MONDRAGON

583K 25.9K 39K
                                    

HEURT PARK

"SIGE, MISIS, iri pa! Iri pa, misis! Sige pa!" anang lalaking doktor na animong napakadali niyon.

Nakatunghay lamang ito pero panay ang pagkuda sa dapat kong gawin. Walang hinto ang bunganga nito at panay ang puna sa tamang pag-iri. Ang kumadronang babae ay naroon sa ilalim at abala sa puwerta ko. Kung init ng ulo ang aking paiiralin ay kanina ko pa binulyawan ng paninindak ang lalaking doktor. Pero dahil iniisip ko ang kalagayan ng bata ay binale-wala ko na lamang siya.

Sinunod ko ang sinabi ng lalaking doktor nang paulit-ulit. Pero tila kakapusin na ako sa hininga nang tumagal kami ng ilang minuto pa. Ganoon na kahigpit ang kapit ko sa parehong gilid ng kamang kinasasadlakan ko. Ganoon na rin katindi ang paghugot ko ng puwersa mula sa kasuluk-sulukan ng katawan at kaluluwa ko.

"Misis, iiri mo pa! Hindi tayo matatapos dito hangga't hindi mo itinotodo ang pag-iri mo!" muling singhal ng lalaking doktor. "'Ayan na nga ba ang sinasabi ko! Magagaling magsigawa ng bata, hindi naman mailuwal nang tama!"

Hindi ko pinansin ang doktor, at sa halip ay paulit-ulit pa muli akong umiri. Pero hindi rin nahinto ang bibig nito. Hindi ko man ito nakikita dahil nakapikit ako ay batid kong palakad-lakad ito habang kumukuda sa tabi ko. Nakakairita, nakaririndi. Iyong naghahalong paghihirap, init at lagkit sa katawan ay hindi biro, dinaragdagan niya pa.

"Umiri ka nang ayos, kung hindi ay kawawa ang anak mo!" muling aniya. Sa kaba na baka mapahamak ang anak ko ay sinunod ko ang sinabi niya.

Nakapikit akong humugot nang malalim at puwersadong hininga at saka iniiri iyon na may kasabay na pagbuga. Halos isigaw ko iyon sa sobrang hirap. Kasabay nang matindi at masakit na paghilab ay tila pinupunit ang isang parte ng katawan ko. Hindi ko malaman bakit pakiramdam ko ay katapusan ko na. Para bang iyon na ang pinakamatinding paghihirap na pinagdaanan ko, kahit na ang totoo ay maraming higit pa roon.

Ngunit tila hindi sapat sa kanila ang lakas, puwersa, paghihirap at pagsisikap kong mailabas ang bata. Hindi mahinto sa pagkuda ang doktor, maging ang kumadrona ay nakikiusap na. Para bang kahit na anong pag-iri ko ay hindi sapat, hindi lumalabas ang anak ko.

"Lintik nang...nasaan na ba ang mister ng babaeng ito?" nakapamaywang na singhal ng lalaking doktor sa kumadrona. "Baka kailangan siya rito para umiri ito nang todo? Aba'y mahigit kalahating oras na tayo rito, ah?" Saka ito bumaling sa akin. "Misis, nakapila ang manganganak ngayong araw kaya umiri ka na! Nasaan ba ang asawa mo?"

"Huwag mo nang hanapin dahil hindi naman siya ang manganganak!" hindi ko na napigilan ang buwisit. "Hintayin mong makatayo ako rito, at ipararamdam ko sa iyo kung gaano kahirap iyang pinagagawa mo! Ipaiiri ko sa 'yo ang atay at balun-balunan mo! Gusto ko na ring lumabas ang anak ko!"

"Tingnan mo nga nama't nanindak pa ito," pasinghal nitong asik. "Misis, hindi lang ikaw ang manganganak sa mundo! Marami kayo! Sa hospital pa lang na ito ay daan-daan na ang nakapila! Kung tatagal ka rito, maraming ina at sanggol ang magsasakripisyo nang dahil sa iyo!"

Sa halip na patulan ay umiri pa ako nang todo, iyong walang hinto na para bang handa na akong maputol ang litid ko. Hinayaan kong dumausdos ang maluwang na damit hanggang sa lumabas ang balikat ko. Hindi nakatakas sa paningin ko ang gulat ng doktor at kumadrona matapos makita ang tattoo sa ibaba ng aking balikat, sa bandang braso. Matapos niyon ay hindi na sila magkandaugaga sa pag-aasikaso sa akin. At doon, nagtuloy-tuloy ang hirap, sarap at kaginhawahan na para bang naramdaman ko lahat sa loob ng iilang segundo. Nakapikit kong ibinagsak ang katawan ko papahiga. Naramdaman ko nang sandali nilang ihiga sa tiyan ko ang sanggol ngunit agad din nila iyong kinuha. Tila nilamon ang lakas ko at ang gusto ko na lang ay bumagsak at makatulog. Pakiramdam ko ay nabunot ko mula sa hukay ang kalahati ng katawan kong nakalibing na. Para bang gumaan ang katawan ko. Para bang bigla ay gutom na gutom ako.

MOONTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon