Chapter 19

11.4K 180 0
                                    

GANADUNG-GANADO si Audrey sa shooting. Nakadagdag sa kumpiyansa niya sa sarili ang papuri ng direktor. Dahil maayos ang takbo ng shooting, kinunan na nilang lahat ang mga eksena.

May pagkakataong umabot sa take three ang eksena pero nakangiti pa rin ang direktor. Papatapos na kasi at kumbaga ay nauna nang na-impress sa kanila ang direktor. Napapatawad na nito kung magpaulit-ulit man sila ng take sa ibang eksena.

Sabi nga ni Vicky, normal lang daw iyon. Kung sakali raw ay pinakamabilis na shooting ang commercial nilang iyon. May iba nga raw modelo na beterana na pero inaabot sila nang siyam-siyam sa shooting.

Lalo naman iyong nakapagpagaan sa pakiramdam niya.

May napansin nga lang siya: Parang kanina pa walang kibo si Rico. Pero kapag kausap naman nito ang direktor at may kukunang eksena ay buhos naman ang atensiyon. Naninibago siya rito. He seemed withdrawn. Malayo sa animated Rico na nakasanayan niya.

Madaling-araw na natapos ang shooting. Siyempre, ang finale ay ang pag-toast nila ng Avellino wine bilang selebrasyon ng kanilang engagement. Hanggang sa nagpa-pack up na ay bukambibig pa rin ng direktor ang papuri sa kanila. Kahit naman pagod na at puyat, nakakawala naman ng pagod kapag ganoong papuri ang naririnig niya.

"Magpapahinga lang ako nang kaunti at ie-edit na namin ang eksena. Kung gusto ninyong mapanood, tawagan n'yo lang ako. Saka puwede rin kayong sumama kapag ipe-present na natin sa board ang ad."

"Talaga, Direk?" wika niya.

"But of course."

"Sige! Gusto kong mapanood. Itatanong ko kay Rico kung gusto rin niya."

Luminga siya sa paligid. Natanaw niya ito na tahimik sa isang tabi. Nakatanaw lang ito sa kanya. Pagod ang nasa anyo nito, at mukhang naiinip na rin. Naisip niyang bibiyahe pa sila kaya nagpaalam na siya sa direktor.

"UMUWI muna tayo sa San Juan," wika ni Rico kay Audrey nang nasa sasakyan na sila. "Antok na antok na ako. Hindi ko kakayaning magmaneho pa nang malayo."

"Kaya mo pa bang mag-drive hanggang sa San Juan?" concerned na tugon niya rito. "Kung mag-taxi na lang kaya tayo? Puwede naman sigurong iwan na lang natin sa basement parking nitong building itong kotse. Balikan na lang natin."

"No. Malapit na lang naman iyon, eh."

"Pati ako doon sa inyo matutulog?" aniyang biglang na-conscious. "Uuwi na lang ako sa Sta. Mesa."

"Ano ka ba?" tila iritadong sabi nito sa kanya. "Gusto mo pang mag-explain sa inyo kung bakit dis-oras ay kumakatok ka roon. Sa amin na lang."

Hindi na siya kumibo. Nahimigan niya sa tinig nito na wala nang makakapagpabago sa gusto nito. Naisip niyang pagod na itong talaga. Hindi rin naman pala biro ang gumawa ng commercial. Parang ang dali lang noong script pa lang ang pinag-aaralan nila. Pero ngayon ay alam nilang hindi nga ganoon kadali iyon.

Katulong ang nagbukas ng gate sa kanila. Tulog na ang ina nito. dahil naramdaman niya na tila nahihilo na siya sa antok, nang ihatid siya nito sa guest room ay kama na ang agad niyang tinungo. Ilang sandali lang at nakatulog na siya.

"MUKHANG importante ang nilakad ninyo ni Rico at inabot kayo ng madaling-araw," banayad na wika ni Mrs. Celia Inoncillo kay Audrey nang madatnan niya itong nagkakape sa komedor. Tirik na ang araw kaya lumabas na siya ng kuwarto. Parang gusto tuloy niyang mahiya na ngayon lang siya nagising.

"Magandang umaga po, Tita," magalang na bati niya. "Si Rico po?"

"Nasa garahe. Itse-check daw niya iyong kotse. Mag-almusal ka na rito. Ako naman ay kanina pa tapos. May oras kasi ang iniinom kong gamot at kailangan ay mauna na akong mag-almusal."

Dumulog na rin siya sa hapag. Isang pinggan na lang ang naroroon. Ibig sabihin ay tapos na rin si Rico. Gayunman, bago siya sumubo ay inalok pa rin niya si Mrs. Inoncillo.

