Part 7

67.2K 1.8K 97
                                    

KINABUKASAN ay nagsimula na sa trabaho si Jasmin. Filipiniana ang style ng uniform niya. At nakapagtatakang ang napili ni Nathaniel ay sukat na sukat sa kanya. Isang pencil cut na palda na kulay salmon at jusi ang blusa na may burda sa collar at manggas.

"Beautiful!" ani Rolly nang pumasok siya sa reception area.

"Thank you."

"Ngayon ay hindi lang ang resort ang atraksiyon kundi pati ikaw" Hindi makaila ang paghanga sa mga mata nito.

Umirap siya. "Wala akong intensiyong maging atraksiyon, Mr. Magno."

"But you are. At wala kang magagawa roon. Hindi mo ba napapansin na sa iyo nakatingin ang lahat ng male guests?"

Naputol ang pag-uusap ng dalawa nang may pumasok na mag-asawang foreigner na bagong dating.

llang sandali pa ay kinakausap na ni Jasmin ang mga ito.

Pranses ang mag-asawa at ang babae ay hindi marunong mag-english. Sinamahan niya ang mga ito sa ikalawang palapag kung saan reserbado para sa mag-asawa.

Paglabas niya sa silid ng mga ito ay naroon si Nathaniel.

"So you speak french," anitong bagaman pormal ang tono ay may kislap ng paghanga sa mga mata.

"Kaunti lang, iyong conversational " sagot niya na gumanti ng ngiti sa isang guest na dumaan.

"Where did you learn to speak french?" patuloy ni Nathaniel na sinabayan na siya sa paglalakad.

"I took up European Language, French ang major ko "

"Why European languages?" Nagsalubong ang mga kilay nito nang tumingin sa kanya. Nasa bukana na sila ng hagdan at muli ay nginitian ng dalaga ang papanhik na dalawang male guests na nakatingin sa kanya.

"Pinangarap kong magtrabaho sa ibang bansa lalo na sa European countries," sagot niya habang bumababa.

"And you ended in Paso de Blas, instead. Very ironic," matabang na wika ni Nathaniel.

Nakadalawang baitang pa lamang sila ay may tumawag na naman kay Jasmin sa itaas. Ang isa sa mga male guest na nakasalubong nila. Sinabi nito sa kanya na hindi mabuksan ang pinto ng silid at bago pa nakapagsalita si Nathaniel ay nakapanhik na ang dalaga. Ngumiti at sinamahan ang guest sa silid nito.

Nagulat pa si Jasmin nang paglabas niya ay nasa lobby pa rin sa itaas si Nathaniel at naghihintay.

"What took you so long?" inis na wika nito. Nagsalubong ang mga kilay ng dalaga. "Kinausap pa niya ako."

"You don't have to be that accomodating." Nag-angat ng ulo ang dalaga sa tono ng lalaki. "Mr. Cervantes, it is my job."

"Do not overdo it. Sa mga ganoong pagkakataon na nagrereklamo ang mga guest ng tungkol sa silid nila ay tawagin mo si Rolly. Trabaho n'ya iyon. Maliban na lang kung talagang gusto mong personal na i-entertain ang mga male guest ng resort"

Nanlaki ang mga mata niya sa nais ipahiwatig ni Nathaniel. At bago pa siya makapagsalita ng hindi mabuti ay minabuting tumalikod na lamang. Subalit naagapan ni Nathaniel ang braso niya.

"Kinakausap pa kita, Miss Cuevo! Wala kang karapatang basta na lang ako talikuran!" pagalit nitong sinabi. "Huwag mong gawin ang ganyang kabastusan dahil lang ang lolo ko ang nagpasok sa iyo rito! Madali kitang mate-terminate kahit na sino pang Poncio Pilato ang nagrekomenda sa iyo!"

"Terminate me then!" Ang gusto niyang sabihin pero agad na inawat ang sarili. Malaking bagay na matapos niya ang dalawang buwan sa resort na ito para sa kanilang magkapatid.

"I'm sorry..." mahinang sagot na lamang niya.

Kung anuman ang sasabihin ni Nathaniel ay hindi na niya malalaman pa dahil nasa bungad ng hagdan si Rowan.

"Nathaniel!" magiliw na tawag nito, nakatutok ang mga mata sa braso niyang hindi pa nagagawang bitiwan ng binata nang pigilan siya kanina. Pinaglipat-lipat nito ang tingin sa kanilang dalawa.

Napuna niyang hindi ito nag-iisa. Sa likuran nito ay may isang lalaki't babaeng nakasunod.

Hahakbang na sana siya pababa sa hagdan nang ngumiti at magsalita ang babaeng kasama ni Rowan. "Hello? Ikaw ba ang bagong receptionist? Ako si Jewel. Pinsan ko si Nathaniel. At ito naman si Bernard." Nilingon nito ang kasamang binata.

Inabot niya ang kamay na inilahad ni Bernard. "Sana'y mag-enjoy ka rito," nakangiting wika ng binata.

Ngumiti si Jasmin.

"Balita namin ay ang lolo ang nagrekomenda sa iyo. Paano ka napapayag ng lolo na iwan ang Maynila para sa trabaho mo rito?"

"Two months lang naman ako rito," wala sa loob niyang naisagot sa palakaibigang tanong ni Jewel. Napansin ni Jasmin ang biglang pagbaling ng tingin ni Nathaniel sa gawi niya.

"Ano'ng ibig mong sabihin?" Kung may nakapuna sa bahagyang pagtaas ng tinig nito ay hindi niya masabi.

Nalito siya. "Ang ibig kong—"

"Bakit dalawang buwan ka lang dito?" nagtatakang putol ni Jewel sa sinasabi niya.

"Really?" Umaliwalas ang mukha ni Rowan na nakakapit na kay Nathaniel.

"This is a summer job" Pinilit niyang ngumiti at iniwasang magkasalubong ang mga mata nila ni Nathaniel. "I'm earning my tuition fee para sa next sem. May natitira pa akong dalawang semester, eh." At least sa pagkakataong ito ay hindi siya nagsisinungaling.

Nagkibit ng balikat si Jewel. "Pareho pala tayo. After two months, balik escuelahan ako. Anyway, itu- tour ka namin ni Bernard sa buong Paso de Blas sa duration ng stay mo."

Muli siyang ngumiti sa dalawa. "Salamat." Humakbang na siya upang bumaba nang tuluyan. "Nice meeting you two!"

Pagkatapos ay natanaw niyang bumaba patungo sa dagat sina Jewel at Bernard para mag- swimming. Parang gusto niyang managhili.

Sana ay narito siya sa magandang resort na ito hindi bilang empleyado.

Noon ay malimit silang mag-out of town ng mama at papa niya tuwing summer. Bigla ang pagkadama niya ng lungkot para sa mga magulang. Pagkatapos ay sa bunsong kapatid. Sana ay narito rin si Iris. Makabubuti para sa bata ang klima.

Lumipas ang maghapon na hindi naging kabagot-bagot para kay Jasmin. At palibhasa'y simula na ng tag-init ay maraming tao ang dumating sa resort. Kalimitan ay mga reservation pa sa Maynila.

Nagpasiya siyang hindi na lamang maghapunan nang hapong iyon dahil pagod na pagod ang pakiramdam niya. Dumeretso na siya sa apartment. Sanay naman siya sa ganoon. Mas gusto niyang magpahinga na lamang kaysa kumain lalo na kung ganitong pagod siya.

Unang araw—she's dead tired. Kaibang-iba sa trabaho niya sa Kristine Cement bilang clerk-typist.

Hinubad lang niya ang sapatos at stocking pagkatapos ay nahiga na sa ibaba ng bunk bed. Ang balak niya'y magpapahinga lang sandali at saka siya maliligo.

Halos naiidlip na siya nang biglang bumukas ang pinto ng apartment. Si Nathaniel. Napabalikwas siya ng bangon.

Kristine Series 2: Ang Sisiw at ang AgilaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon