PROLOGO

150K 1.9K 172
                                    

Isang matinding pagsasagupa, ang bumasag sa katahimikan ng gabing 'yon. Pagsasagupang noon pa lamang nangyari sa balat ng lupa.

Aswang laban sa Aswang.

Maligno laban sa Maligno.

Demonyo laban sa Demonyo.

Engkanto laban sa Engkanto.

Lamanlupa laban sa Lamanlupa.

Nephilim laban sa kapwa Nephilim--na pawang mga pinuno ng kani-kanilang mga hukbo. Kasalukuyan silang nasa isang abandonadong lugar, sa isang tagong bahagi ng isang lalawigan.

"Ano bang ipinaglalaban mo, bata?!" tanong ng mas nakakatandang pinuno ng dalawang magkatunggaling hukbo.

Gula-gulanit na ang kanyang kasuotan. Halos wala nang pagsidlan ng mga sugat, hiwa at bangas ang kanyang mala-anghel na mukha. Nagdurugo na rin ang bawat himaymay ng kanyang balat.

"Pareho lamang naman ang ating lahing pinagmulan. Isang lahing isinumpa ng langit!" dagdag nito, "Pareho lang din naman tayong pinuno ng mga kasuklam-suklam na nilalang na hindi katanggap-tanggap sa sangkatauhan. Pareho rin naman tayong sa pagkalauna'y dadalhin sa impiyerno!"

Sa halip na sagutin ang nakatatandang katunggali, buong yabang na nginisian lamang ito ng nakababatang--ni halos walang galos sa katawan at mala-anghel ding mukha.

Magsasalita pa sanang muli ang sugatang nakakatanda, nang biglang umalingawngaw ang rumaragasang tunog ng isang mahabang sibat na pumapailanlang sa himpapawid. Nagmula yaon sa mas mataas na direksyon; bumagsak ito at tumarak sa lupa--sa mismong gitnang bahagi ng lupa kung saan nakaharap ang magkatunggaling hukbo. Napalingon sa pinanggaligan ng sibat, ang bawat isa sa magkabilang lehiyon.

Nagmula ito sa isang matangkad na estrangherong may lambong sa ulo at takip sa mukha. Nakatayo ito sa bubungan ng isang abandonadong bahay. Mayro'n itong hawak na animo'y dalawang kahoy na rattan, na pawang ginagamit sa pakikidigma sa pamamaraan ng Escrima (1).

"Marietta..." Bulong ng mas nakatatandang pinuno, na tila siguradong-siguradong ito kung sino ang estrangherong 'yon

Sa halip na kumilos, tiningnan lamang nito ang isa sa kanyang mga kasanggang Engkanto. Tinanguan ito na tila may iniuutos, na sila lamang ang nagkakaunawaan kung ano.

Hindi kalauna'y umalis na ang kanyang sinenyasang nilalang--na humawi naman sa mga kapanalig nitong nakaharang sa dinaraanan nito.

"Ikaw ba, Lucio?" Biglang sambit ng nakababatang pinuno. "Ano bang ipinaglalaban mo?" nakangisi pa rin ito na lalong ikinapang-init ng ulo ng duguang si Lucio. "Kung ako sa 'yo. Susuko na 'ko. Wala ka na rin namang magagawa. Alam mong hindi rin naman kita titigilan hangga't hindi kita natatapos!" Buong angas na naghalukipkip ito at ngumisi, "Para sa'n ba ang mabuhay ka nang magpakailanman, kung wala na rin naman ang lola Senda para samahan ka?! Pa'no ba? Pa'no ba ang pakiramdam ng mabuhay nang wala na ang taong pinakamamahal mo?"

Copyright ⓒ 2014, DyslexicParanoia (Angela Atienza), All rights reserved.

Mas lalong nag-igting ang mga panga ni Lucio. Unti-unti na ring nagbabaga ang kanyang mga mata. Lalong tumindi ang pagkapoot nito nang matanaw n'yang tila kinukutiya pa s'ya ng mas nakababatang katunggali. Na tila ba, katatawanan lamang dito ang kasawiang sinapit n'ya, sa pagkawala ng nag-iisang babaeng minahal n'ya nang labis, sa isang bahagi ng mahigit isang libong taong buhay n'ya.

"Putang inang, hambog!" Bulong ni Lucio sa kanyang sarili. "Tingnan natin kung hanggang saan 'yang yabang mo!"

Maya-maya, naramdaman na n'yang bumabalik na mula sa kalagitnaan ng nagtipon-tipon n'yang hukbo, ang Engkantong inutusan n'ya kanina. May bitbit na itong babaeng nagwawala at nagpupumiglas. Noon na n'ya nginisian ang nakababatang katunggaling unit-unti nang nag-iiba na ang ekspresyon ng mukha. Ang kaninang nakangisi, gulat na gulat na; ang kaninang maangas, namumutla na.

JASPER, The Demon SlayerTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon