A

794 39 45
                                    

Ang init na ng sikat ng araw, pero kahit ganoon ay natutuwa pa rin akong maglakad patungo sa eskwelahan. Mas binilisan ko pa ang paghakbang para maabutan si Yael na nasa kabilang daanan na nalalatagan ng mga bato. Panaka-naka ang pagsulyap ko sakaniya, habang ang ngiti sa aking mga labi ay hindi na mabura. Ilang taon ko na rin itong ginagawa, pero hindi pa rin ako napapagod sa halip ay mas ginaganahan pa nga akong pumasok ng maaga.

Madalas ay nangangamote ako tuwing tinatanong ko ang aking sarili kung ano nga ba itong nararamdaman ko para kay Yael. Basta ang alam ko ay handang pumintig nitong puso ko na parang beatbox kapag nariyan siya.

Ang bilin nga lagi sa akin ni ermats ay pagtuonan ko muna raw ng atensyon ang aking pag-aaral dahil hindi lahat ay nabibigyan ng oportunidad na maabot ang tinatamasa ko ngayon. Naiintindihan ko naman si mama, pero hindi ko kasi mapigilan ang kung ano mang humahaplos sa aking kalooban kapag nakikita ko siya. Isa pa ay hindi naman siguro kasalanan ang magkaroon ng sikretong damdamin kay Yael Andrada.

"Hoy tiktik! Na late ka ata ngayon?" sinalubong ako ng nakangiting epal na si Sibaz.

Hindi ko siya pinansin at tinanaw ko pa rin ang likuran ni Yael na papasok na sa building ng mga seniors.

"Tantanan mo ako Kulafu, masasaktan ka na talaga sa'kin!" inis kong tinapik ang kamay niyang nakadantay na sa aking balikat.

Si Sebastian Buenaventura ay mas kilala bilang si Kulafu, hindi ko nga alam kung bakit karamihan ay hinahangahan siya kahit na may taglay siyang talento sa panghuhuthot ng kapwa estudyante at minsang pakikipagbasag-ulo. Mukha pa nga siyang tanga dahil sa lagi niyang pagngiti na para bang walang kahit na anong bagay ang makakapag-alis niyon sakaniya. Hindi naman siya nakakatuwa bagkus ay isa pa nga siya sa mga salot sa lipunan. Wala na siyang ginawa kundi ang mangbuska sa akin tuwing umaga. Lagi ko siyang madadatnan sa gilid ng bakal na gate, pagkatapos ay susundan niya ako hanggang sa aming silid-aralan. Ang nakakainis pa ay ang pagtawag niya sa akin ng tiktik. Ayos pa sana kung titik dahil sa pangalan kong Abcde. Kaso ginagawa niya akong aswang!

"May gusto ka kay Yael 'di ba? Tutulungan kitang makasayaw siya sa Valentines Party." aniya na nagpatigil sa akin.

Hinarap ko siyang nakasimangot pero sa loob ko ay nagririgudon na ang aking puso.

"Paano?" Nahihiyang tanong ko. Ngayon lamang ako nagka-interes sa mga sinasabi niya. Dati ay hindi ko pinauunlakan ang kahit anong tulong na inaalok niya sa akin, pero dahil ito na ang huling pagkakataon ko kay Yael ay susunggaban ko na.

"Sasabihin ko sa'yo. Pero ilibre mo muna akong kwek-kwek mamayang recess." aniya. Wala talagang pagbabago ang mandurugas na 'to.

"Neknek mo! Hindi mo ako mahuhuthutan gaya nila." pabalang kong sabi at malalaking hakbang ang ginawa ko patungo sa aming silid-aralan.

Ngunit pagkatapos tumunog ng batingaw ay nakita ko na lamang ang aking sarili na nakaupo sa lilim ng isang puno, katabi ko si Kulafu na nilalantakan na ang binili kong kwek-kwek na may kasama pang dalawang tuhog ng isaw.

Kahit na naiinip at ilang minuto na lang ang natitira para sa recess ay hinintay ko pa rin siyang matapos sa pagkain. Siya lang ang kilala kong panget na nag-iinarte.

Nang isubo niya ang panghuling kwek-kwek ay nakahinga na ako dahil iyon na ang pagkakataon ko para tanungin siya sa plano niyang makasayaw ko si Yael sa darating na Valentines Party.

"Anong gagawin--" naiwan sa ere ang sasabihin ko ng biglang umubo si Kulafu. Base sa itsura niya ay nahihirapan na siyang huminga, mukhang nabulunan pa ang ogag sa huling kwek-kwek na isinubo.

"Tu--big." Nahihirapan niyang sabi.

Dali-dali naman akong tumakbo patungo sa malapit na tindahan para ibili siya ng softdrink.

"Ate, isa nga pong coke sakto." Agad kong inabot ang siete pesos at kinuha ang bote ng coke. Nang lingunin ko si Kulafu sa pinag-iwanan ko sakaniya ay wala na ito.

"Lintik kang Kulafu ka! Lumapit ka dito, tatamaan kana talaga nitong kamao ko!" Halos mapatid ang litid ko sa pagsigaw ng makita kong nasa bukana na ng seniors building ang ulupong habang nakangising kumakaway sa akin.

--

Obscured ValentineWhere stories live. Discover now