Stalker

1K 12 0

"Hay, salamat! Uwian na rin!" bulalas ni Aimee. Itinaas niya ang dalawang kamay at nag-inat ng likod. Pagkatapos ay dinampot niya ang kanyang bag at mabilis na tumayo mula sa kanyang cubicle. Dire-diretso siya sa elevator at nakipagsiksikan sa mga kasamahan niyang nagmamadali ring umuwi.

Pag dating sa baba ay nakita niya si Bessie.

"Oy, Bessie! Tuloy tayo bukas, ha," bati ni Aimee.

"No problem. Kailangan ko bang magdala ng kahit ano?"

"Naku, hindi na. Basta't ang mahalaga, matapos natin yung proposal. Kundi, lagot na naman tayo kay Bossing."

"Oo nga, " sagot ni Bessie sabay tawa.

"Sige, bukas na lang. Bye."

"Ingat!"

Pumara ng taxi si Bessie. Pagkasakay niya ay mabilis na humarurot palayo ang taxi. Napabuntong hininga si Aimee. Malapit lamang kasi ang kanyang bahay kaya't naglalakad lamang siya papasok at pauwi. Hinawakan niya ng mahigpit ang kanyang shoulder bag at nagsimulang maglakad.

Ngunit agad din siyang napatigil ng makita ang isang taong grasa na nakatayo sa gilid ng kalsada sa kanyang harapan. Nakatingin ito sa kanya.

Ito na naman? sabi ni Aimee sa kanyang sarili. Halos isang linggo na kasi magmula ng makita niya ang taong grasang iyon. Tuwing uuwi siya ay palaging naroroon ang taong grasa, nakatayo at nakatingin sa kanya.

Ano bang problema nito? Dapat paalisin 'to rito. Ang baho-baho!

Binilisan ni Aimee ang kanyang lakad. Nang malagpasan ang taong grasa, ramdam niya na nakapako pa rin sa kanya ang mga mata nito. Araw-araw ay ganito. Hindi niya alam kung ginagawa ba ng taong grasa ang ganito sa lahat ng tao, o baka sa kanya lamang.

Bakit naman kaya siya nakatingin sa akin?

Naging kampante lamang si Aimee ng makapasok na siya sa kanyang bahay at ng ipinid at i-lock niya ang kanyang pinto.

Kinabukasan, oras ng uwian, mabilis na tumayo si Aimee mula sa kanyang cubicle dala-dala ang ilang pirasong folder.

"Ano? Let's go?"

Bahagyang nagulat si Aimee ng makita si Bessie na nakatayo sa kanyang harapan. Tulad niya, may bitbit din itong mga folder.

"Okay. Halika na at ng makapagsimula na," sagot ni Aimee. Dumiretso ang dalawa sa elevator.

"Di ba malapit lamang ang bahay mo rito?" tanong ni Bessie.

"Oo. Diyan lang ako nakatira. Kaya nga naglalakad lang ako palagi."

"Buti ka pa. At least, tipid sa pamasahe."

"Korek ka diyan!"

Pagdating sa baba ay dumiretso kagad sa labas ang dalawa at nagsimulang maglakad.

"Tamang-tama. Nagluto ako kanina ng Afritada," masayang sabi ni Aimee.

"Tiyak, masarap ang kain natin mamaya."

"Uy, talaga? Tamang-tama, matagal na kong di nakakakain ng lutong bahay."

"Bakit naman, Bessie?"

"Mag-isa lang kasi ako dito. Nasa probinsya lahat ng pamilya ko."

"Ganon? Buti di ka nalulungkot?" tanong ni Aimee.

"Ok lang. Medyo sanay na rin."

"Bakit di na lang-"

Biglang naputol ang sasabihin ni Aimee. Nakita na naman niya kasi ang taong grasa. Ngunit sa pagkakataon ito, natayo ito sa gitna ng sidewalk, nakaharang sa kanilang daraanan.

HORROR SHORT STORYTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon