"Oo. Palibhasa kasi, kanina ka pa nakikipagkuwentuhan," iritadong wika niya.

"Ah, kasi ikinukuwento sakin ni Philip yung mga nangyari sa kanya sa law school. Matagal na rin kaming hindi nakapagkuwentuhan 'di ba," paliwanag ni Zhel.

"So, tapos na kayo magkuwentuhan?"

"Ah..." Ngunit hindi pa man nakakapagsalita si Zhel ay kinuha niya na ang kamay nito.

"Tara na," aniya.

"Teka lang, Pare. Puwede bang mayaya kong kumain si Zhel?" si Philip.

"Hindi," diretsong sagot niya.

"Alfred, ano ka ba?! Nakakahiya naman kay Philip," si Zhel. Binalingan nito si Philip. "Pasensya ka na. Baka pagod lang 'yan."

"It's okay. Puwede ba kitang ayaing mag-dinner?" muling tanong ni Philip kay Zhel. Mula pa man noon ay hindi niya na talaga gusto ang lalaking ito kaya bago pa man makasagot si Zhel ay inunahan niya na ito.

"Gabi na, Pare. Hindi na puwede si Zhel. Kailangan ko na siyang ihatid sa kanila," aniya saka hinila na agad si Zhel palabas ng plaza bago pa man ito makaprotesta. Nang sa wakas ay makarating sila sa kotse ay binitawan niya ito at pinagbuksan niya ng pinto pero sa halip na sumakay ito agad ay tiningnan lang siya nito. "What?" taas-kilay na wika niya.

"Ano bang problema mo?"

"Gabi na. Kailangan mo nang umuwi."

"Eh nakakahiya naman kay Philip. Ni hindi mo man lang ako tinanong kung gusto kong sumama."

Ayaw niya iyon itanong dahil alam niyang papayag ito na magiging dahilan rin lang naman ng pag-iinit ng ulo niya.

"Dahil alam kong sasama ka at hindi kita papayagang sumama sa estrangherong iyon." Pagak itong natawa.

"Si Philip siya. Hindi siya estranghero sa akin."

"Matagal mo na siyang hindi nakita tapos sasama ka kaagad sa kanya? Malay mo ba kung anong gawin noon sa'yo? And FYI, it's not just a simple dinner. He's asking you out on a date."

"Eh ano namang masama doon?" taas-kilay na wika nito sa kanya.

Mataman siya nitong pinagmasdan na tila binabasa nito ang isip niya. Bago pa mang may mabasang kung ano ito sa isip niya ay tinalikuran niya ito at pumasok na sa kotse.

"Basta. Hindi ka puwedeng sumama doon lalo na at gabi pa naman," aniya.

"At kailan ako makikipag-date? Kapag umaga? Bawal dinner kaya breakfast na lang?" natatawang wika nito nang sa wakas ay makasakay na rin ito sa kotse niya.

"Oo. Kung maaari. At isa pa, hindi ka naman nakikipag-date dati eh. Bakit ngayon, dumating lang si Philip ay biglang nag-iisip ka nang makipag-date." Nangingiting lumingon ito sa kanya. Ang mga mata nito'y animo'y nanunudyo. "Ano ang ibig sabihin ng tingin mong 'yan?"

"Nagseselos---"

"Of course not!" agad na wika niya.

Agad na binuhay niya ang makina ng kotse para naman magkaroon ng ingay dahil pakiramdam niya ay maririnig na ni Zhel ang sobrang lakas ng tibok ng puso niya. Bakit ba kasi siya kinakabahan sa biglaang pagtatanong nito? Maya-maya lang ay sinimulan niya nang paandarin ang kotse.

"Alam kong topakin ka talaga pero ang weird mo ngayon." Napabuntung-hininga ito. "Paano na lang ako magkaka-boyfriend niyan kung ganyan ka ka-overprotective?"

Ni minsan ay hindi nila napag-usapan ni Zhel ang bagay na iyon. Hindi nito nababanggit sa kanya ang kagustuhan nitong magka-boyfriend.

"Aba. Kanina, gusto mo lang makipag-date. Ngayon, gusto mo nang magka-boyfriend?" aniya.

If Only He Knew- Unedited (Completed)Basahin ang storyang ito ng LIBRE!