Chapter Twenty-Two

45.5K 1K 6

SINU-SUPERVISE ni Krystinia ang pag-seize ng sheriff sa bahay nila. Masakit iyon dahil pag-aari pa iyon ng lolo ng ama niya. Sa bahay na iyon lumaki ang ama niya at bumuo ng pamilya. Sa bahay na iyon din siya lumaki. Marami siyang masasayang alaala kasama ang namayapang ina.

Kailangang isakripisyo iyon para sa kalayaan ng kapatid niya at buhay ng ama niya. Marami pang ari-arian ang nawala sa kanila. Di biro ang mahigit isang bilyong naitakas ng mga tunay na mastermind ng pyramid scheme at kailangan nilang pagbayaran ang lahat ng iyon. Kulang pa ang mga ari-arian nila para mabawi ang lahat.

"May isang buwan pa kayo para manatili dito. Iyon din ang desisyon ng board," sabi ni Dante na naroon din para umalalay sa kanya. "May farm kami sa Bulacan. Kung wala kayong matutuluyan pa, pwede kayong pumunta doon. Kung pwede nga lang ibenta na lang sa akin ng ama mo ang shares niya. Pwede naman niyang bawiin iyon sa akin kapag nakabawi na kayo.”

"Salamat, Tito,” sabi niya. “Matigas po kasi ang ulo ni Papa. Kuyom pa rin ang palad niya sa shares. Kahit si Mama po namomoroblema na sa mga gastusin namin sa ospital.”

“Pwede kang bumalik sa dating post mo sa Ageless Beauty Spa kung gusto mo,” sabi nito. “Alam ko na di masyadong malaki ang sweldo doon pero makakatulong iyon para hindi tuluyang maghirap ang pamilya ninyo.”

Nagningning ang mga mata niya. "G-Gusto ninyong bumalik ako sa trabaho ko sa kabila ng nangyari? Pagkakatiwalaan po ninyo ako?"

"Lumaki ka sa harap namin. Sa simula pa lang mas malaki na ang potential mo sa kapatid mo. Si Teodicio lang ang masyadong makaluma at di ka daw dapat humawak ng mataas na posisyon. You are an asset to Ageless Beauty,” nakangiti nitong sabi.

"Thank you sa tiwala, Tito."

"Kapag handa kang bumalik sa trabaho at umayos na ang kalagayan ng pamilya mo, pwede kang bumalik sa kompanya."

"S-Sige po. Gagawin ko po talaga 'yan at pagbubutihan ko ang trabaho ko."

Malaking bagay sa kompiyansa niya na may tao pang nagmamalasakit at nagtitiwala sa kanya. Nagkaroon siya ng pag-asa sa gitna ng kawalan. Malaking bagay iyon lalo na't di niya alam kung paano pa itataguyod ang pamilya niya. Ibinenta na niya ang mga alahas na pamana ng mama niya at iyon ang ginagastos nila. Pero di siya lubusang makapagsaya. Nakakulong pa rin ang kapatid niya at palala nang palala ang kondisyon ng ama niya.

At nariyan pa si Warrick. Mula nang umalis siya sa bahay nito nang nakaraang umaga ay hindi na ito maalis sa isipan niya. Nangangamba siyang magsanga na lang ang landas nila at di niya alam kung paano ito haharapin. Baka nga balewala lang dito ang nangyari sa kanila. He must be used to having one-night stands but not her. Ito lang ang nag-iisang lalaki sa buhay niya at pakiramdam niya ay di na niya kayang ibigay ang sarili sa iba.

Nag-ring ang cellphone niya habang pinipili niya ang ibang designer clothes niya na pwede pa niyang ibenta. "Hello, Mommy! Bakit po kayo napatawag?"

"P-Pumunta ka dito sa ospital ngayundin," anito at kasunod ang paghagulgol niyo ng iyak.

"A-Ano pong nangyari?" Nang iyak na naman ang isagot nito ay lalo siyang nag-alala. "Papunta na po ako diyan."

Matindi ang kabang naramdaman niya habang iniisip kung ano ang posibleng nangyari sa Papa niya. "Papa, please don't give up."

Paano kung huli na ang lahat?  Paano kung wala na siyang magagawa para sagipin pa ang ama niya? Hindi yata niya mapapatawad ang sarili niya kapag nawala ang papa niya. Sana tinanggap na lang niya ang alok ni Warrick. O kahit ang alok ni Ludwig ay pikit-mata niyang sisikmurain.

Tinakbo niya ang hallway ng ospital. Ubod ng lakas niyang itinulak ang pinto ng hospital suite. "Papa! Mommy, anong nangyari kay Papa?"

"Okay lang siya."
"Pero umiiyak kayo sa telepono kanina."

Baby, Be Mine -Published under PHR and Finalist of Filipino Readercon 2014 (Completed)Basahin ang storyang ito ng LIBRE!