Chapter Four

14.3K 431 12
                                        

"NASILAYAN niyo na ba iyong bagong head ng Design Department? Parang gusto kong lumipat sa department na iyon!" kinikilig na sabi ng isang officemate nila Jena. Dahil wala pa ang immediate boss nila at maaga pa naman ay nagkukumpulan ang mga staff sa isang panig ng opisina nila.

"Mukhang may bagong kakikiligan ang mga empleyado maliban kay Mister President," sabi ni Aya na nakaupo sa swivel chair nito at pinagulong iyon palapit sa cubicle niya.

Tumingin siya rito at pagkatapos ay sa mga officemates nila. Matagal nang usap-usapan na ang magiging bagong head ng Design Department na matagal-tagal nang OIC lamang ang namumuno ay isang genius furniture designer na nag-aral pa sa Amerika. Wala silang ideya kung paano nakakilala ng ganoong klase ng tao ang presidente nila pero matagal na ring hinihintay ng mga empleyado ang pagdating nito. At kanina nga ay dumating na raw ang taong iyon.

"Nakita mo na ba siya Aya?" curious na tanong niya. Napapaisip siya kung talaga bang kayang makipagsabayan nang itsura ng lalaking iyon sa kanilang celebrity boss na si Damon Valencia.

"Hindi pa nga eh. Tingnan natin mamayang lunch?" nakangiting tanong nito.

Napangiti siya. "Sige. Lettie, sasama ka?" tanong niya kay Lettie na abala na sa pagbubukas ng computer nito habang mahinang nagha-hum ng isang kanta.

Nang lumingon ito sa kanila ay matamis pa itong ngumiti. "Okay," sabi nito.

Nagkatinginan sila ni Aya at magkapanabay pang muling bumaling kay Lettie. Kapansin-pansin ang pagiging blooming nito na para bang may nagbago rito. Samantalang kailan lamang ay tila problemado ito.

"There's something fishy going on Lettie's life that she's not telling us," hindi niya napigilang ibulong kay Aya.

Ngumisi si Aya at bahagyang lumapit sa kaniya. "I think she's in love. At mukhang reciprocated ang feelings niya dahil kung hindi, hindi siya ganiyan kaganda," ganting bulong ni Aya.

Nagkatinginan silang dalawa. "Kailangang mapaamin natin siya," magkapanabay na bulong pa nila. Pagkuwa'y nagkatawanan sila.

"Anong pinag-uusapan ninyong dalawa diyan?" takang tanong sa kanila ni Lettie.

"Wala," natatawa pa ring sagot niya.

PAGDATING ng lunchbreak ay hindi na nagtaka si Jena kung halos lahat ng mga babae sa opisina nila ay nagmamadaling makalabas ng opisina. Lahat ay gustong mabistayan ang itsura ng bagong head ng Design. At siyempre kasama silang magkakaibigan doon. Hindi naman sila iyong tipong gaya ng ibang empleyado na kaya excited ay umaasang mapansin ng lalaki. Masyado silang realistic na magkakaibigan para doon. Curious lang talaga sila at marunong umappreciate ng magandang lalaki.

"Asan na kaya siya?" tanong ni Aya habang palinga-linga sa entrance ng cafeteria.

"Tingin niyo ba kakain iyon sa cafeteria?" tanong ni Lettie sa kanila.

Sumipsip muna siya ng juice bago nagsalita. "Kaya nga dito tayo pumuwesto sa lamesang malapit sa entrance para kung hindi siya dito pupunta makikita pa rin natin siyang dumaan sa lobby," paliwanag niya. Glass wall kasi ang nagpapagitan sa cafeteria nila at sa malawak na lobby.

Tumango-tango ito at muling itinuon ang pansin sa pagkain. Halatang hindi ito interesado. Hindi na siya nagtaka dahil talaga namang walang interes si Lettie sa mga ganoong bagay.

"Teka, iyon na yata siya," biglang sabi ni Aya. Medyo nagkaingay din ang mga empleyado doon. "Naku, mukhang naunahan na tayo ni Mrs. Ramos ah. Siya ang kasama," patuloy ni Aya.

Napalingon na rin siya sa labas ng cafeteria at hinanap ng tingin ang sinasabi ni Aya. Napamaang siya nang ang makita niyang ang kasama ni Mrs. Ramos na naglalakad patungo sa cafeteria ay walang iba kung hindi si Woody!

KISSING A STRANGERTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon