Chapter 11

1.1K 18 0

"ZHEL, gusto mo bang kumain na muna?" tanong ni Alfred kay Zhel nang sa wakas ay makakuha ito ng tiyempo para lapitan siya. Kanina niya pa kasi napapansin na nagtatangka itong lapitan siya pero kung hindi siya ito iniiwasan ay panay naman na ang sunod rito ni Cherry.

Buti na lang kanina ay abala si Zhel sa pamimigay ng mga goods sa mga residente sa barangay na iyon at paghahanda para sa pulong pulong ng mga kapartido ni Mayor na ginaganap din sa Barangay na iyon kaya may palusot talaga siyang layuan ito. Kaya lang ngayon, habang nagsasalita na ang mga kapartido ni Mayor ay wala naman na siyang masyadong ginagawa kundi makinig sa plataporma ng mga kandidato.

"Hindi na. Kumain na ako," sagot niya habang nakikinig sa isang kandidatong nagsasalita. Mula sa gilid ng kanyang mga mata ay nakita ni Zhel na iniusog nito ang upuan palapit sa kanya.

"Eh gusto mo bang maglakad-lakad muna?" tanong pa nito.

"Pagod na ako," sagot na lang niya.

Hindi naman manhid si Zhel para hindi malaman ang ginagawa nito ngayon. Sinusubukan nitong kausapin siya sa hindi niya malamang kadahilanan. Ang totoo ay medyo naiinis siya rito talaga. Malinaw na sa kanyang hindi na siya dapat umasa pa rito lalo pa at sumang-ayon ito sa sinabi niyang kalimutan na lang ang halik na iyon.

Umasa siyang kumontra man lang sana ito sa sinabi niya pero parang nilamukos ang puso niya nang ito mismo ay sumang-ayon sa sinabi niyang hayaan lang nila ang nangyari dahil kunwari lang naman iyon. Masakit lang kasi dahil kahit kunwari lang naman iyon para dito ay totoo ang nararamdaman ni Zhel para dito.

Mula pa man noon ay minahal niya na si Alfred. Sinikil niya lang ang nadarama niya para sa kapatid niyang si Cherry pero kailanmaý hindi nawala ang pagmamahal na iyon. Tinago niya lang ang pagmamahal na iyon ngunit isang halik lang mula sa binata ay nabuhay na naman ang damdamin niyang iyon. Si Alfred pa rin talaga ang sinisigaw ng puso niya mula noon hanggang ngayon.

Akala kasi ni Zhel ay kaya niyang sikilin lamang ang nadrama niya habambuhay at maging kuntentado lang sa pagiging bestfriend ng binata dahil ibibigay niya ang ikakasaya nito. Pero noong makasama niya ito sa isang date at nagsalo sila sa isang halik ay naisip niyang gusto niya rin namang maging masaya.

Gusto niya namang makuha nang buo ang puso ng lalaking pinakamamahal niya. Alam niyang hindi iyon dapat at hindi iyon tama pero umaasa pa rin si Zhel na darating din ang panahong hindi niya na kailangang ipagkasya ang sarili sa kakarampot na pagmamahal. Tama kasi si Philip eh. Hindi siya dapat nagtitiyaga sa kaunti lang kung alam niya namang deserving naman siya sa buong pagmamahal.

Ngunit habang hindi pa man dumarating ang panahong iyon ay kailangang gawin ni Zhel ang tama at iyon ay iwasan niya si Alfred. Ayaw niya nang magulo pa ang buhay nito. Isa pa, ayaw niyang pag-initan na naman siya ni Cherry. Ang nakakainis lang kasi ay kung kailan siya umiiwas ay tila nang-aasar naman si Alfred na sundan siya.

"Eh gusto mo bang uminom? Baka nauuhaw ka na? Kunan kita ng maiinom," alok pa nito.

"Hindi na," malamig na tugon niya. "Bakit ba nandito ka? Hindi ba tutugtog pa kayo?"

"Mamaya pa naman iyon pagkatapos magsalita ng mga kandidato eh. Saka gusto kitang samahan."

Bakit pa?! Parang gusto niyang isigaw rito.

"Okay lang ako. Hindi ko naman kailangan ng kasama." Nang lumingon siya rito ay napansin niya ang pait na gumuhit sa mga mata nito. Kahit siya ay parang may mga karayom na tumusok sa dibdib niya nang mapagmasdan ang malulungkot nitong mga mata. Ayaw naman sana ni Zhel na masaktan niya si Alfred sa kahit anong paraan pero kailangan niya talaga itong iwasan. Lalo lang kasing humihirap ang sitwasyon kapag lumalapit pa ito sa kanya. "Nasaan ba kasi si Cherry? Siya na lang ang kausapin mo."

If Only He Knew- Unedited (Completed)Basahin ang storyang ito ng LIBRE!