KABANATA 20: ANG PARA KAY HASMIN

4.9K 188 0
                                    

KABANATA 20: ANG PARA KAY HASMIN

GABI NG DUGON. Ang mga tibaro, gaya ng mga aswang, manananggal, mga tiyanak at iba pa ay nagsipasukan sa kani-kanilang mga bahay. Ano mang sandali, kapag nabuo ang tuldok na kulay pula sa bilog na buwan ay magiging halimaw ang mga tibaro. Ang mga aswang at manananggal ay makakaramdam ng matinding gutom at kakainin nila ang isa’t isa. Kakainin nila ang lahat ng makikitang laman.

            Mula sa tahanan ni Moymoy na nasa itaas ng burol ay nakita niyang nagtatakbuhan ang lahat ng mga tibaro papasok sa kanilang mga bahay-bahay. Kasunod niyon ay narinig niya ang kanilang pag-iyak at malakas na panaghoy. Bigla ay naalala ni Moymoy si Hasmin.

            Ipinikit ni Moymoy ang kanyang mga mata at ipinasok niya sa kanyang isipan na siya ay magkakapakpak. At bigla’y nagkaroon nga siya ng pakpak. Pinaliit niya ang kanyang katawan hanggang sa siya ay naging isang ibon. Lumipad siya nang lumipad patungo sa ibaba ng burol—patungo sa mga dumadaing na tibaro.

            Nasaksihan ni Moymoy ang kaguluhan ng mga tibaro habang ang buwan ay tuluyan nang naging kulay-dugo.

            Sa paglipad ni Moymoy ay dumapo siya  sa isang puno na malapit sa bahay ni Hasmin. Pero nakita niyang bukas ito at nang lumipad siya upang magtungo roon ay nakita niyang wala roon si Hasmin! Ipinagpatuloy ni Moymoy ang kanyang paglipad; lumabas siya ng bahay, luminga-linga, hinanap si Hamsin. Lumipad siya nang lumipad sa kalawakan hanggang sa makita niya ang kabuuan ng Malasimbo. At gamit ang kanyang mga matang napakatalas ay muling hinanap si Hasmin. Pinilit pa niyang talasan ang kanyang paningin hanggang sa lumaki ang kanyang mga mata—kasabay niyon ay ang paglaki ng kanyang katawan hanggang sa siya ay naging isang lawin.

            Nilinga-linga ni Moymoy ang kanyang paningin.

            Hasmin… hiyaw ng kanyang isipan.

            Patuloy na lumilinga-linga si Moymoy sa kanyang paligid hanggang sa matuon ang kanyang pansin sa kagubatan. Nakita ng matalas niyang mata ang paggalaw ng mga halaman doon. Dagli niyang iginalaw ang kanyang mga pakpak at lumipad patungo sa gubat. Nakita niya si Hasmin!

            Lumipad pabulusok si Moymoy. Sinulyapan saglit ang buwan at nakita niyang malapit nang mabuo ang kulay-dugo niyon. Nakita niya si Hasmin na tumatakbo na may dalang mga tuyong sanga ng punongkahoy. Bigla nitong binitawan ang mga iyon sa nais na makarating ito sa tahanan bago abutan ng gabi ng dugon.

            Gustong tulungan ni Moymoy si Hasmin! Gusto niya itong damputin sa pamamagitan ng kanyang mga kuko, bitbitin at ipasok sa kanyang bahay!

            Humihingal na si Moymoy sa kanyang paglipad. Sa ano mang oras ay magiging halimaw ang batang kanyang hinahangaan na si Hasmin. Hindi lamang ito magiging halimaw kundi makakaramdam ito ng matinding gutom at kakainin nito ang kanyang kapwa tibaro! At  ang masaklap pa, kapag nagkataon ay baka si Hasmin pa ang makain ng ibang tibaro!

            At sa paglipad ni Moymoy, hindi niya namalayan na ang kanyang mga pakpak ay lumaki nang lumaki kaya ang kanyang paglipad ay tumulin din nang tumulin.

            Hasmin! Patuloy na humihiyaw si Moymoy sa kanyang kaloob-looban habang patuloy na nakatuon at sinusundan sa kanyang paglipad ang tumatakbong si Hasmin.

            Sinikap ni Moymoy na bumaba sa paglipad upang saklolohan si Hasmin. At nang maabot niya ito ay bigla niyang dinampot sa mga balikat, binuhat ito ng kanyang mga kuko, at inilipad sa kalawakan.

Hindi nakapagsalita si Hasmin; namalayan na lamang niyang umangat ang kanyang katawan, nasa himpapawid  at bitbit siya ng isang dambuhalang lawin. Nakita niya mula sa itaas ang kaguluhang nangyayari sa mga tibaro—ang kanilang panakbuhan upang ikulong ang mga sarili sa kani-kanilang mga tahanan at malampasan ang gabing iyon, ang gabi ng dugon—gabi ng pagdating ng matinding pagkagutom na dala ng sumpa, upang kainin ang kanilang kapwa nang walang pinipili at pakundangan—kaibigan, kapatid, o sariling magulang.

Moymoy Lulumboy Ang Batang Aswang (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon