Gitara
Sa bawat pag strum ko ng gitara, kalakip nito ang mga alalaang iniwan mo sa akin. Sa bawat pag bigkas ko ng mga salita sa aking kinakanta, naaalala ko ang mga panahong ikaw at ako ay may tayo. Sa bawat pagtapos ng aking kanta, lalo lang sa akin pinapamukha na wala ka na.
Nang dahil sa isang pagkakamali, ang dating masaya na sana na pang habang buhay, napalitan ng isang bangungot na kailanman ay pilit ililimot.
Kinuha ko yung mic na binigay sa akin nung kakatapos lang magsalita na pinsan ko pala. Nang sinabing ako na ang magsasalita, tumayo na ako sa harapan.
Huminga muna ako ng malalim at saka nagsalita.
"Sa buhay, walang permanente, lahat ay babawiin nila sa iyo. Babawiin nila at babawiin. Mapa bagay man o tao. Minsan napapadaan lang sila sa atin upang maging masaya tayo, kaya kapag nagawa na nila ang kanilang misyon, kailangan mo ng ibalik sa totoong nag mamay ari nito o kaya'y ipamahagi mo ito sa iba. Kaya habang may panahon pa, sabihin niyo sa kanila na mahal mo sila, na hindi mo sila kayang mawala. Dahil naghihintay lang naman silang magsabi kayo ng ganoon." Napatahimik muna ako sandali. Nararamdaman ko na naman ang mga luhang nais na muling tumulo at magkarerahan palabas ng aking mga mata.
"Pero minsan nakakatakot." Pagpapatuloy ko. "Nakakatakot sabihin sa kanila kung ano ang tunay mong nararamdaman dahil sa maraming tanong na bumabagabag sa isipan mo. Katulad na lang ng 'paano kung hindi niya kayang suklian ito ng kaniyang pagmamahal'? Isipin niyong mabuti. Hindi dapat hinihingi ang pagmamahal, kusa itong binibigay sa taong dapat bigyan ng ganito. Mas mabuti nang umamin ka na kaagad kaysa itago mo yang nararamdaman mo at sa huli baka pagsisihan mo pa ito." Nagsimula nang tumulo ang aking mga luha. Gusto ko na lang sana na humagulgol pero kailangan kong magsalita sa harapan nila. Kailangan kong maging malakas.
Napakadaling mag isip ng mga payo, pero kapag ikaw na ang naipit sa ganoong sitwasyon, lahat ng mga payo na itinuro mo ay hindi mo na maaapply sa sarili mo.
"Isa pa sa tinatanong ng bawat isa sa atin ay 'hanggang kailan kami tatagal'. Pagdating sa pag ibig, hindi niyo na nararamdaman ang mga oras. Kapag alam niyong mahal niyo ang isa't isa, ang alam niyo lang ay ang mahal ninyo ang isa't isa at wala na kayong pake sa paligid niyo." Bago man ako magpatuloy ay napapunas pa ako sa aking mga luha at napasinghot ng ilang beses. Tinignan ko muna ng isang beses ang kaniyang kabaong at inalala ko muna ng lahat ng sakit at pighati ko at muling humarap sa kanila.
"Naaalala ko pa noon. Simple lang akong tao. Simpleng tao na nag gigig sa mga bars tuwing gabi. Simpleng tao na sumusulat ng mga kanta kasama ang aking gitara. Simpleng tao na tatlo lang pinupuntahan. Bahay, bars, at school. Pero nang minsan ay nag gig ako sa isang kilalang bar, doon ko nakita ang matamis mong ngiti. Mga mata mong hazel brown. Hindi ko alam na doon ka pala kumakanta. Kaya nang matapos ako kumanta ay agad mo akong nilapitan at agad na binigyan ako ng offer na maging regular ako doon gabi-gabi. Naging masaya ako dahil sa wakas isa na lang ang pupuntahan ko at hindi na ako pahanap hanap kung saan saan. Nang mapili ako ay doon simula ang pagkahulog ko sa iyo." Napatigil muna ako sandali. Napahinga muna ako ng malalim at saka ulit nagpatuloy.
"Araw araw palagi tayong nagkakasabay, sa pagkain, sa pagpasok sa school, kapag papunta tayo sa bar, tapos minsan ihahatid mo pa ako dito sa amin. Minsan doon ka na kumakain sa bahay. Kapag mag gigig tayo susunduin mo pa ako sa amin tapos sabay tayong kakanta sa harapan ng maraming tao habang hawak natin ang ating gitara, kapag mag rerequest sila ng kanta magtitinginan muna tayo kung alam natin ang kanta at saka kakanta. Tapos yung bawat kanta natin kalakip nito yung feelings na dapat maramdaman nila. Naalala mo pa ba yung isang babae na nag request ng kanta tapos lahat tayo naka relate kaya yung buong bar puro iyakan lang naririnig natin." Halos bumalik lahat ng alaala ko sa kaniya. Masakit sa simula pero kapag lumipas ang panahon ang dating mga bangungot ay magiging masasayang alaala na lang ng nakaraan.
