Chapter Two

42.2K 966 36
                                    



"PAPA! Mama!"

Naririnig ng batang may isinigaw ang papalayong mga magulang. Subalit hindi niya naririnig ang mga ito. Tinatangay siya ng malalaking alon. Iniaabot ng mga ito ang mga kamay sa kanya. Ang munting braso'y pilit ding inaabot ang malaking kamay subalit nawala na ito sa paningin niya.

Muli siyang sumigaw. "Papa...Mama!" Giniginaw siya. Maraming tubig sa paligid niya. Hindi siya makahinga. Lumulubog siya sa tubig.

Nang bigla'y naroong muli ang mga kamay. Mapagpalang inabot siya. Iniahon at ikinulong sa mga bisig nito.

"Hija..."

Pinuno niya ng hangin ang dibdib. Naghahabol ng paghinga, umaagos sa bibig niya ang tubig na nainom. Pahikbi siyang yumakap sa matipunong dibdib na iyon. Mahigpit na kumapit sa leeg sa takot na muling bumalik sa tubig.

"I'm cold and so scared, Papa..."

"Sshh...hindi ka namin pababayaan, anak. Kami ng mama mo..."

"Lili, anak, gumising ka," si Nanang Marcela na banayad na tinatapik ang dalaga. "Lili..."

"N-Nanang..." naalimpungatang nagmulat siya. Napahawak sa braso ng matandang babae.

"Nananaginip ka, Lili. Sumisigaw at umiiyak ka."

Bumitaw siya sa braso ng matandang babae. Tila hapong-hapong napatitig sa kisame ang dalaga. Tinuyo ng likod ng palad ang basang mga pisngi. Pagkatapos ay binalingan ng tingin ang tiyahin.

"Iyon na naman ang panaginip ko, Nanang. Gusto kong isiping ipinahiwatig ng mga panaginip ko ang maagang pagkawala ng papa at mama sa akin..." muli siyang umiyak.

Bata pa lamang siya'y napapanaginipan na niya ang ganoong eksena. Minsan ay nagigising niya sa kalagitnaan ng gabi ang mga kasambahay tulad ngayon. Minsan nama'y nagtutuloy sa ibang panaginip hanggang sa makalimutan na niya iyon sa umaga paggising niya.

Nagkalambong ang mga mata ng matandang babae. "Ipinapayo ko sa iyong magbakasyon ka muna sa ibang lugar, anak. Hindi madaling tanggapin ang pagkawala ni Elvira at ang uri ng pagkamatay niya. At hindi ka pa man lang nakabawi sa pagkamatay ng mama mo'y sinaktan ka naman ni Calvin. Marahil ay kailangan mong maglibang muna... lumayo sandali."

PINUNO ni Lili ng sariwang hangin ang dibdib. She was so fascinated by the place. Maraming magagandang park sa Maynila at may mga puno rin naman. Subalit lahat ng mga iyon ay ginawa ng kamay ng tao. Ang mga puno'y itinanim na sadya. Hindi tulad ng nakikita niya ngayon. The place was so exotic. Isang maliit na kagubatan. Maliban sa hawla ng mga hayop ay natural na ang lahat. Kahit nga sa loob ng hawla ay may matatandang puno na lumampas pa sa pinakatuktok ng hawla.

Nasa ere ang samyo ng mga bulaklak na hindi niya kayang bigyan ng pangalan ang iba. Humahalo sa samyo ng mga puno at lumot at damo at lupa. Mga punong-kahoy na hindi abot ng tanaw niya ang pinakadulo dahil sa tayog at sintanda na yata ng panahon. At mga baging na ang buong akala niya'y nag-e-exist lang sa sine. May lagoon na ang gitna'y puno ng lumot at tubig. Hindi man-made ang lagoon. Tulad ng matatandang puno ay naroon na iyon. Nakatunghay sa lagoon ang isang puno ng santol na halos wala nang dahon subalit hitik naman sa bunga. Bungang nalalaglag lang at walang nagkakainteres.

Sa paligid ay maririnig mo ang awitan (o iyakan) ng mga ibon. Sa bawat hawla ay nababasa niya ang mga scientific name ng mga hayop na duda siya kung matatandaan niya ang kahit na isa.

"Iyan mismo, Ma'am, ang lalaking agila," turo ng guide ni Lili sa agilang nakadapo sa isang punong kahoy na nakakulong sa isang malaking hawla. Ang hawla ay naka-elevate mula sa kinaroroonan nila. Marahil ay mahigit sa apat na dipa ang layo mula sa viewing distance. No one was allowed to come closer.

Minsan Dito Sa Puso Ko (Published by PHR) (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon