Part 1

34.9K 820 44

IPINATATAWAG siya ng Big Boss. lyon ang bungad ni Mr. del Prado pagdating niya nang umagang iyon sa pinapasukang opisina.

"Si Don Leon Fortalejo, Sir?" tanong ni Jasmin sa kanyang immediate boss, ang Personnel Manager.

"Siya na nga, Jasmin, kaya tumuloy ka na sa itaas," wika nito na masusi siyang tiningnan.

"B-bakit daw po?" nagtataka at kinakabahang tanong niya.

Bakit siya ipatatawag ni Don Leon?

Sa loob ng kulang na limang buwan niya sa kompanya ay mabibilang sa mga daliri ang pagkakataong nakikita niya ito. May sariling daan patungo sa opisina nito ang Big Boss. At duda siya kung alam ng lalaki na nagtatrabaho siya sa kompanya nito.

"I was wondering myself. Kung tungkol sa pagiging permanent mo, sa akin manggagaling iyon. Anyway, lumakad ka na," sagot nito.

Nalilitong lumabas ng pinto ang dalaga. Wala siyang maisip na dahilan kung bakit siya kakausapin nito.

Kunsabagay ay nakatagpo na niya ito nang harapan sa dalawang pagkakataon. Nang mamatay ang mama niya, may sampung buwan na ang nakararaan at nitong mamatay ang papa niya, four months ago.

Bumungad sa kanya ang sekretarya ni Don Leon. May edad na rin ang babae na kung ituring ng mga taga-opisina ay ang 'little boss!' Kung gaano na katagal ang kompanya ay ganoon din marahil ang matandang sekretarya.

"Gusto raw akong makausap ni Mr. Fortalejo, Mrs. de Lara?" May agam-agam sa tinig niya.

"Yes. You may come in." Nilingon nito ang silid at pagkatapos ay ipinagpatuloy ang ginagawa.

Isang mahinang katok muna ang ginawa niya bago marahang itinulak ang pinto pabukas. Mula sa pagkakayuko sa mesa ay nag-angat ng ulo si Don Leon.

"G-good Morning, sir!"

"Miss Cuevo," acknowledge ng don, itinuro ang silya sa harap ng mesa upang maupo siya. Sumunod siya. Hindi maiwasang hindi niya masulyapan ang folder na nakabukas sa harap ng don at kung hindi siya nagkakamali ng tingin ay file niya iyon.

Bakit? Ito ba ang magdedesisyon kung mapi- permanent siya o hindi? Sa susunod na buwan ay matatapos na ang probationary period niya.

"May... kailangan kayo sa akin, Sir?"

Tumikhim ang matanda at pagkatapos ay sumandal sa highbacked swivel chair nito. "Ano ang gagawin mo, Miss Cuevo, kung bago matapos ang anim na buwan ay ma-terminate ang employment mo?" deretsong tanong nito.

Magkasabay na bumangon ang kaba at pagtataka sa dibdib niya. Kaba dahil higit kailanman ay ngayon niya kailangan ang trabahong ito. Pagtataka dahil mula nang mapasok siya rito sa tulong ng kanyang papa ay masigasig siya't nagpapakita ng ibayong husay sa mga ginagawa sa kabila ng pagiging undergraduate niya.

"I probably would have to find another job." mahinang sagot niya.

"And would that be easy, Miss Cuevo? Considering that you are an undergraduate. And besides, malayo ang kurso mo sa iyong trabaho," muling tanong ng matanda.

Hindi agad siya makasagot. European Languages ang kursong kinukuha niya sa UP at nasa ikatlong taon. Dapat ay natapos na niya ang kurso sa taong ito kung hindi sa mga trahedyang nangyari sa kanilang pamilya. Ang trabaho niya rito ay clerk-typist at kung tutuusin ay hindi naman siya gaanong mahusay mag-type.

Tumingin siya nang deretso sa matanda. "What is it exactly that you want to tell me, Sir?" pormal niyang tanong. Kung ibabagsak nito ang palakol ay mabuting bilisan na.

Mahihirapan siyang maghanap ng trabaho, all right. Pero makakakita rin siguro siya kahit papaano at magsisimula na namang muli. Lamang, hindi magandang reperensiya ang hindi man lang niya natapos ang six months dito.

Muling tumikhim ang don, tila pinipili ang salitang gagamitin. "Sa kasalukuyan ay sumasahod ka ng regular pay na isinasaad ng batas, Miss Cuevo. At nasa probationary period. Pipirmahan ko ngayon din ang pagiging permanent mo at dodoblehin ko ang kasalukuyang suweldong tinatanggap mo..."

Napahugot siya ng paghinga pero alam niyang may kasunod na 'but iyon.

"But...?" siya na ang nagsatinig.

"I'd like to assign you for two months in Paso de Blas, Miss Cuevo. Nag-resign ang receptionist sa hotel-resort ko roon at kailangan ko ng temporary replacement."

"In Palawan, Sir?" gulat niyang tanong. Tumango ang matanda. "Doon nga, hija. At pagkatapos ng dalawang buwan ay babalik ka na uli rito taglay pa rin ang sahod mo. Plus free tuition fee sa natitirang dalawang semester mo sa UP."

Nanlaki ang mga mata ni Jasmin. Dobleng suweldo! At pagkatapos ng dalawang buwan ay makapag-aaral siyang muli. Matatapos niya ang kanyang kurso. And chances are, makapag-a- apply siya abroad! The offer was so tempting. "W-why me, Sir?"

"Malayo ang Paso de Blas mula rito sa Maynila, Miss Cuevo. Natitiyak kong walang papayag na mga dalagang empleyado. Maliban pa sa hindi ko maiba-bargain sa kanila ang mga sinabi ko sa iyo."

Kunsabagay, siya lamang ang may ganoong pangangailangan ng trabaho at benepisyo sa kasalukuyan. Pero hindi pa rin niya maintindihan.

"Natitiyak kong mahihirapan ang mga dalagang narito sa kompanyang ito na magpaalam sa mga magulang nila, Miss Cuevo. Samantalang ikaw lamang ang magpapasiya para sa sarili mo," patuloy ng don sa nakikitang pag-aalinlangan sa mukha niya.

Tumango siya. Walang mawawala sa kanya bagkus ay makikinabang siya nang husto. Bago niya matanggap ang suweldong inaalok nito ay magbibilang siya ng taon.

"Pero gustuhin ko man ay hindi ko maaring iwan ang kapatid ko," wika niya rito. Paano niya magagawang iwan na lamang ng ganoon ang sampung buwang gulang na kapatid? May panghihinayang sa tinig niya.

"Huwag mong problemahin ang kapatid mong bunso, Miss Cuevo," agad na sagot ng don na kung wariin niya'y nakahanda na. "Dalawang buwan ka lang mawawala at mapagkakatiwalaan naman ang matandang kasama n'yo sa bahay, 'di ba? Sa pagkakaalam, bata ka pa'y naroon na ito sa inyo "

"Pero..." Nag-aalangan pa rin siya.

"Think it over, Miss Cuevo," agap ng don na kinakikitaan na ng pagkabagot.

"Do I have a choice?"

"No. Two months in Paso de Blas or you will have to look for yourself another job," kalmanteng wika nito.

Kristine Series 2: Ang Sisiw at ang AgilaBasahin ang storyang ito ng LIBRE!