"Saan kayo galing, hija?"

Napatingin siya rito. Akala pa naman niya ay hindi na niya kailangang sagutin ang tanong na iyon kanina.

"Sinamahan lang po ako ni Rico. Nakakahiya nga po, eh. Inabot na kami ng madaling-araw," sagot niyang umiiwas na magbigay ng detalye.

Tumango na lang ito. Hinayaan siya nitong tahimik na harapin ang pagkain pero hindi rin umalis ng mesa.

"Kumusta ba ang anak kong iyon, Audrey?" wika nito nang makitang nagkakape na siya.

"Okay lang po."

"Hindi pa raw ba siya mag-aasawa?"

"H-hindi pa po siguro. Wala naman po siyang binabanggit sa akin, eh."

Ngumiti ito. "Sa dami ng babaeng niligawan niya, hanggang ngayon ay wala pa siyang maisip na pakasalan?" tila naaaliw na wika nito. "Hindi ko malaman kung saan nagmana ang batang iyan. Ang papa niya, one-man woman. Siguradung-sigurado ako roon."

"Talaga po?"

"Audrey, pareho kami ng papa niya na dito na sa San Juan ipinanganak. Magkapitbahay kami. Kalaro ko. Kapag dinadaya ako ng ibang kalaro ko, siya ang tagapagtanggol ko. Magbarkada kami. Wala siyang sekreto na hindi ko alam."

"Magbarkada po kayo?" manghang ulit niya. May naisip siyang itanong, pero hindi niya alam kung dapat.

"Mag-best friends kami," may pagmamalaking kumpirma nito. "Kaya nga no'ng niligawan niya ako, sampung beses ko yatang binasted. Siyempre, kilalang-kilala ko siya. Pati kalokohan niya dati sa babae, bistado ko."

"Hindi po kayo nagalit no'ng niligawan kayo ng papa ni Rico? Magkabarkada po kayo, eh." Hindi na siya nakatiis at itinanong na rin dito ang nais itanong.

"Nagalit, pero kunwari lang." Ngumiti lang ito na tila isang sekreto ang ibinahagi sa kanya. "Siyempre, pakipot tayong mga babae."

"Ibig po ninyong sabihin, okay lang sa inyo na niligawan niya kayo?" tanong pa niya na interesadung-interesado.

"Siyempre. May gusto nga ako sa kanya, eh. Pero siyempre, secret ko lang iyon!" Nang tumawa ito ay tila nabawasan nang dalawampung taon ang edad.

"Puwede po palang magligawan ang magka-barkada?" pa-demure na tanong niya.

"Bakit naman hindi? Maganda nga iyon. Comfortable na agad kayo sa isa't isa. Bakit, kayo ba ni Rico, hanggang magkaibigan pa rin ba kayo? Hindi ka ba niya niligawan?"

"Hindi po!" sagot niyang kunwa ay nagulat.

"Eh, ngayon, hindi ka nililigawan?"

"Hindi rin po," umiiling niyang tugon. Sa loob niya ay tila kinikiliti siya. Iba pala ang pakiramdam kapag mismong ina ni Rico ang nagbubukas ng paksang iyon. Vibes sila ni Mrs. Inoncillo. She felt it was like the usual girls' talk.

"Baka naman liligawan ka pa lang niya," kaswal na sabi nito.

Natawa siya. "Para pong verb. May past, present at future tense."

Ikinumpas nito ang kamay. "Huwag mong ibahin ang usapan. Paliligawan kita kay, Rico, gusto mo?"

"Po?" Ngayon ay totoo na ang gulat na bumadha sa mukha at tono niya. Hindi niya alam kung tatango siya o iiling. Sa tono pa naman nito, tila kasindali lang ng pag-order ng hamburger ang gagawin.

"Kung wala namang seryosong relasyon ngayon si Rico, eh, bakit naman kailangan pa niyang humanap ng iba? Magkasundo kayo ng anak ko. Di, mas malamang na maayos ang magiging pagsasama ninyo. Wala yata akong nabalitaang mag-asawa na naghiwalay kung dati na silang barkada. Saka siyempre, I experienced the same way."

Napansin niya si Rico na dumaan sa tagiliran ng bahay. Pagkatapos niyon ay nakarinig siya ng malakas na pagbababa ng tila toolbox.

"Tita, iba na lang po ang pag-usapan natin. Nakakahiya po kay Rico. Baka marinig tayo n'on, kung ano pa ang isipin."

"Walang nakakahiya roon," sabi naman nito.

Hindi na siya kumibo.

After The Kiss COMPLETED (Published by PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon