Chapter Fourteen

39.1K 662 6

“KRYSTINIA, pasensiya ka na sa nakayanan namin. Twenty thousand lang ito. Pinagtulung-tulungan namin. Nagbigay ng tulong pati ang mga staff mo. Iyan lang ang nakayanan namin sa ngayon,” malungkot na sabi ni Vernel nang iabot sa kanya ang pera. Nasa cafeteria sila ng ospital kung saan siya dinalaw nito. “Pero oras na makaani kami sa farm, madadagdagan pa iyan. Gagawan ko ng paraan.”

Naluha siya nang mahawakan ang pera. Iyon ang unang tulong na natanggap niya mula nang maospital ang papa niya. Habang ang mga taong inaasahan nilang aagapay sa kanila at itinuring nang pamilya ng mga magulang niya ang tumalikod sa kanila.

“Maraming salamat, ha? Wala na kasi akong ibang matatakbuhan ngayon. Pakiramdam yata ng mga tao masama kaming lahat dahil sa ginawa ni Kuya. Hindi naman kami ganoon kasama, hindi ba?”

Hindi perpekto ang pamilya niya pero di kailangang madamay ang Papa niya sa kagagawan ng kapatid niya. Kailangan nito ng tulong. Paanong naaatim ng ibang tao na hayaang mamatay lang ang Papa niya niya nang di nag-aabot ng tulong samantalang nang kailangan ng mga ito ng tulong ay nagbibigay naman ang pamilya niya? May konsensiya pa ba ang mga taong sinasabing kaibigan nila ang mga ito? Kahit ang mga non-government organization na binibigyan nila ng donasyon ay iling agad ang isinagot sa kanila nang lumapit sila.

“Anong sabi ng abogadong kinuha mo sa kaso ng kuya mo?”

Marahan siyang umiling. “Mahihirapan daw makalusot sa kaso ang kuya ko. But hopefully mapababa ang kaso niya at maging bailable pa rin.”

Pero masakit pa rin sa dibdib ang bail ng kuya niya. Ang priority kasi niya ngayon ay ang pagpapagamot sa tatay niya. Nade-depress siyang dalawin ito sa kulungan dahil siya ang pine-pressure nito at lagi namang nakasegunda si Serafina. Kung magsalita ito ay parang wala siyang magagawa para tulungan ito. Solong katawan na nga siya sa pagkilos dahil wala na siyang maaasahan kay Serafina.

Nakakapagod ang ganoong pakiramdam. Parang pinasan niya ang lahat ng problema sa mundo. Parang ilang araw lang ang nakakaraan ay tahimik ang buhay niya. Simple lang ang buhay niya pero may peace of mind siya. Ngayon ay gulong-gulo ang mundo niya. At kahit anong gawin niya para itama ang lahat ng mali ay lagi pa ring kulang. Hindi na niya alam kung panong sosolusyunan ang problemang patong-patong. Parang hindi na matatapos.

Ginagap ni Vernel ang kamay niya. “Alam mo naman na kung kailangan mo ako, nandito lang ako. Gagawin ko ang lahat para matulungan ka.”

“Maraming salamat.”

Gumaan ang loob niya nang dahil kay Vernel pati sa iba pa niyang mga kaibigan na hindi basta-basta nanghuhusga. They didn’t even question her or the integrity of her family. Basta na lang nagbigay ng tulong ang mga ito. Maging ang mga taga-baranggay Marikit ay nagtutulong-tulong para magpadala sa kanya.

Sa isang banda ay di pa rin naman siya pinababayaan ng Diyos. May mga kaibigan pa rin siya na tutulong sa kanya kahit sa munting paraan.

“Pasensiya na sa abala. Alam ko naman na marami kang iniintindi.” May problema sa agawan ng lupa ang pamilya nito. Kaya kahit ang farm nito at namemeligro sa gahamang mga kamag-anak na gustong kumamkam nito.

“Alam mo naman na hindi ka abala sa akin. Basta ikaw.” Nahihiya itong ngumiti at kumamot sa ulo. “Saka gusto kong malaman mo na mahal kita.”

Malungkot siyang umiling. “This is not the time for that.”

“P-Pero gusto ko pa ring malaman mo.” Ginagap nito ang kamay niya. “Kapag hirap na hirap ka na, nandito lang ako para sa iyo.”

“Salamat,” nasabi lang niya. Hindi rin nagtagal si Vernel. Gusto sana nitong sumamang magbantay sa kanya sa Papa niya pero mas mabuting bumalik din ito sa Bohol.

Siya ang nagbabantay sa papa niya nang dumating si Dante Ancheta, ang Executive Vice President for Finance ng Ageless Beauty. Habang walang kakayahan si Thirdy na pamahalaan ang kompanya at indisposable din ang Papa niya ay ito ang tumatayong acting-CEO. Sa lungkot sa mga mata nito, mukhang hindi maganda ang balitang dala nito.

“Tito Dante, kumusta po?” tanong niya. “Kumusta po ang kompanya? Pasensiya na po kung hindi ko po mahawakan ang area ko ngayon.”

“It’s okay. You trained your people well. Si Jemileia Pontillas ang humahawak sa area mo ngayon. Pero ang kompanya…” Bagsak ang balikat nitong umiling. “I am sorry. Dahil sa pagbagsak ng stocks natin mula nang lumabas ang eskandalo sa kapatid mo, nawalan ng kompiyansa sa atin ang mga investors. At kaninang umaga ko lang nalaman na naibenta na pala ang majority ng  shares natin. Nakuha na ng Sonriza Holdings ang thirty-five percent ng shares. Nandito lang ako para sabihin sa iyo na anumang oras ay magte-take over na ang Sonriza Holdings.”

Nanlaki ang ulo niya. “A-Ang bilis naman po.” Dalawang linggo pa lang ang nakakalipas mula nang makulong ang kapatid niya at magkasakit ang Papa niya. “Hindi ba pwedeng huwag muna silang mag-take over? May sakit pa si Papa. Tiyak na didibdibin niya ang nangyaring ito.”

Matindi ang paghawak ng ama niya sa shares ng Ageless Beauty. Ayaw nitong bitiwan dahil ang kompanya ang buhay nito. Hindi nga niya mabuksan sa usapin ang pagbebenta nito ng shares para maisalba ang kapatid niya dahil baka lalong ikasama ng loob nito. Kaya naman nakatali ang kamay nilang mag-ina dahil pareho silang walang magawa kundi makiusap.

At sa masamang balitang ito, natatakot siya na mas mapadali ang buhay ng ama niya. Ngayon pa nga lang ay nahihirapan na sila dahil patuloy ang pagbagsak ng kalusugan nito. Kundi pa dahil sa pangakong gumagawa siya ng paraan para mailabas ang kapatid niya sa kulungan ay hindi ito susunod sa utos ng doktor. Pakiramdam niya ay dalawang bagay lang ang mahal ng papa niya. Ang kompanya at ang kapatid niya. Kung mawawala pa dito ang kompanya, tuluyan na itong mawawalan ng pag-asa.

“I know. Kaya nga sinubukan kong makipag-usap sa owner ng Sonriza Holdings. Na bigyang konsiderasyon ang Papa mo dahil may sakit siya. O kahit man lang magkaroon pa siya ng kompanyang babalikan at bibigyan ng pagkakataon ang papa mo na maging major shareholder ulit oras na gumaling siya o makabalik si Thirdy at malinis niya ang pangalan niya. Pero lumalabas na ang desisyon ay wala sa head ng Sonriza Holdings. It happens that Sonriza Holdings is just under the umbrella of a much bigger company.”

“Ano pong kompanya?”

“Evaristo Investments. And it’s head is Warrick Evaristo. At ngayon pa lang sinabihan na ako na mahihirapan tayong kausapin siya. And when he found out that I want to set up a meeting with him, he said that he only wants to discuss it with a Valdesco.”

Si Warrick. Ito ang nakabili ng majority shares ng kompanya nila. Saka niya naalala ang kagustuhan ng pamilya niya na layuan niya ito. Ipinilig niya ang ulo. Walang ibang ibig sabihin iyon. Negosyo lang ang lahat. Hindi naman kasalanan ni Warrick kung nag-invest ang kapatid niya kasama ang mga mandarambong. Ang mahalaga ay mapakiusapan niya ito.

Huminga siya ng malalim. “Ako po ang kakausap sa kanya.”

“Sigurado ka ba?” tanong nito. “Hindi ka kasama sa mga matataas sa kompanya…”

“But I am a Valdesco. Ako lang ang pwedeng kumausap sa kanya. Hindi pwede si Papa at lalong hindi ang kapatid ko. Lalong walang alam si Mama dito.”

Nangako siya sa pamilya niya na hindi na makikipag-ugnayan pa kay Warrick. Ngunit mukhang wala siyang mapagpipilian. Kailangan siya ng pamilya niya.

 

Baby, Be Mine -Published under PHR and Finalist of Filipino Readercon 2014 (Completed)Basahin ang storyang ito ng LIBRE!