Chapter Eighteen

45.3K 1.2K 42

 “PAPA, kumain na po kayo. Kailangan po ninyong magpalakas. Mamaya iinom pa kayo ng gamot. Please.”

Mistulang bingi si Teodicio sa pakiusap ni Krystinia at ibinaling lang palayo ang mukha sa kanya. Bagamat nagising na ito at pwede nang kumain ay parang wala naman itong ganang mabuhay. Malamig pa ang pakikitungo nito sa kanya tuwing siya ang nag-aasikaso dito. Nag-aalala ang mga doktor sa kalagayan nito at kailangan na nitong operahan sa lalong madaling panahon bago pa tuluyang bumigay ang puso nito.

“Nasaan si Thirdy?” tanong nito. “Hindi ba niya ako dadalawin?”

Yumuko siya at di makatingin dito. “I am sorry, Pa. Hindi pa po siya nakakalabas. Naka-detain pa rin po siya hanggang ngayon.” Masakit mang sabihin pero kailangan niyang aminin dito ang totoo.

Naglatang ang galit sa mukha nito. “Hindi pa? Hindi pa? Sobrang tagal na ng anak ko sa kulungan at wala ka man lang magawa para palayain ang Kuya Thirdy mo?” Matiim na nagdikit ang labi nito. “Ano pang silbi mo dito kung hindi mo lang din naman siya mailalabas sa kulungan at matutulungan sa kaso niya?” Tinabig nito ang bowl ng pagkain na hawak niya. “Kahit kailan wala ka talagang silbi.”

Nahigit niya ang hininga dahil di niya inaasahan ang kagaspangang ipapakita nito. Nasundan na lang niya ng tingin ang pagkaing natapon sa sahig. Nanginginig siyang lumuhod sa sahig para linisin ang natapong pagkain. Subalit pakiramdam niya ay siya ang tinabig at tinanggihan nito. Pinipigilan na lang niya mapahikbi dahil tiyak na lalo itong magagalit kapag umiyak siya. Ayaw ng papa niya ng umiiyak. Madadagdagan pa ang kasalanan niya dito.

“P-Papa, I am sorry. Hindi naman po ganoon kadali ang lahat.”

“Krystinia, anong nangyayari dito?” nahihindik na tanong ni Serafina na kasunod ang Yaya Mameng niya. “Ginalit mo na naman ang Papa mo?”

Habol ng Papa niya ang hininga nito habang hawak ang dibdib. “Papatayin niya ako sa sama ng loob. Bakit pinabalik mo pa siya dito kung wala naman pala siyang silbi?”

Napatingin siya dito. “Papa…”

Hindi siya makapaniwala na walang kwenta ang lahat ng sakripisyong ginagawa niya para sa pamilya. Pagkatapos ay ito pa ang mapapala niya.

“Sige na. Lumabas ka na,” iritadong utos ni Serafina. “O gusto mo talagang mamatay na ang papa mo?”

Kahit masama ang loob ay pinili niyang lumabas na lang ng silid subalit di agad siya umalis at nakikinig sa pinto. “Ayokong magpaopera kung wala si Thirdy. Gusto kong nandito si Thirdy. Mamamatay ako kapag wala ang anak ko.”

Umaalingawngaw sa isipan niya ang sinabi nitong wala siyang silbi. Wala siyang kasalanan sa lahat ng nangyayaring ito.  Na ikamamatay nito na wala doon si Thirdy na parang ang kuya lang niya ang anak nito.

Hindi niya kasalanan kung di na makakalabas si Thirdy. Di niya hawak ang batas. Ginagawan din niya ng paraan para makakuha ng pampaopera nito. Pero lahat na lang ng sisi ay pinapasan niya. Siya ba ang gumawa ng maling desisyon sa negosyo? Siya ba ang nagpabagsak ng kompanya? Siya na ang sumira sa pangalan ng pamilya nila? Siya ang nakadispalko ng pera? Kulang na lang ay sabihin nito na siya na lang sana ang nakakulong at hindi si Thirdy.

Wala siya sa sarili nang maramdaman niyang may bumangga sa kanya. "Are you blind or plain stupid? Di ka tumitingin sa dinadaanan mo."

"I'm sorry,” mahina niyang usal. Akmang iiwas na lang siya para ipagpatuloy ang paglalakad pero nakaharang pa rin ang nabangga niya sa dadaanan niya.

"Look who's here. The haughty princess. You still have the nerve to look so haughty now?"

Bigla niyang inangat ang tingin nang marinig ang pamilyar na boses. "Ludwig!"

Baby, Be Mine -Published under PHR and Finalist of Filipino Readercon 2014 (Completed)Basahin ang storyang ito ng LIBRE!