For every story tagged #WattPride this month, Wattpad will donate $1 to the ILGA
Pen Your Pride

Chapter Thirteen

34.3K 566 1

IBANG Teodicio Valdesco III na ang humarap kay Krystinia nang dalawin niya sa kulungan. Hindi na niya nakilala ang Kuya Thirdy niya. Isang linggo pa lang itong nakakulong pero haggard na haggard na ang itsura nito. Hindi ito mukhang thirty-four years old kundi forty years old na. Hindi na ito nag-aahit man lang. Parang di nga rin ito naliligo samantalang mas banidoso pa ito sa kanya.

“Kuya, kumusta ka na?” tanong niya dito.

“I am obviously not okay. This place is ghastly. Pakiramdam ko tuloy nasa impyerno na ako kahit na nasa lupa pa ako,” anito at umasim ang mukha.

“Kumakain ka ba dito, anak?” tanong ni Serafina. “Ipinag-take out kita ng risotto at paborito mong steak.”

Niyakap nito si Serafina. “Thanks, Ma. The food is awful. At hindi rin ako makatulog dahil marami akong kasama sa kulungan.” Ganado itong kumain. Habang siya ay walang ganang kumain ng kahit ano. Terible ang mga nangyari sa dumaang mga oras.

Hindi mapipiyansahan si Thirdy dahil large-scale estafa ang kaso nito. Naka-freeze ang account nila. Pati ang stocks nila sa Ageless Beauty ay namemeligro dahil galit na galit sa kanila ang board of directors at mga stockholder. Mahal ang bayad sa abogado at di nila alam kung paano pa susuling dahil namemeligro ang kabuhayan nila. Walang sinuman sa mga kaibigan ng pamilya nila ang gustong mag-abot ng tulong sa kanila. They were suddenly persona non grata. Nasayang ang ilang taong pakikisama ng pamilya niya sa mga ito. Parang nabura na lang ang lahat dahil ayaw ng mga ito na ma-associate sa kanila. Estafador daw sila.

 “Nagdala ako ng mga toiletries mo, anak,” anang si Serafina. Branded stuffs, of course. Ayaw daw iparamdam nito kay Thirdy ang hirap ng buhay. Sa ngayon ay ipinapa-problema na nito sa kanya ang lahat ng gastusin nila sa pampagamot ng Papa niya, pambayad sa ospital, pakikipag-usap sa abogado ni Thirdy pati ang pampiyansa nito. Pakiramdam niya ay hinuhubaran na siya sa dami ng gastusin.

Wala silang laban sa dami ng mga nagrereklamo sa kapatid niya. Naitakbo na ng mga kasabwat nito sa scheme ang pera sa Carribean kung saan walang extradition treaty ang Pilipinas. Ayon sa abogado ay out of court settlement na lang ang magagawa nila at mukhang mauubos ang lahat ng assets nila para lang maibalik ang lahat ng iyon.

Matiim siyang tiningnan ni Thirdy. “Hindi mo pa ba ako mailalabas dito?”

Marahan siyang umiling. “Naka-freeze ang mga account natin at wala akong maharapang mahihiraman ng pera.” Problema pa niya ang pagpapagamot sa Papa niya. Kailangan itong maoperahan sa lalong madaling panahon. Hindi na niya alam kung saan hahanap ng pera para sa bypass operation nito. Tumataas pa ang bills sa ospital. Sa ngayon ay pwede niyang ilabas ang savings niya pero di niya alam kung hanggang kailan iyon tatagal. Hindi niya masabi sa Kuya Thirdy ang mga problemang iyon dahil madadagdagan pa ang alalahanin nito.

“Paano ang mga kaibigan ng pamilya natin? Maraming natulungan si Papa noon nang nalugi sila sa negosyo. Nang nakaraang buwan nga lang may humihiram pa ng pera sa kanya dahil di na mapauwi ang anak na na-stranded sa London dahil wala nang pera. Ultimo pampa-spa ipinapa-libre pa kay Mama ng ibang amiga niya. Nasaan na sila?”

Yumuko lang si Serafina. Alam niyang pinipigilan lang nitong mapaiyak dahil sa sama ng loob. Masakit mang tanggapin ay wala na silang kaibigan kapag oras ng kagipitan. Parang hindi na sila kilala ng mga ito.

“Kuya, hindi sa ayaw nila tayong tulungan. Gusto naman daw nilang tumulong kundi ka lang na-involve sa pyramiding scam. Ayaw daw niyang madamay sa kahihiyan ng pamilya natin.”

Tumayo si Thirdy at pinukpok ang mesa. “Damn them! Damn them all! Hindi sila mga tunay na kaibigan. Kapag nakalabas lang ako dito, paluluhurin ko silang lahat.”

“Kuya, bakit ka naman kasi pumasok sa pyramiding na iyan. Marami nang nabiktima iyan dati. Tapos ikaw pa ang nagpasimuno.” Mariin siyang pumikit. “Alam mo bang masamang-masama ang loob ni Papa dahil diyan?”

“Gusto ko lang iangat ang kompanya. Mahirap ang kompetisyon ngayon. I need to invest it wisely. Mabilis ang pasok ng pera noong una. At hindi ko narinig na nag-complain ang mga investors nang mag-report ako sa kanila. Malay ko bang mangyayari ito. Sino ba ang may gusto na makulong?” Humalukipkip ito. “Ginagawa ko lang naman ito para pasayahin si Papa.”

Sasagot pa sana siya subalit umiling na si Serafina. May pakiusap sa mga mata nito na huwag na niyang pahirapan pa ang sitwasyon. Huminga siya ng malalim at bumagsak ang balikat. Naiinis siya dahil gipit na gipit na nga sila ay nagagawa pa nitong magmalaki.

“Ituloy mo na ang pagkain mo, Thirdy. Huwag kang mag-alala. Gagawa ng paraan si Krystinia para makalabas ka dito. Makakalaya ka rin dito, anak. Maaabswelto ka sa kaso.”

Hindi niya alam kung tamang bigyan nito ng maling pag-asa ang kapatid niya. Kahit ito ay aminado sa krimen nito. At hindi niya alam kung hanggang kailan pa niya kakayaning maging matatag para sa pamilyang iyon. Pero kailangan niyang gawin. Pakiramdam niya ay siya na lang ang pag-asa ng mga ito ngayon.

Baby, Be Mine -Published under PHR and Finalist of Filipino Readercon 2014 (Completed)Basahin ang storyang ito ng LIBRE!