Unang Kabanata

652K 14.3K 6.1K
                                    

[Kabanata 1]

Manila, 1890

"IKAW ba'y nakatitiyak? Ang babaeng iyan ang anak ni Don Mateo Cervantes?" gulat na tanong ni Loisa sa iba pang mga kababaihan na kasama niya sa dormitoryo ni Maestra Villareal. Si Loisa Espinoza ay mestizang anak ng gobernadorcillo ng Laguna. Halos lahat ng kababaihan lalo na ang mga kalalakihan ay kilalang-kilala siya dahil sa pambihirang kagandahang kaniyang tinataglay.

Maganda ang kaniyang pangangatawan, maputi ang kaniyang balat, mapupungay ang kaniyang mga mata, matangos ang ilong at ang naiibigan ng lahat sa kaniya ay ang kaniyang magagandang ngiti lalo na't madalas siyang nakangiti.

Marami ang humahanga sa kaniya hindi lang dahil sa kaniyang ganda ngunit dahil na rin sa kaniyang angking talino at talento. Marami na siyang naisulat na mga tula at awit. Magaling din siya sa pagpipinta, pagbuburda at pagtugtog ng piyano. Tinatingala siya ng karamihan, animo'y siya ang isang buhay na halimbawa ng isang perpektong binibini. Idagdag pa ang katotohanang ang kaniyang ama ay mayaman, makapangyarihan at maimpluwensiya.

"Oo. Totoo ang aking sinasabi. Siya nga ang anak ng yumaong si Don Mateo Cervantes" sagot naman ng isa pang dalaga na nagngangalang Selia. Si Selia naman ay anak din ng isang Don mula sa Bulakan. Kasama ang halos labing-limang mga kababaihan sa dormitoryo ni Maestra Villareal. Sila ngayon ay nagkakatipon sa likod ng pintuan ng kusina upang silipin ang kasambahay ng kanilang dormitoryo na si Celestina.

Ang dormitoryo ni Maestra Villareal ay kilala bilang tahanan at paaralan ng mga kababaihang anak ng mayayaman. Halos lahat sila ay mga anak ng Don at Doña mula sa iba't-ibang lalawigan. Karamihan sa kanila ay mga anak ng mga gobernadorcillo, mga negosyante, mga heneral, opisyal, insulares man o peninsulares.

Karamihan din sa kanila ay halos sa dormitoryo at paaralan ni Maestra Villareal na lumaki. Kilala bilang Escuela de las Niñas na matatagpuan sa loob ng Intramuros. Tanging mga kababaihan lamang na may kakayahang makapag-aral at anak ng mga principales ang nakakapasok sa nasabing paaralan at dormitoryo.

"Ibig sabihin tunay nga ang usap-usapan na isa ng alipin ang anak ng yumaong Don?" tanong muli ni Loisa, sabay-sabay namang tumango ang iba pang mga kababaihan. Kakarating lamang ni Loisa sa dormitoryo ni Maestra Villareal kaninang umaga mula sa España. Isang taon siya nagbakasyon doon kasama ang kaniyang mga tiya. 

"Hindi ba isang taon na ang lumipas mula nang mamatay si Don Mateo Cervantes?" tanong muli ni Loisa, halos pabulong lang ang kanilang usapan sa takot na marinig sila ni Maestra Villareal na ngayon ay nag-siyesiyesta sa silid nito. 

"Oo. Mahigit isang taon na nga nang mamayapa si Don Mateo. Dito na nanilbihan bilang alipin ang unica hija niyang si Celestina" sagot ni Selia. Si Selia at ang iba pang mga dalaga sa dormitoryo ay ilang taon na sa piling ni Maestra Villareal. Tuwing bakasyon, pasko, bagong taon at piyesta lamang sila pinapayagang umuwi sa kanilang mga tahanan.

"Ngayon mo lang ba nasilayan ang anak ni Don Mateo Cervantes?" tanong ni Selia kay Loisa. Napatango naman si Loisa at napatitig muli kay Celestina na ngayon ay nagpupunas ng sahig sa kusina. Sa pagkakataong iyon, hindi makapaniwala si Loisa na sa loob ng ilang taon mula sa kaniyang pagkabata, ito ang kauna-unahang beses na nakita niya si Celestina na anak ng yumaong si Don Mateo.

Bago mamatay si Don Mateo Cervantes, ang nag-iisang anak nito na si Celestina ay kailanman hindi nakita ng mga mamamayan sa buong lalawigan ng Laguna. Si Don Mateo Cervantes ang dating gobernadorcillo bago ito palitan ng kaniyang ama. Tanyag, makapangyarihan at iginagalang ng lahat si Don Mateo dahil sa ilang dekada na nitong pamumuno sa bayan. Ngunit kaakibat din nito ay marami rin siyang kaaway lalo na pagdating sa pulitika.

Thy Love (Published by ABS-CBN Books)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon