NAALALA MO BA?

508 40 8
                                                  

Naalala mo ba? Nung panahong di mo pa ko kilala at lagi mo kong nahuhuling nakatingin sayo?

Oops! This image does not follow our content guidelines. To continue publishing, please remove it or upload a different image.

Naalala mo ba? Nung panahong di mo pa ko kilala at lagi mo kong nahuhuling nakatingin sayo?

Natataranta ko at umiiwas agad ng tingin dahil parang sasabog ang dibdib ko, hindi ko alam kung dahil baka sampalin mo ko o dahil sobrang ganda mo kahit matalim ang titig mo.

Naalala mo ba? Nung unang beses kitang bigyan ng sulat?

Nanginginig ang kamay ko habang inaabot ang sulat sa harap mo, halos malunok ko na pati ang dila ko sa kaba at takot.

Pakiramdam ko bigla akong lumipad nung kunin mo ang sulat pero agad din akong lumagapak nung gusutin mo 'yon at itapon sa basurahan.

Naalala mo ba? Nung paulit ulit padin kitang binigyan ng sulat?

Paulit ulit mo din tinapon 'yon pero ayos lang.

Nasabi ko nalang sa sarili...

"Ah... hindi siya basta basta gaya ng ibang babae."

Kaya naman lalo kitang nagustuhan.

Lumipas ang isang taon na di ako tumigil manligaw sayo, hanggang sa nagulat nalang ako pumunta ka sa classroom ko, padabog na may pinatong na papel sa mesa ko at lumabas ka agad.

Napatigil kami ng mga kasama ko na maglagay ng bunot sa bag ng isang tropa namin.

Kinabahan ako dahil naisip ko na punung- puno ka na sakin. Kinuha ko yung papel at doon ko nakita ang sinulat mo...

'Sinasagot na kita! Tayo na.'

Sa sobrang saya at kilig ko, pati bunot nayakap ko. Diba? Kahit paraan mo ng pagsagot sakin ay kakaiba kaya naman lalo kitang hinangaan.

Naalala mo ba? Nung unang beses ko mahawakan ang kamay mo. Biglang naglawa ang palad ko sa sobrang kaba. Nagmadali ako, nilagyan ko ng panyo ang pagitan ng ating palad sa takot na kumalas ka sa pagkakahawak.

Pero mas nagulat ako nung tanggalin mo ang panyo, tinignan mo ko nang matalim tsaka dahan dahan na ngumiti.

"Okay lang 'yan, pasmado din naman ang kamay ko. It's a tie." sabi mo dahilan para mabaliw ako sayo.

Lumipas ang araw, buwan at taon. Mas naging komportable tayo at sinusuportahan ang isat isa, mas naging masaya tayong dalawa. May panahong nag-aaway pero di tayo sumusuko dahilan para lalo ako mapamahal sayo.



Sobrang proud ako sayo, pinagmamalaki kita lalo na sa mga tropa at pamilya ko. Di ka lang maganda, matalino ka pa.

Walang pagkakataon na hindi ko nasasabi sa sarili ko..

'Sobrang swerte ko sayo.'

Gustung gusto ko titigan ang mukha mo lalo na kapag nakapusod ang buhok mo. Sobrang lakas ng tama ko sayo, picture mo ang nasa wallet ko pati sa cellphone ko.

Sobrang daming dahilan ang naibibigay mo para sumaya ako, lalo na kapag naalala ko tuwing kakain tayo, papapiliin mo ko, lahat ng sasabihin ko ayaw mo, hanggang sa babagsak tayo sa una kong suggestion, ang walang kamatayang Jollibee na favorite mo.

Ewan ko ba, sobrang cute mo lalo na kapag napaparaning ka.
Kaya kahit nakakatakot, iniinis kita paminsan minsan.

Minsan habang pinagmamasdan kita, may takot na bigla akong nararamdaman. Totoo kaya yun? Yung may pagkakataon sa buhay mo na magigising ka nalang isang araw hindi mo na siya mahal? Pero bigla akong mapapanatag, kasi wala akong naiisip na dahilan para mangyari yun sating dalawa.

Hanggang sa umabot tayo ng dalawang taon. Doon nagsimula magbago ang lahat.

Mas abala ka na sa gawain sa school.

Bihira nalang tayo lumabas.

Ang "Mamaya na tayo tulog." napalitan ng "Mauna na ko. Inaantok na ko."

Pero naiintindihan ko. Mas mahirap dahil nasa college na tayo.

Hanggang sa nanlamig ka, lalo kang sumungit, ayaw mong hawakan ko ang kamay mo sa daan.

Ang "Kain tayo." napalitan ng "Wala kong gana. Gusto ko ng umuwi."

Ang reply mo, inaabot na ng kalahating oras.

Ramdam ko, may mali. Halos mabaliw ako kakaisip kung may nagawa akong di mo nagustuhan. Hindi ako nagtangkang magtanong dahil sa takot na magalit ka.

Ayaw mo nun diba? Nung tatanungin ka at dadramahan ka.

Kaya mas nagpursige ako, sa pag-aaral, pag-aalaga at pag-intindi sayo.

Hanggang sa isang araw, dumating ang kinatatakutan ko. Nakipaghiwalay ka.

Ang sabi mo hindi ka na masaya at nagsasawa ka na. Pero ang di ko matanggap yung sabihin mong...

Di ka sigurado kung mahal mo pa ba talaga ako.

Pakiramdam ko gumuho ang lahat sa akin. Hindi ko matanggap. Nagmakaawa ako sayo pero desidido ka na.

Naisip ko baka pagod ka lang o may problema pero sabi mo hindi, talagang ayaw mo na.

Pero matigas ang ulo ko, inaantay padin kita araw-araw. Mukha na nga siguro akong baliw pero ginagawa mo din ang lahat para iwasan ako.

Hanggang isang araw nagmakaawa at umiiyak ka sa harap ko, nagmamakaawa na tigilan na kita.

Alam mong kahinaan ko ang makitang kang umiiyak.

Doon mo inamin, may nagugustuhan ka ng iba.

Para akong pinatay ng dalawang beses. Kahit masakit, napilitan akong sumuko na.

Kasi kahit anong laban ko kung may iba na sa puso mo, matatalo at matatalo padin ako. Simula nun may parang kulang na sa pagkatao ko.

Isang taon na ang nakakalipas, naaalala padin kita. Pero pinangako ko na sa sarili ko, hindi na ko aasa at tuluyan na kitang kakalimutan. Kasi hindi ko magawang umusad dahil nakakulong ako sa nakaraan.

Isat kalahating taon na ang nakalipas nung magkahiwalay tayo. Halos isang taon akong umasa na kahit masalubong man kita ay ayos na.

Pero ito ka ngayon, nasa harap kita at umiiyak. Humihingi ng tawad at gusto mo akong balikan.

Hindi ko alam kung anong sasabihin, hindi ko alam ang gagawin. Ang alam ko lang parang dinudurog ang puso ko, naalala ko ulit yung saya at lungkot na dinulot mo.

Sa isang iglap, naalala ko lahat. At ganun padin, nasasaktan padin ako kapag nakikita kang umiiyak.

Pero anong gagawin ko?

Ang balikan ka na noon ko hiniling? O ang kalimutan ka na pinangako ko saking sarili?



--------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------

Arkisteph

*More one shot stories to come. For notif. update add this to your library or you can follow my account :)



UPENDO (ONE SHOT STORIES)Where stories live. Discover now