Chapter 3

52.9K 1.1K 1
                                    


MAKALIPAS ang beinte minutos ay narating niya ang ospital. Kung sa paano na lang ipinarada ang kotse sa parking lot at halos takbuhin ang papasok sa reception ng ospital.

"Saang silid si Mrs. Winters?" nagmamadaling tanong niya sa nurse sa counter bagaman sandaling nag-alangan sa huling pangalan. Hindi pa rin siya nasanay na iba na ang apelyido ng pinsan.

Sandali lang ang pagkunot ng noo ng nurse. "Kung ang tinutukoy ninyo ay ang biktima ng car accident kanina ay nasa ICU siya. Second floor, sa kanang bahagi ng—" subalit hindi na hinintay ni Rafael na matapos ng nurse ang sasabihin. Sa dalawang hakbang ay tinakbo papanhik ang ikalawang palapag.

"Sino ang guwapong iyon?" tanong ng isang palapit na nurse sa counter. Nakatingala ang mga mata sa hagdan.

Nagkibit ng mga balikat ang nurse. "He could be the husband," wika nito na sinabayan ng iling at buntong-hininga. "Mapalad na kung abutin ng umaga ang pasyente."

Sa itaas ay luminga-linga si Rafael at nang matanaw ang ICU ay halos takbuhin niya iyon. Muntik na niyang tamaan ng pinto ang doktor na palabas naman.

"I'm Mrs. Winter's cousin," agad niyang pakilala. Humihingal sa ginawang pagpanhik.

Tumango ang doktor at saka malungkot na umiling. "I am very sorry, Mr. Barrios, but she lost a lot of blood. Ginawa na naming lahat..."

Parang gustong gumuho ang lahat sa binata. Tumiim ang mukha at nagsikip ang dibdib. "Maaari ko ba siyang makausap?" tanong niya sa nagbabarang lalamunan.

Muling tumango ang doktor. "Ikaw ang hinahanap niya mula pa kanina," nilingon ng doktor ang pasyente. "Go ahead..."

Sa mabagal na mga hakbang ay lumakad si Rafael patungo sa pasyenteng nakabalot ng benda ang ulo at mga braso. Maga ang mukha sanhi marahil ng bugbog mula sa aksidente. Kung ano-anong mga tubo ang nakakabit sa katawan.

Yumuko siya at banayad na hinawakan ang kanang kamay ng pasyente. "Camille..." bulong niya sa tainga nito. Bagaman hindi halos maidilat ng pasyente ang mga mata'y agad na nagmulat nang marinig ang tinig niya.

"R-Raffy..."

"I'm here, Cam," halos madurog ang puso niya sa anyo ng pinsan.

"C-come clo...ser and... listen..." nahihirapang sabi nito. At ang putol-putol na sinabi nito sa kanya ay nagpamangha kay Rafael. "M-mangako... ka sa akin, Raffy, please..." dagdag nito.

Hindi pa siya nakaka-recover sa sindak sa nangyari sa pinsan at sa kaalamang hindi na maisasalba ang buhay nito ay higit pang pagkabaghan ang naramdaman niya sa narinig mula rito. At hindi niya maintindihan ang gustong mangyari ni Camille pero wala siyang pagpipilian kundi ang tumango at sumang-ayon.

"Nangangako ako, Cam..."             

Sweetheart 6 - Mrs. Winters (Soon Your Name And Mine Are Going To Be The Same)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon