CHAPTER X

8.8K 261 16
                                                  

GULAT na gulat ang ina at mga kapatid ni Esang nang makita siya sa pintuan ng kanilang bahay. Pagod na pagod at gutom ang dalaga dahil sa mahabang byahe kaya agad siyang dumulog sa hapag para mag-almusal. Matapos yakapin ang ina, pati sina Yumi at Yvan ay pasalampak na siyang pumuwesto at nilantakan ang sinangag at tuyo. Nang mabulunan ay humigop siya ng kape. Kagyat ding itinuloy ang pagkain na parang hayok na hayok. Sumikdo pa ng dalaga ngunit pinigilan iyon.

"Yumi, paki-check nga itong ate mo kung na-engkanto o kung iyan ba talaga ang kapatid mo. Mahirap na at baka magoyo tayo."

Tumalima naman si Yumi at kunwang sinalat ang leeg at noo niya.

"Ma!" ungol niya saka ipinagpatuloy ang pagkain.

"Hoy Esang, ano ba ang nangyari sa'yo at bigla-bigla kang sumusulpot. Ang text mo sa akin kahapon ay sa makalawa pa ang balik mo?" nakapamewang na paninita ng ina.

Tumigil sa pagsubo ang dalaga. "Wala ho. Na-miss ko lang kayo kaya umuwi ako kaagad."

Hindi kumbinsido ang ina sa walang kalatoy-latoy na alibi niya. Hinintay siya nitong makatapos ng pagkain. "Yvan, akin na muna ang saklay at ihahampas ko rito sa ate kapag hindi umamin. Madali."

Napabuntong-hininga si Esang. Naghinaw siya ng kamay saka patamad na umupo sa mahabang upuang kahoy. Nang tumabi sa kanya ang ina ay hindi na niya napigilan ang mapahagulhol. Inihinga na niyang lahat ng saloobin rito.

Ikinuwento niyang lahat-lahat dito. May ilan din namang nai-kwento ang ina niya tungkol kay David. Ang huli pala ang nag-abot ng tulong sa ina niya para maipundar muli ang tindahang nawala sa kanila. Si Klyv ang inutusan nitong magbigay ng pera sa ospital noon.

Ngunit hindi niyon nabawasan ang sama ng loob na nararamdaman niya sa lalaki. At naiinis na rin siya sa kanyang sarili dahil hindi niya magawang magalit dito nang tuluyan.

"Hindi naman sa nanghihimasok ako anak, ha? Hiningi mo ba ang paliwanag ni David?"

"Ano pa ho ang kailangan niyang ipaliwanag? Lahat ng nakita at narinig ko ay nagkukumpirmang si Bernadette pa rin ang mahal niya." Aniya sa pagitan ng sikdo.

Masuyong hinaplos ng ina ang kanyang likod. "Noong sinabi ko sa'yong hindi makakalabas ng buhay sa Tondo ang lalaking iyon sakaling saktan ka niya, totoo iyon. Ngunit nagdadalawang-isip ako, Esang. Wala ako sa lugar mo pero hindi ba dapat sa bibig mismo ni David manggaling ang lahat? Baka masyado ka lang nagpadala sa panibugho kaya kung ano-ano na ang pumasok sa isip mo. Iba ang magulong utak sa naguguluhang puso, Esang."

"Ma..."

"Mahalaga ang tiwala sa isang relasyon, anak. Kasama sa pagmamahal ang tiwala, sakit, pagdudududa at lungkot. Minsan package deal iyon pero kung mas matimbang pa rin ang pagmamahal na nararamdaman mo, hindi magsasara ang puso mo. Manantili iyong bukas para sa paliwanag niya. Tama man o mali ang pinaniniwalaan mo."

Napaangat ng mukha si Esang sa sinabi ng ina. Dama niya ang sinseridad niyon. Marahil ay tama ito. Nagpadala siya sa bugso ng damdamin. Somobra siya sa pagmamahal ngunit kinapos sa pagtitiwala. "Ano ho'ng gagawin ko, ma?"

"Alam kong alam mo ang gagawin mo, Esang. Pakinggan mo lang ang ibinubulong ng puso mo."

Iyon lang at muli silang nagyakap na mag-ina. Parang batang iniyuyok ni Ysabela ang mukha sa balikat ng ina. Naliligayahan siyang sa kabila ng reserbasyong lagi nitong ipinapakita sa kanila, nariyan ito upang ipadama sa kanyang lagi itong karamay niya sa anumang hirap na pinagdadaanan niya.


KAGABI pa nang malaman niya mula kina Manang Auring at Mang Noli ang tungkol sa mabilisang paggayak ni Ysabela pauwi. Hindi na dinalaw ng antok si David dahil sa labis na pag-aalala. Agad niyang kinausap ang ina ukol sa estado nilang dalawa ni Ysabela. Mula sa planong pagkukunwari nila hanggang sa tuluyang pagkahulog ng loob nila sa isa't isa.

David of New York Meets Esang ng TondoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon