Maling Akala - Wrong Assumption

265 6 0

Agosto 2013: Lungsod ng Maynila, NCR

"Magpakita ka, Tinyente Tagalog! Kundi, hahatiin ko ang Rizal Monument!!" sigaw ng galit na Saito sa harap ng napakaraming camera sa likuran ng linya ng mga pulis. Nakasuot si Saito ng pananamit ng pulis PNP (Philippine National Police). Patay na ang honor guard ng nasabing monumento ngunit marami pa ring tao na nais makita ang paghati sa Rizal Monument, o ang pagdating ni Tinyente Tagalog. Pilit silang pinapaatras ng mga pulis.

"Anong ginagawa mo, samurai...?" tanong ng the Professor habang nakahawak ang dalawang kamay sa ilalim ng kanyang baba. Napapanood niya ang nangyayari mula sa kanyang LED na telebisyon sa loob ng Tejeros base. May katabi siyang kuba at may bigoteng lalaki na tinatawag nilang Counterfeiter, ang natatanging batis ng salapi ng the Professor. Nakasuot lamang siya ng maruming shirt na puti at pantalon na maong. Ginto ang frame ng kanyang salamin, ang kanyang relo, at dalawa niyang malaking ngipin.

Hindi pa rin nagpapakita si Tinyente Tagalog, kaya lalo itong ikinainis ni Saito. Binunot nito ang samurai at naglakad patungo sa isang sasakyan ng pulis. Dahan-dahang napapaatras ang mga pulis na nakatutok sa kanya ang mga baril.

"Barilin niyo na, mga P.I.!" bulalas ng kanilang superintendent. Hindi pa rin makalabit ng mga tauhan niya ang gatilyo.

Tiningnan siya ng masama ni Saito at hinamon ito, "Sige! Iputok mo!"

"Ganon! Sige, ba!"

Madaling binunot ng superintendent ang kanyang baril at ipinaputok ito sa nagwawalang samurai. Makikitang mahusay ang pulis sa pagbaril kung susumahin ang bilis ng kaniyang pagbunot at pagkalabit upang paputukin ang kanyang armas. Nakaputok na ng baril ang superintendent nang hindi pa nabubunot ng samurai ang tangan na sandata sa baywang. Subalit, ikinagulat ng lahat na hindi tinamaan ng bala si Saito. Sa isang iglap lamang ay nakaangat na ang kanyang samurai at walang galos mula sa baril ng superintendent.

"A-akala ko 'di pwede 'yang g-ginawa ni L-Leon Guerrero!!"

"Fiction and reality are blurred..."

Sa ilang sandali pa, napatay na ni Saito ang superintendent sa isang mabilis na pag-atake. Hindi namalayan ng nakapalibot na mga pulis ang nangyari. Nang nakita ang sinapit ng pinuno, tila nanginginig na ang bawat isa sa mga pulis. Nanahimik naman ang mga tao.

Naghintay pa ang samurai sa pagdating ng superhero. Matapos ng tatlong minuto, sumigaw Saito, "Kailangan pa 'ka mo ng sample?!"

Tila may Boy Back Up naman si Saito sa gitna ng mga taong nanonood kaya naghihiyawan na sila ng sample. Sa isang iglap pa, nahati ni Saito sa dalawa ang katabing sasakyan ng pulis at sumabog ito dahil sa nagawang tilamsik ng liwanag nito sa kanyang lalagyan ng gasolina. Tumilapon ang ilang mga pulis ngunit naiwang nakatayo roon si Saito kahit may nakuhang kaunting apoy ang kanyang kasuotan dahil sa pagsabog.

Sabi ng isang ama, "O, anak. Avengers pa rin o ito na lang?"

Ang naisagot lamang ng manghang-mangha na batang lalaki, "Astig... Kelan niya kaya hahatiin si Optimus Prime...?"

***

   Hindi na makapaghintay ang samurai. Lumingon ng kaunti si Saito sa malinaw na kalangitan bago sumigaw at isinagawa ang kanyang Stairway to Heaven, isang napakataas na talon mula sa lupa patungo sa ibabaw ng monumento. Habang tila nakahinto sa himpapawid nang ilang sandali, may nakita siyang isang maliit na bagay na mabilis ang paglapit sa kanya. Si Tinyente Tagalog na ito. Nagawang iharang ni Saito ang kanyang samurai sa malakas na suntok ni Tinyente, ngunit napatalsik pa rin siya ng lakas nito sa malayo. Nagsilabasan muli ng mga camera ang mga tao, pati ilang mga pulis. Bumagsak ang samurai malapit sa rebulto ni Lapu-Lapu, na nasa likod ng rebulto ni Rizal. Sinundan naman siya ng Tinyente.

Tinyente Tagalog - Superherong Pinoy (Lieutenant Tagalog - Filipino Superhero)Basahin ang storyang ito ng LIBRE!