Huling Kabanata

502 84 46
                                    

Huling Kabanata

Nang idilat ko ang mga mata ko'y bumungad sa akin ang isang makalumang kisame. Inilibot ko ang aking paningin at nakita ang dating ayos ng mga kagamitan ko. Bumangon ako at doon ko nakumpirmang bumalik na kami sa dati naming bahay. Ibig bang sabihin . . . bumalik na rin sa dati ang buhay namin?

Agad akong lumabas ng kuwarto at hinanap ang mga magulang ko. Nandoon sila sa kusina at nagluluto ng agahan.

"O, gising ka na pala, anak," bati sa akin ni Nanay.

Hindi ako sumagot. Lumapit ako sa kanya saka ko siya niyakap mula sa likuran. Naramdaman ko naman ang pagtulo ng mga luha ko.

"Sorry, 'Nay. Sorry po sa mga nagawa ko. Patawarin n'yo po ako," umiiyak na saad ko.

Humarap sa akin si Nanay saka ako niyakap. "Pasensiya ka na rin, anak. Hayaan mo, gagawa kami ng paraan ng tatay mo para makapag-college ka."

"Kung gusto ay may paraan, kung ayaw ay may dahilan." Napatingin ako sa tatay ko at nakita ko siyang nakangiti sa amin ni Nanay. "Hayaan mo't mag-o-overtime ako araw-araw para madagdagan ang suweldo ko."

Pinuntahan ko si Tatay saka siya niyakap. "Salamat po, Tatay. At sorry din po. Sorry po sa lahat-lahat."

"Bakit, anak? May iba ka pa bang nagawa maliban sa pagsagot mo sa amin at pag-alis mo ng bahay kagabi?" nagtatakang tanong ni Tatay.

Umalis ako sa pagkakayakap sa kanya saka umiling-iling. Pinunasan ko ang mga luha ko saka ngumiti. "Wala po. Pakiramdam ko kasi ay hindi pa sapat ang paghingi ko ng tawad sa inyo. Mali ang ginawa ko kaya patawarin n'yo po sana ako."

Nginitian ako ng mga magulang ko saka ako niyakap. Bumalik na nga kami sa dati, bumalik na sa dati ang buhay ng pamilya ko.

Tinulungan ko sa pagluluto ng agahan si Nanay saka kami sabay-sabay na nag-almusal.

Masaya akong bumalik na sa dati ang buhay namin. Masaya ako na parang isang panaginip lang ang lahat ng nangyari. Masaya ako na hindi tuluyang naghiwalay ang mga magulang ko. Kung ang itim na talulot ang pinili ko, siguradong hindi ko na uli mararanasan ang maging masaya habang nag-aagahan.

Pagkatapos kumain ay gumayak na ako saka naglakad papunta sa eskuwelahan namin.

Habang naglalakad ay iniisip ko kung paano ko kakausapin at haharapin si Jairo. Alam niya ang lahat ng nangyari sa akin. Alam niya ang lahat ng katangahang ginawa ko. At hiyang-hiya ako sa kanya lalo na't malinaw pa sa isipan ko ang ginawa kong paghalik sa labi niya bago 'ko humiling sa puting talulot.

"Sydney . . ."

Nabigla ako nang marinig ko ang boses na 'yon. Napatingin ako sa taong tumawag sa akin at nakita ko ang isang lalaki na nakatayo sa labas ng pintuan ng classroom namin.

"J-Jairo . . ."

Nilapitan niya ako at doon ko napansing seryoso ang kanyang mukha. Shet! Galit ba siya sa akin?

"Jai—" magpapaliwanag pa lang ako nang hatakin niya ako at ikulong sa mga bisig niya. Kainis! Yakap-yakap ako ni Jairo!!! Oh, heart, kumalma ka!

Humigpit ang yakap ni Jairo pero bumitiw rin siya agad. Hinawakan niya ako sa balikat at tiningnan nang diretso sa mata. Napatitig din tuloy ako sa kanya.

"Sydney, hindi mo kailangang maging mayaman para bumagay ka sa akin. Hindi mo kailangang maging sosyal para magustuhan kita. Hindi mo kailangang magbago para matanggap ka ng ibang tao. At higit sa lahat, hindi mo kailangang gumamit ng mahika para lang makuha ang pagmamahal ko."

Rosa MagicaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon