"Umuwi muna siya. Magpapalit daw ng damit dahil kakagaling niya lang pala sa airport nang pumunta siya dito. Babalik lang daw siya."

Lalong nag-init ang bumbunan ni Zhel. Kaya naman pala siya ang kinukulit nito dahil wala ang nobya nito. Ganoon na lang ba talaga palagi? Na kapag wala si Cherry ay siya ang substitute?! Ano siya, spare tire?! Nakakaasar!

Sa pagkairita niya ay tumayo na lang si Zhel mula sa kinauupuan at dumiretso sa barangay hall ng barangay na iyon para maghanap ng magagawa. Dahil lahat ay dumalo sa pulong pulong na ginanap sa plaza na ilang metro lamang ang layo sa barangay hall ay siya lamang ang tao doon. Ay hindi pala. Dalawa pala sila dahil hindi lang nagtagal ay sumunod na sa kanya doon si Alfred.

Medyo makalat doon sa barangay hall dahil doon nila inilagay kanina ang mga goods, mga pagkain at ilan pang campaign materials na ginamit sa pangngampanya ni Mayor kanina. Kinailangan din kasi nilang ilipat doon ang mga iyon kanina dahil nilinisan na ang plaza kung saan gaganapin ang pulong pulong. Upang abalahin ni Zhel ang sarili dahil nadi-distract siya sa pagtingin ni Alfred sa kanya ay pinulot niya na ang mga kalat sa sahig at inilagay sa isang kartong walang laman na nahanap niya. Tumalikod pa nga siya para hindi na siya mailang sa pagtingin ni Alfred sa kanya ngunit nagkamali siya.

Hanggang sa tumalikod siya ay nararamdaman pa rin ni Zhel ang titig ni Alfred na tila tumatagos sa kanyang kaluluwa. It's really bothering her. Bakit ba kasi ganoon pa ang ginagawa nito gayong halata naman sigurong iniiwasan niya ito?! Nang hindi siya makatiis ay muli niya itong nilingon.

"Puwede ba? Tigilan mo na ang katititig mo sa akin," iritadong wika niya.

"Alam mong tinitingnan kita?" nagtatakang wika nito.

"Oo. May third eye ako sa likod," sarkastikong wika niya.

Napansin ni Zhel ang pagtaas ng isang sulok ng labi nitong animoý nagpipigil sanang tumawa. Ah! Hindi handa si Zhel sa pagngiti nito lalo pa naman at madali siyang maakit ng ngiti nito. Hindi iyon ang tamang panahon para magpaakit pa siya sa ngiti nito. Kaya bago pa man ito ngumiti nang pagkaganda-ganda ay muli niyang tinalikuran ito at ipinagpatuloy ang pagligpit ng kalat sa sahig ng barangay hall.

"Tulungan na kita."

"Hindi na. Kaya ko na 'to. Bumalik ka na lang sa plaza."

Binuhat niya sa ibabaw ng mesa ang karton na pinaglalagyan niya ng mga kalat. Nilamukos niya ang mga papel na hindi na kailangan at itinapon iyon sa kahon.

"Tulungan na kita," ungot pa nito.

"Hindi na sabi."

Ngunit hindi sumunod sa sinabi niya si Alfred dahil niligpit din nito ang mga pinaggupitan nila ng polyetos kanina at itinapon din iyon sa kahon na ipinatong niya sa mesa.

"Mabuti pa, maupo ka na lang. Ako na dito. Kanina ka pa may ginagawa eh. Ni hindi kita nakitang nagpahinga kahit isang minuto."

Kung ganoon ay nakita siya nito? Paano naman nito nalaman iyon gayong kanina pa ito masayang nakikipagkuwentuhan kay Cherry? Paupo-upo lamang ang mga ito sa gilid dahil ito pinagtatrabaho ng iba dahil anak ito ng Mayor. Para ngang gusto niyang matawa kanina dahil hindi alam ng mga taong anak din siya ng Mayor kaya kung makautos sa kanya ang mga ito, wagas. Pero wala rin namang problema sa kanya iyon dahil mas gusto niyan may gawin na kung anu-ano kaysa pansinin ang naglalambing na sina Alfred at Cherry. Mas nakakapagod pa yata iyon kaysa sa magtrabaho siya- nakakapagod para sa kanyang puso.

"Paano mo naman nalaman eh magkausap kayo ni Cherry kanina?" nagtatakang tanong niya.

"I was watching you, Zhel. Nag-aalala lang naman ako saýo."

If Only He Knew- Unedited (Completed)Basahin ang storyang ito ng LIBRE!