulong nito. Hindi siya nito pinabayaan kahit na tinalikuran na sila ng lahat. Tinanggap nito ang pamilya niya at hindi siya ikinahiya.

If only things were different. Kundi lang sa trahedyang dinanas ng pamilya niya… kundi lang nagkita silang muli ni Warrick.

Nag-ring ang cellphone niya at nataranta siya nang makitang si Warrick ang tumatawag. Sumasal ang kaba sa dibdib niya. Bakit bigla itong tumawag? Nitong nakakaraan ay puro kay Chrystler lang siya nakikipag-usap. Huminga siya ng malalim at isang tipid na ngiti ang ibinigay kay Vernel. “Excuse me. Sasagutin ko lang ‘to,” sabi niya at lumabas ng café. Ayaw niyang may marinig ito na kahit ano tungkol kay Warrick. “Hello.”

“Nasaan ka?” tanong agad nito.

“N-Nasa café kasama ang kaibigan ko.”

“Kaibigan mo? Bakit kailangan ka pang yakapin ni Mr. Agustin?”

Baby, Be Mine -Published under PHR and Finalist of Filipino Readercon 2014 (Completed)Basahin ang storyang ito ng LIBRE!