Special Chapter [1]

6K 189 65
                                    


Nagising siya sa loob ng selda. Nanlalabo ang kaniyang paningin nang suriin niya ang paligid pero nagawa pa niyang aninagin ang kung ano-anong umiilaw na pula sa paligid.

Napaungol siya nang maramdaman ang pananakit ng ulo. Ilang saglit pa ay naging maayos na ang kaniyang paningin at naging malinaw na ang lahat.

Nasa loob siya ng makalumang selda; gawa sa magagaspang na bato at ang harapan ay may mga nakaharang na mga butong ipinagbigkis ng mga hibla ng mga halaman—mga butong umaapoy. Kapansin-pansin maman ang mga nagbabagang bato sa paligid niya na naghahatid ng 'di mawaring init.

Ang inaapakan niya ay purong buto rin na hindi gaanong maayos na naipwesto. Nang silipin niya ang ilalim nito ay isang malalim at malaking butas ang kaniyang nadiskubrehan, butas na hindi niya alam kung hanggang saan o kung gaano kalalim. Ang butas na kung saan siya nakakarinig ng mga nakakakilabot na sigaw, iyak, at tawa.

Binalak niyang gumalaw...

Ngunit nang gawin niya ito ay napadaing siya sa sobrang sakit dahil sa napagtanto niyang may isang malaking kawit ang nakabaon sa magkabilang palad niya, at ang dulo nito'y may kadena nakadikit sa katabing nagbabagang bato. Do'n niya lang din nalaman na may nakataling kadena sa leeg niya at may mga kawit din na nakabaon sa dalawang paa niya.

Wala na siyang ni isang saplot at kitang-kita niya ang nalapnos niyang balat at ang sugatang katawan—sugat na malalim at halatang hiniwa ng todo.

"Tulong!" Sigaw niya nang nagsimula niyang naramdaman ang hapdi at sakit na hindi maipaliwanag.

"Tulon—"

"Cassey..."

Nagulat ang dalaga nang biglang lumitaw ang nakakasindak na mukha ng lalakeng may pulang mata sa harap ng selda niya.

Gaya niya ay wala rin itong saplot, ngunit ito ay naiiba dahil sa naliligo ito sa dugo na may halong iilang munting laman pa. May hawak-hawak naman itong baston na gawa sa bato at buto na nagbabaga sa init at ang dulo ay sadyang napakatalas.

"S-sino ka?!" Asik ni Cassey na umiiyak 'pagkat nananakit ang buong katawan niya. "Pa-pakawalan m-mo 'ko! Maawa ka!"

"Lucifer."

"A-ano?!"

"Nasa impyerno ka na Cassey, kung saan ka nababagay. Sa ngayon ay pag-uusapan natin ang kaso mo." Ani nito at bigla na lang naging usok at nalusaw.

Hindi makapaniwala si Cassey dahil sa ibinunyag no'ng lalake. Ang iniisip niya ay panaginip lamang ito at kailangan na niyang magising.

Ngunit sa isang iglap ay bigla na lang na sumiklab ang apoy sa kaniyang kinatatayuan na mula sa ilalim. Sinusunog nito ang katawan niya at tinutupok ito ng paunti-unti sa paglipas ng sandali.

Thomas, [Book One]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon