Chapter 5

1.1K 16 1

KINAUMAGAHAN ay naalimpungatan si Zhel nang may narinig siyang pagkatok mula sa pinto ng silid niya. Kahit inaantok man ay bumangon na siya sa kama. Pakamut-kamot pa siya sa ulo niya nang buksan niya ang pinto. Bumungad sa kanya ang isa sa mga katulong na naalala niyang Donita ang pangalan.

"Magandang umaga ho. May bisita ho kayo sa baba," anito.

Napatingin siya sa wall clock sa silid at natuklasang alas sais pa lamang ng umaga. Sino naman kaya ang bisita niya nang ganoon kaaga? Wala rin naman siyang naaalalang sinabi ni Gypsy na dadalawin siya nito sa mansiyon.

"Sino naman, ho?"

"Si Sir Alfred," simpleng sagot nito.

Parang may bumundol na kung ano sa dibdib niya nang marinig niya ang pangalan ni Alfred. Ngunit kung anong kasimbilis na tila gumanda ang araw niya sa kaalamang naroon na ang binata ay ganoon din kabilis niya na-realize na hindi siya dapat matuwa dahil nandoon rin sa bahay na iyon ang nobya nito.

"Baka si Cherry ang hinahanap niya."

"Ikaw ho ang pinatawag niya eh. Naghihintay ho siya sa garden," ani Donita saka umalis.

Nagtataka man kung bakit ipinatawag siya ni Alfred ay hindi pa rin siya bumaba. Sa halip ay bumalik na lang siya sa kama niya upang matulog pa. Inaamin niya namang may kung anong kilig siyang naramdaman na maaga siyang dinalaw nito kaya lang ay pinigilan niya pa rin ang sariling magpadala sa emosyon niya.

Una ay dahil kapag nakita na naman siya ni Cherry na katabi niya si Alfred ay baka mag-init na naman ang ulo nito gaya kagabi. Kapag may pagkakataon kasing magkakalapit sila ni Alfred ay bigla na lang itong haharang sa gitna nila at titingnan siya nang masama. Todo bakod ito sa nobyo nito.

Ikalawa, baka kapag nakita rin sila ng madrasta niya ay may isipin na naman itong masama sa kanya. Kagabi rin kasi ay panay ang parinig nito sa kanya habang naghahapunan. Pinupuna nito kung gaano kabagay sina Alfred at Cherry sa isa't isa at kung gaano kasuwerte si Alfred na napunta ito sa isang babaeng hindi basta-basta. Hindi siya tanga para hindi mahinuha ang gustong iparating nito. Kaya para wala na lang siyang bagay na aalalahanin ay matutulog na lang siya ulit.

Muling itinaklob niya ang kumot sa katawan at pumikit. Ngunit hindi pa man nagtatagal ay nakarinig na naman siya ng katok sa pinto. Mas malakas iyon kaysa kanina.

"Asar! Sino na naman ba ito?!" Muli siyang bumangon at binuksan ang pinto. Si Ate Donita ulit iyon.

"Pinapatawag ho kayo ni Sir Alfred."

"Pakisabi natutulog pa ako."

"Actually ay alam niya na pong iyon ang idadahilan mo kaya bumaba na daw ho kayo."

"Pakisabi na lang po, masakit ang ulo ko," aniya.

Napuna niyang tila galit ang tingin nito sa kanya. Baka naaasar ito dahil pinapabalik-balik ito ni Alfred doon. Pero bukod doon ay alam niya ring hindi siya nito gusto kahit pa may 'po' itong ginagamit kapag nakikipag-usap sa kanya dahil halatang halata niyang sarkastiko ang pagkakasabi niyon. Marahil ay tapat ito sa mga amo nitong maldita kaya pati ito ay galit sa kanya.

"Ma'am," sarkastikong wika nito. "Uutusan niya lang naman ako pabalik rito kaya huwag ka na pong maarte."

Napataas ang kilay niya. Grabe ang katulong na iyon, may attitude! Pero dahil alam niyang hindi rin naman titigil si Alfred talaga sa pagpatawag sa kanya at posibleng ma-beast mode na sa kanya si Ate Donita ay napabuntung-hininga na lang siya.

"Fine. Susunod na lang ako."

"Ay hindi ho. Hihintayin ko na po kayo."

Hindi na umalis ang atribidang si Donita sa may pinto at nakapamaywang pa ito habang hinhintay siya. May pakiramdam siyang sisigawan na siya nito kung matagalan pa siya sa pag-aayos kaya hindi niya na inisip na mag-ayos pa. Okay na siya sa puting oversized shirt at shorts na suot niya.

If Only He Knew- Unedited (Completed)Basahin ang storyang ito ng LIBRE!