Chapter One

38.9K 721 33


HINDI niya halos makita ang daan. Ang wiper ng windshield niya'y halos di-kayanin ang malakas na patak ng ulan sa salamin. Kinakabahan si Lara na anumang oras ay dederetso ang sasakyan niya sa bangin sa magkabilang bahagi ng daan.

Alas ocho-y-media na nang gabi! At hindi pa niya natatanaw ang kabayanan. Napakadilim sa magkabilang bahagi ng daan dahil alam niyang puro gubat ang mga iyon at bangin. Bakit ba naman kasi umulan habang nasa kalagitnaan siya ng biyahe. Tinantiya na niyang darating siya sa bayan ng San Isidro bago mag-alas-sais ng gabi. Subalit ang apat na oras na biyahe'y humaba pa dahil hindi siya makapagpatakbo nang matulin sa gitna ng malakas na ulan at kadiliman.

Pilit niyang inaalis ang takot sa pamamagitan ng pagkainis sa mga politiko sa bayang iyon. Kay daming ipinangangako kapag nangangampanya subalit mapalad nang may natutupad. Tulad na lang halimbawa ang daang tinatahak niya ngayon. Three years ago ay ganito rin ang daan, walang ipinagbago. Aspaltadong naturingan pero ni hindi pinagkaabalahang ayusin at tapalan ang mga malalaking lubak.

Three years. Isang buntong-hininga ang pinakawalan niya. Sa nakalipas na tatlong taon, dapat ay nakalimot na siya. Dapat ay hindi na ganito ang nararamdaman niya. Pero tulad ng kalsadang tinatahak niya ay wala ring ipinagbago ang damdamin niya.

Inabot niya ang windshield at pinunasan ng palad ang hamog doon na sanhi ng ulan sa labas at ng air-conditioning nang bigla siyang napahugot ng maluwag na paghinga. May natatanaw na siyang liwanag mula sa malayo. Nangangahulugang ilang minuto na lang at nasa bayan na siya. Umusal ng pasasalamat si Lara at bahagyang binilisan ang pagpapatakbo.

Ilang sandali pa'y binabaybay na niya ang kabayanan. Dahil sa malakas na ulan ay wala na siyang makitang bahay na nakabukas ang mga bintana. Ang iba nga yata'y mga natutulog na. Tinunton niya ang pakanang kalye na alam niyang kinaroroonan ng nag-iisang hotel sa bayang iyon. Doon siya magpapalipas ng gabi at kinabukasan na uli niya ipagpapatuloy ang biyahe patungong Asyenda Aurora. Bagaman mahigit isang oras na lang ang biyahe patungong asyenda mula sa bayan ay hindi siya mangangahas na magpatuloy sa lakas ng ulan nang nag-iisa.

Ipinarada niya ang sasakyan sa parking area ng dalawang palapag na hotel. Marami ring sasakyan ang naroon. Tulad niya'y mga biyahero din marahil. Inabot niya ang maliit na maleta sa passenger seat at ang shoulder bag ay isinabit sa balikat. Pagkatapos ay lumabas ng kotse at tinakbo ang entrada upang kahit paano'y hindi masyadong mabasa ng ulan. Nasa covered entrance na siya nang bumangga siya sa tila pader na dibdib.

Sa pagkabigla'y nabitiwan niya ang maleta. Siya man ay mawawalan sana ng balanse at tutumba kung hindi siya nahawakan sa balikat ng nakabangga.

"Are you all right?" ang malalim na tinig.

Nag-angat siya ng paningin. "I'm sor—" nabitin sa lalamunan niya ang sasabihin. May pakiramdam pa nga siyang huminto siya sa paghinga sandali. Nakatitig siya sa pamilyar na mga mata. "J-Jaime..."

"What took you so long, Lara?" may galit sa tinig nito at gusto niyang dumaing sa higpit ng pagkakahawak nito sa braso niya. "Paalis na akong talaga upang salubungin ka sa daan."

Pahablot niyang hinila ang braso at sa patuyang paraan ay: "After three years, you haven't change a bit. You're still the same arrogant bastard you used to be. How did you make it through the hard rain?" Nag-aapoy ang mga mata niya sa pagkakatitig dito.

Tumiim ang mga bagang ng lalaki. "Inaasahan kong darating ka nang alas-sais, Lara. Alas-singko-y-media pa lang ay nandito na ako."

"Hindi ko sinabing salubungin mo ako kaya huwag mong isisi sa aking naghintay ka nang matagal!"

Sweetheart 5 - All My Love (COMPLETED)Basahin ang storyang ito ng LIBRE!