Chapter 24: The Society of Mirandi

Kung may isa man akong natutunan sa pananatili ko sa Academy yun ay ang lahat ng bagay ay may nakatakdang kapalit. Kapag gusto mo ang isang bagay lagi kang may sinasakripisyong isa pang bagay.

Dahil sa mga nangyari naniniwala ang mga Headmaster na wala ng kakayahan ang Academy para protektahan ang special charm na gaya ko kaya gumawa sila ng decision. Mula sa gabing yun kailangan kong iwan ang Academy at manatili sa Mirandi.

Ito din ang kapalit kaya walang mapaparusahan na sinuman sa nangyari. Ang kailangan ko lang ay sumama dahil ayun sa kanila para din ito sa ikabubuti ko. Hangang hindi pa mapigilan ng Magic Coucil ang Augury sa paglabag nito sa mga batas mas makabubuti na manatili ako sa isang lugar na hindi nila kayang maabot. Sumunod ako ng walang reklamo.

Matapos ang pag uusap namin kasama ang mga Headmaster agad nila akong dinala sa isang sasakyan. Pinasakay nila ako doon na may malinaw na paliwanag na dadalhin kami nito sa train station papunta sa Mirandi. Hindi ko na nagawang makapag paalam pa.

Kasama ko si Georgia Laferty sa kotse at kahit may sinasabi siya hindi ko magawang makinig. Umandar ang sasakyan at unti unting nawala sa paningin ko ang liwanag na nagmumula Academy.

"Dear, kailangan naming sabihin yun para hindi ka nila hanapin pa. Kapag nawala ka sa Academy ng walang paalam iisipin din nila na may mali kang nagawa. Mas mabuti ng malinaw tayo."

Pero hindi nila naisip na may pakiramdam din ako. Na nasaktan ako sa sinabi nilang dahilan sa Great Hall kaya ang naging tingin sa akin ng mga tao ay traydor. Kahit pa siguro muli nilang ipaliwanag ang bagay na yun sa mga naging kasamahan ko hindi na maibabalik ang nasirang tiwala. Lalo na sa mga taong umaasa na isa kaming team.

"Hwag kang mag alala dahil kapag naging maayos na ang lahat maari ka din namang makabalik."

Kailan? Kailan maayos ang lahat ng ito? Sa isang lingo? Sa isang buwan? Sa isang taon? Naisip ko ang mga kasama kong naiwan ko sa Academy. Makakapag hintay kaya sila? Maibabalik ko pa kaya ang dati kapag bumalik na ako?

Dumaan ang sasakyan sa makitid at sementadong daan sa gitna ng mga matataas na puno. Para itong daan noong unang beses na nakapunta ako sa Academy ang kaibahan lang habang tumatagal palayo ako ng palayo sa naging tahanan ko. Pumikit ako at sinandal ang ulo ko sa bintana ng kotse. Suot ko parin ang royal blue na gown mula sa Mystic Ball. Sana maging maayos ang lahat.

"Nandito na tayo, Ariela Davis." hindi ko alam kung ilang minuto akong nakapikit nang tapikin ako ni Georgia. Hindi ako tulog dahil nararamdaman ko ang bawat galaw ng kotse pero halos wala din ako sa sarili dahil hindi ko namalayan na nasa train station na kami.

Binuksan ng isang bantay ang pinto ng kotse ni Georgia. Binuksan ng driver yung sa akin. Paglabas ko nakita ko na nasa likod ng sasakyan namin ang sasakyan ni Headmaster Cray at Grimrose na kasalukuyan na ding pababa ng sasakyan. Madaming bantay sa paligid. Isa kaming convoy.

Halos walang tao sa maliit na train station nang ganung oras. Hindi siya actually isang train station kundi isa lamang platform sa gilid ng riles na may bubong at ilang bench. Meron ding lamp post na nagbibigay ng kakaibang liwanag. Para bang ilang daang alitaptap ang nakakulong sa mga lamp post na yun.

"Ingatan niyo siya." sabi ni Georgia sa mga katabi kong bantay nang paakyat na kami sa platform. Ingatan? Yan din ang narinig ko mula kay Grimrose noong gabi ding yun.

Hindi ko alam kung paanong nangyari na pagtapak namin sa platform isang ingay ng paparating na train ang agad na narinig namin. Mula sa kaliwang dulo ng riles ay may nakita akong usok at ang marahang pagyanig ng sahig ng platform dahil sa paparating na sasakyan.

Charm Academy: School of Magic (Published Under Cloak Pop Fiction)Basahin ang storyang ito ng LIBRE!