Bansang Itatama - Righted Nation

Magsimula sa umpisa

Bahagyang sumimangot ang mukha ni Pacifico habang hinihila si Esla. "Ano ka rin? Kahit hindi niya marinig, nababasa naman niya ang isip naming ni Tomas. Gin*g*go mo ba ako??"

Tinaas ni Jose ang mga kamay na tila sumusuko sa nanghuhuling pulis bago sabihing, "Sorry na. Concerned lang kasi."

Tinawanan siya ni Esla. Tinignan naman siya ni Pacifico, itinuro, at sinabing, "Jose, ang batang ito ang mag-aalis ng kahinaan mo."

Tumahimik sina Jose at Tomas. Nagpatuloy si Pacifico, "Naalala ko ang sinabi ni Jim. Huwag husgahan ang kakayahan ng tao kapag siya'y mahina... Hanggang sa huli, ikaw ang inalala niya na para bang tatay mo siya. 'Di ko agad na-gets, pero na-realize kong tama si Jim. Pinatawad na kita sa nangyari noong isang buwan. Alam kong marami kang servicio publico. Kaya, hayaan mong tulungan ka namin. Marami ang kalaban, Tinyente. Alam mo 'yan."

"Jim Seng...," bulong ni Jose sa sarili.

Pumasok naman si Tomas, "Aba'y, brand po ba ng kape 'yung pinag-uusapan natin? 5-in-1?"

***

   Unang nagtagpo si Tinyente Tagalog at ang Emperor of Iron Fists noong Agosto ng 2011. Buwan ng Wika iyon nang gumawa ng gulo si Jim sa SM City Fairview sa pamamagitan nang paghati ng isang escalator sa isang sipa lamang. Isa ang mall na ito sa pinakamalaki sa buong bansa.

"Nakadrugs ka ba? Mahal ang mall na 'to, mamang naka-tuxedo!" sabi ni Tinyente Tagalog sa matandang hindi naman kalakihan ang katawan. Inakala niyang katulad ito ng katawan ng Mister Universe noong 1970s.

"Matino ako, Tinyente Tagalog! Narito ako para pakinggan ng Pilipinas, lalo ka na, ang daing ko para sa aking angkan at wika!" galit na tugon ni Jim.

"Wait a minute, 'di ba natin 'to pwede pag-usapan, pare?" tanong ni Tinyente habang nagpapakawala ng mga hibla ng kanyang barong para puluputan siya. Subalit, hindi niya ito nahuli at bigla na lamang nawala.

"Hah! Nasa likod mo 'ko, Superherong Pinoy," sabi ni Jim at siyang tunay ay nasa likuran na siya ng Tinyente. Sobrang bilis niya upang madaling maiwasan ang mga hiblang kasingbilis ng isang karaniwang bahing.

"Mano y mano ang gusto mo? Pagbigyan!" ang nasambit ng Tinyente nang tapatan nito ang bilis ng Emperor. Kailangan pang bagalan ng dalawampung ulit ang kuha ng camera upang makita kahit papaano ang paglalaban ng dalawa.

"Master ko ang lahat ng klase ng martial arts!"

"Ako rin naman... kaninang umaga."

Pinaniniwalaang mga 120 ang uri ng martial arts sa buong mundo. Maaaring higit pa rito ang napag-aralan ng Emperor of Iron Fists upang makamit ang bilis na kanyang pinapakita dahil sa kahit anong martial arts, ang bilis ay napakahalagang katangian.

"Superhero ka ba talaga? Matatalo lang kita!"

"Nako, subukan mo lang!"

Sa totoo lamang, nagsisimula nang matunaw ng mga hibla ng barong ni Tinyente na malapit sa kanyang mga kamao. Ang Emperor of Iron Fists ay hindi nakasuot ng kahit anong uri ng guantes. Subalit, bigla silang tumigil sa daan sa labas ng mall. Nagsuot si Jim ng guantes na Kevlar, kahit na iron fists ang pagkakakilala sa kanya. Madali muling naglaban ang dalawa, kung saan nanalo ang Tinyente ngunit nagdulot naman ng kanyang pagkawala ng ilang araw mula sa kanyang panahon.

***

   Halos isang buwan bago muling nagkita ang dalawa. Habang naglilinis ng mga daanan ng tubig sa Taguig, may natanaw si Tinyente Tagalog na patungo sa kanya. Pasulong itong tumatalon nang lagpas limang metro ang taas. Nakumpirma ng NRS na siya ang Emperor of Iron Fists. Naghanda nang umalis ang superhero ngunit tumigil ito nang marinig ang sigaw ni Jim, "Tinyente Tagalog! Sandali! 'Di ako naririto para makipaglaban sa'yo..."

Tinyente Tagalog - Superherong Pinoy (Lieutenant Tagalog - Filipino Superhero)Basahin ang storyang ito ng LIBRE!