35 : A sigh

66.9K 3.3K 1.1K
                                    


Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.


         "Alison, sandali! Sumasakit na ang paa ko!" Reklamo ng isang batang babae habang humahabol sa kanyang kapatid.

         "Sabi ko naman sayong 'wag nang sumama eh! Bumalik ka nalang nga 'run, Alicia!" Anas naman ng batang si Alison. Dire-diretso lamang ito sa paglalakad sa madilim na talahiban, hindi nililingon ang pagod na pagod nang kapatid.

        "Saan ka ba kasi pupunta?" pangungulit ng batang si Alicia habang yakap ang kanyang stuffed toy na isang asong kulay puti.

        Hindi sumagot ang batang si Alison, nagpatuloy ito sa paglalakad. Dahil sa kaba, napalingon si Alicia sa bahay ampunan na nasa likuran, may bahid ng takot sa kanyang mga mata nang makitang malayo-layo na sila mula rito. Ngunit sa kabila ng takot niya, gusto niya paring sumama sa kakambal.

          Sa isang iglap, nagbago ang paligid. Nasa isang convenience store na ang mga bata na katabi lamang ng isang gasolinahan. Inilabas ni Alison ang mga barya mula sa maliit na pitaka at inabot ito sa cashier upang bayaran ang mga pinamili nilang ice cream. Nasa likod lamang ni Alison ang kakambal na si Alicia, nakahawak ito sa dulo ng kanyang suot na hello kitty sweatshirt. Pareho silang nakasuot ng hello kitty sweatshirt, pula nga lang ang kay Alicia at asul naman kay Alison. Kapwa nakatirintas ang mga buhok nila.

       "Ang cute niyo naman, magkapatid ba kayo?" Malambing na sambit ng kahera.

      "We're twins," sagot ni Alison at nilingon si Alicia. Pansin niyang palinga-linga ito kaya hinawakan niya ang kamay nito.

       "Talaga? Asan pala ang mga magulang niyo? Nasa labas ba sila?" tanong ng kahera kaya agad na tumango si Alison. Sa takot na baka mabisto ang pagtakas nila sa ampunan, mabilis siyang lumabas nang makuha ang pinamili habang hila-hila ang para bang takot na si Alicia.

      "Alicia anong problema?" tanong ni Alison nang makalabas sila sa convenience store.

      Dahil alas-onse na ng gabi, halos wala nang katao-tao sa daan at mangilan-ngilan na lamang ang dumadaan na sasakyan. Payapa ang mga kalsada na tila ba dinadaluhan ng malamig na hangin.

       "Alicia?" pag-uulit ni Alison kaya naman napakagat si Alicia sa ibabang labi. Punong-puno ng takot ang mga mata nito nang bumulong sa kanya.

       "May lalakeng sumusunod sa atin kanina pa," bulong nito.

       Mabilis na nilibot ni Alison ang paningin ngunit wala naman siyang nakitang tao sa paligid. "Wala naman eh!" Pagsasawalang bahala ni Alison sa sinasabi ng kapatid at muli itong hinila. 

       Nang mapadaan sila sa gasolinahan, napansin ni Alison ang isang lumang van na nakaparada sa isang tabi kaya naman wala siya sa sariling napabitaw kay Alicia. Umiilaw ang headlights nito bagay na ipinagtaka ni Alison lalo pa't sarado ang gasolinahan sa gabing ito. Sa kabila nito, napansin ni Alison ang isang batang lalake sa loob ng van na nakaupo sa passenger seat. Nakataas man ang bintana ay pansin niyang kumakaway ito sa kanya.

Psycho next doorTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon