Tsokolate At Siya

679 26 1
                                    

NARAMDAMAN ko ang magaang hawak ni Sir Rolf sa ibabaw ng ulo ko, ginulo nang bahagya ang buhok ko-iyon ang pumukaw sa akin. Mula sa pagkatulala ay napaatras ako ng isang hakbang palayo...at napangiti. Pagtatawanan ko na lang ang sarili ko maya-maya sa pinagagagawa kong nakakahiya.

"Sir Rolf," ang nasambit ko. Wala nang naidugtong. Napagtanto kong wala akong handang sasabihin. Ni hindi ko nga alam kung bakit bigla na lang akong sumugod doon.

Mas hinila ni Sir Rolf ang pinto pabukas. "Pasok ka," maikling sabi niya at tumalikod na. Nagdalawang isip ako. Wala naman kasi akong sasabihin. Gusto kong umalis na pero gusto ko rin namang pumasok. Ang gulo ko lang. Napakamot ako sa sentido-na kitang-kita ni Sir Rolf nang bumalik para tingnan kung bakit hindi ako sumunod. "Hindi ka papasok?" aniya sa kaswal na tono, hinawakan ang door knob at itinulak na pasara ang pinto nang hindi ako kumibo. Pinigilan ng kamay ko ang paglapat ng pinto.

"P-Papasok," at sa mabagal na kilos ay pumasok nga ako. Nang naroon na ay wala naman akong nasabi, napatitig na naman ako sa kanya. Nakakainis na hindi ko mapigilang gawin iyon. Mas dapat yata na nagkulong na lang ako sa 'king kuwarto, hindi sana ako nagmumukhang ewan sa harap ng anak ni Sir Amante.

Bigla akong pumihit para lumabas na lang. Baka mas marami pa akong magawang nakakahiya.

"Aalis ka na?" tanong ni Sir Rolf na nagpahinto sa akin. Lumingon ako, bumuka ang bibig para magsalita pero nang magtama ang mga mata namin, nawala na naman ang mga tamang salita. Umangat ang mga kilay ni Sir Rolf, nagtatanong ang tingin.

Ang nagawa ko lang ay lumunok.

"What is it?" si Sir Rolf uli. Nasa anyo ko yata na may sasabihin pero walang maapuhap na salita.

Nagkaroon na ng tunog ang tawa ko. Tawa mas para sa sarili. Nakakahiya ako. Para akong tanga sa harap ni Sir Rolf. Hindi naman ako ganoon sa iba kaya hindi ko maintindihan. "Nai-starstruck 'ata ako sainyo, eh," ang nasabi ko na lang. "Nawala na lang 'yong dapat sasabihin ko," kasunod ang pagkamot sa noo. "Babalik na lang ako 'pag naalala ko na." at itinuloy ko na ang paglabas. Maingat kong inilapat ang pinto. Pagkatapos ng dalawang hakbang ay napahinto ako-tama! 'Yong journal! Magpapasalamat ako. Tinampal ko ang sariling noo at bumalik. Binusaksan ang pinto at itinulak. Lumingon si Sir Rolf nang nakangiti-na nabura nang makitang ako ang nakasilip. Pumasok ako. Huminga nang malalim at hinanap ang mga mata niya.

"Salamat," kasunod ang ngiti. "Sa journal notebook. 'Yon lang naman talaga..."

Hindi sumagot si Sir Rolf, nakatingin lang sa mga mata ko. Ilang segundo iyon. Mayamaya ay, "'Yon lang?" ang tingin niya ay parang alam na alam na may iba pa akong dahilan nang pagpunta sa silid.

"'Yon lang, Sir..."

"Wala nang iba?"

"Naisip ko lang kung...kung ano'ng ginagawa n'yo? Gusto ko lang makita. Sabi mo naman hindi ka pa nagpapahinga, eh."

Tumiim ang titig niya sa mga mata ko, hindi ko alam kung bakit. Mayamaya ay ngumiti. "May mga papers lang akong binabasa."

"Ah..." sambit ko, hinila na ang pinto. "Sige, Sir Rolf. Salamat uli sa journal-"

"Daday?" boses ni Sir Amante na nagpalingon sa akin. Nakatayo siya sa tapat ng pinto ng sariling silid.

"Sir Amante!" ngiti ko, hinila ko na pasara ang pinto. Mabilis na lumapit ako sa kanya. "Bababa kayo?" inalalayan ko na siya sa braso.

"Kausap mo si Rolf?"

"Nagpasalamat lang ako, Sir Amante."

"Nagpasalamat saan?"

"May binigay siyang bagong journal! Ang ganda nga, eh..."

"Journal?"

Tumango ako. "Journal notebook. Mabait din pala si Sir Rolf? Pareho kayo. Akala ko dati, hindi eh. Para kasing galit siya sa akin. 'Tapos parang binibili pa ang ngiti."

Magaang tumawa si Sir Amante. "Mabait ang anak ko, Daday." Sabi ni Sir Amante. "At mabuting tao."

"Naniniwala na ako ngayon."

Tuloy pa rin ang kuwentuhan namin habang bumababa sa mabagal na mga hakbang. Inihatid ko pa rin si Sir Amante sa silid niya. Hindi na niya ako pinayagang lumabas. Nagkuwentuhan na kami hanggang dumating ang oras ng hapunan. Pinili kong hindi sumalo sa hapunan para magkaroon naman ng oras ang mag-ama sa isa't-isa. Sumalo ako sa hapunan nina Ate Mimay at Manang Lelita na nagkukulitan na naman sa pagitan ng pagsubo. Nasa kusina ang dalawa.

Pagkatapos ng hapunan, umakyat muna ako sa silid ni Sir Amante para itanong kung gusto pa niyang magkuwentuhan kami. Naabutan kong naroon si Sir Rolf kaya nag-goodnight na lang ako sa kanilang dalawa.

Lampas alas once ng gabi, napapitlag ako sa tunog ng cell phone.

Text message mula kay sir Rolf.

Gising ka pa?

Yes po.

Bring me a glass of water.

Hindi na ako sumagot. Lumabas ako ng silid para gawin ang utos. Nagtatrabaho pa rin siguro si Sir Rolf. Hatinggabi na. Hindi man lang ba siya nagpapahinga?

Walang tunog ang mga hakbang ko habang paakyat sa ikalawang palapag dala ang baso ng malamig na tubig. Tahimik na tahimik na ang kabahayan, patunay na tulog na ang lahat liban sa amin ni Sir Rolf.

Hindi naka-lock ang pinto ng silid ni Sir Rolf pagdating ko kaya kumatok lang ako nang mahina bago ko itinulak ang pinto-naroon si Sir Rolf sa desk niya, tutok ang atensiyon sa laptop. Tahimik na pumasok ako para iabot sa kanya ang tubig.

"Thank you," sabi niya at may kung anong kinuha sa drawer. Napakurap ako nang iabot niya sa akin ang box ng tsokolate. "Kasama talaga 'yan ng journal at pen."

Hindi ko napigilan ang masayang ngiti.

"Para sa akin?" hindi ako makapaniwala. Binibigyan ako ng tsokolate?

"May iba-ibang request na pasalubong sina Mimay at Manang Lelits. Kung ayaw mo-"

Bigla kong inabot ang tsokolate bago pa niya bawiin. "Gusto ko, Sir Rolf. Thank you!" ngiting-ngiting tumuloy na ako sa pintuan, hindi mabura bura ang ngiti. Bago lumabas ay nilingon ko si Sir Rolf. Abala na uli siya sa laptop.

"Sir Rolf?" hindi ko napigilan. Nag-angat siya ng mukha.

"Mag-aalas dose na," sabi ko "'Pahinga ka rin."

Ilang segundong nagtama lang ang mga mata namin. Wala siyang reaksiyon, para bang prinoseso muna sa isip ang sinabi ko. Mayamaya ay tumango. "I will," aniyang ngumiti. "Later."

Bakit kaya parang gumanda ang gabi nang ngumiti siya?

Nasa labas na ako ng silid ay hindi ko pa rin maawat ang ngiti ko-na nabura nang mapansin kong hindi nakalapat ang pinto sa silid ni Sir Amante. Naisip kong puntahan muna siya bago ako bumalik sa aking silid. Maingat kong itinulak ang pinto. Nasa kama si Sir Amante, mahimbing ang tulog at walang kumot. Naramdaman ko ang malakas na aircon sa silid. Lumapit ako at maingat na maingat na inayos sa katawan niya ang kumot. Hindi ko napigilang titigan ang mukha ng pinakamabait na taong nakilala ko. Ang taong nagbigay uli ng pagkakataon sa akin na mangarap nang mas mataas.

Natagpuan ko ang sariling nakangiti habang nakatitig kay Sir Amante. Pagpihit ko para lumabas ng silid ay natagpuan ng mga mata ko si Sir Rolf na nakatayo sa may pintuan, nakamasid sa akin. Itinuloy ko ang paglabas. Binigyan niya ako ng daan bago sumunod at inilapat pasara ang pinto.

"Ginagawa mo ba ito lagi?" mababang tanong ni Sir Rolf nang nasa labas na kami pareho. "Ang titigan si Dad na natutulog?"

"Hindi naman ganoon," pagtatama ko. "Kinumutan ko lang siya, Sir Rolf. Ang payapa ng mukha niya kaya natuwa akong titigan."

"At ginagawa mo lagi?"

"Sa mga gabi lang na naiiwan niyang bukas ang pinto, Sir. Madalas kasi, ang lamig ng aircon at hindi maayos ang kumot niya."

Tumango si Sir Rolf, humakbang na pabalik sa silid habang ako naman ay itinuloy na ang pagbaba para bumalik sa silid ko.

Ang tagal bago ako nakatulog. Mahabang sandali na nakatitig lang ako sa box ng tsokolate na katabi ko sa kama.

Si Santa at Ako (Published. 2015) PREVIEW ONLYTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon