MARAHAS na nagbuga ng hangin si Jena habang nakasilip sa maliit niyang sala kung nasaan ang papa niya at si Woody. Kanina pa tanong ng tanong ang papa niya kung saan sila nanggaling at kung anu-ano pa. Magalang itong sinasagot ni Woody pero siya ay malapit nang maubos ang pasensiya. Wala namang dahilan para e-interrogate nito si Woody. Nakakahiya lang!
Huminga siya ng malalim at hindi na nakatiis na tumayo mula sa pagkakaupo niya sa kusina. "Papa, pagod na rin siya kaya uuwi na siya. Huwag niyo namang ganyanin ang boss ko," saway niya rito.
Bumaling sa kaniya ang dalawang lalaki. "Masama bang kilalanin ko kahit papaano ang lalaking nakasama mo ng dalawang araw sa isang malayong lugar? At kung boss mo siya mas marapat na kilalanin ko siya. Anak kita kaya natural lang na mag-alala ako kung sino ang nakakasalamuha mo na malayo sa akin," matatag na sabi ng papa niya.
"Papa!"
"It's okay Jena. Willing naman akong sagutin ang lahat ng tanong ng papa mo," singit ni Woody na nakangiti pa.
Marahas siyang napabuga ng hangin at muling napabalik ng upo. Nafu-frustrate pa rin siya sa ginagawa ng papa niya. Nagulat na nga siya na biglang sumulpot ang mga ito, ngayon naman ay sinisira nito ang magic atmosphere na mayroon sila ni Woody kanina sa mga tanong nito.
Napatingala siya nang may ilapag na tasa ng kape sa harapan niya. Nasalubong niya ang nakangiting mukha ng madrasta niya. Isa sa talagang ipinagpapasalamat niya ay mabait ang naging asawa ng papa niya. Dahil gabi na ay pinatulog na nito ang mga kapatid niya sa silid niya kaya silang tatlo na lamang ang naroon.
"Pagpasensiyahan mo na ang papa mo Jena. That's his way of showing how much he cares for you. Noong hindi ka sumasagot sa mga tawag namin ay talagang nagpanic siya. Kaya nga sumugod kaming lahat dito para masiguro naming maayos ang kalagayan mo. Nag-aalala siya kung ano ang buhay mo na malayo sa kaniya," bulong nito sa kaniya.
Ang frustration niya ay napalitan ng kakaibang damdamin. So, they really care for her at nag-aalala ang mga ito na mag-isa siyang naninirahan sa maynila. Nakakahiya mang aminin pero may mga pagkakataong nagse-self pity siya at naiisip niya na hindi na siya importante sa papa niya mula nang magkaroon na ito ng sariling pamilya. It relieves her to know that she was wrong. Masaya rin siyang malaman na kahit ang madrasta at mga kapatid niya ay nag-aalala sa kaniya.
Umupo na rin sa tabi niya ang madrasta niya. "Besides, tingin ko naman wala kang dapat ipag-alala. Nakikita kang mabuting lalaki ang boss mo. O talaga bang boss mo lang siya?" nanunudyong tanong nito sa pabulong pa ring tinig.
Awtomatikong nag-init ang mukha niya sa tanong nito. Pasimpleng sumulyap siya kay Woody. Tumalon ang puso niya nang makita niyang sumulyap rin ito sa kaniya at bahagyang ngumiti bago ibinalik ang tingin sa papa niya. Ibinalik niya rin ang tingin sa katabi niya na nakangiti pa ring pinagmamasdan siya. "I... don't know yet kung anong mayroon sa amin. Pero sigurado ako it's something special," pabulong ring sagot niya.
Lumawak ang ngiti nito at tinapik ang kamay niya. "I'm happy for you. Sandali nga at ako na ang magpapatigil sa papa mo para makapagpahinga ka na rin," anito at tumayo na.
"Papa, tama na iyan. May pasok pa silang dalawa bukas. Kailangan na talagang umuwi ni Woody para makapagpahinga," saway nito sa papa niya. Tumayo na rin siya at lumapit sa mga ito.
"O siya, siya," tila sumusukong sabi ng papa niya at muling bumaling kay Woody. "Huwag mong sasaktan ang anak ko. Kahit pa ikaw ang boss niya ay hindi kita palalampasin," seryoso pa ring sabi nito.
"Papa!" naeeskandalong saway niya rito ulit.
"Don't worry sir. I will never hurt her," seryoso ring sagot ni Woody.
BINABASA MO ANG
KISSING A STRANGER
Romance"Ang gusto ko lang, instead na maghanap ka nang maghanap kung saan-saan, try to look at me." Sa isang hindi inaasahang pagkakataon kinailangang manatili ni Jena sa loob ng isang hotel room buong gabi kasama ang isang estrangherong nakilala lamang ni...
