"HINDI na naman maganda ang resulta ng blind date mo no? Mukha kang stress Jena," puna ni Aya sa kaniya nang lunch break na nila. Isa si Aya sa masasabi niyang malapit na kaibigan niya sa opisinang iyon. Office staff sila sa General Affairs Department ng pinakamalaking kumpanyang nagbebenta at nageexport ng mga furnitures sa bansa, ang Valencia Furnitures.
Napatingala siya rito at hindi kaagad nakasagot. Ang totoo kasi ay nawala na sa isip niya ang blind date niyang hindi naging maganda ang resulta. Buong weekend kasi ay isa lang ang gumugulo sa isip niya dahilan kaya kulang siya sa tulog at pakiramdam niya pagod siya – si Woody.
Kahit kasi anong gawin niya ay hindi pa rin niya makalimutan ang pakiramdam ng mga labi nito sa kaniya. Tila permanente na ring nakaguhit sa utak niya ang mukha at ngiti nito. Ilang beses ding sumagi sa isip niya, na paano kaya kung hinintay niya itong gumising? Nagkaroon kaya ng karugtong ang isang gabing pagsasama nila?
Marahas siyang napailing. Hindi siya dapat nag-iisip ng ganoon. Wala siyang dapat panghinayangan. Isa lamang itong estrangherong nakilala niya sa hindi inaasahang oras at nakasama niya ng isang gabi sa loob ng isang hotel room. "Ang weird mo talaga ngayon Jena. Pareho kayo ni Lettie," muling puna ni Aya.
Kakasabi pa lamang nito niyon ay narinig na nilang pinagagalitan ng immediate boss nila ang kaibigan nilang si Lettie. Magkapanabay pa silang napalingon dito. Nakayuko ito habang nakikinig sa sermon ng boss nila. Mukhang may nagawa na naman itong mali. Kanina pa kasi ito nagkakamali sa mga ginagawa nito. Naisip na lang niya na baka may pinoproblema na naman itong kung ano.
Nagkakila-kilala silang tatlo noong nag-aapply pa lamang sila sa Valencia Furnitures ilang buwan pa lamang ang nakararaan. Interview pa lamang ay nagdadaldalan na sila. At nang sinuwerteng natanggap silang tatlo ay laking tuwa nila. Mula noon ay naging malalapit na magkakaibigan na sila.
Nagbuga si Lettie nang hangin at lumapit sa kanila. "Okay ka lang ba Lettie?" tanong ni Aya dito.
Tumawa ito. Pero dahil hindi rin maganda ang mood niya ay napansin niyang pinipilit lang din nitong magmukhang okay. "Oo. Kaso pinag-o-overtime ako ni Ma'am mamaya. May pinapahanap na namang mga files sa data stock room. Parusa niya raw sa pagiging absent minded ko ngayon," sabi nitong muling nagbuga ng hangin.
"E bakit nga ba kasi problemado ka na naman? Noong nakaraan mukha kang luka-luka kung makangisi tapos ganiyan ka na naman ngayon," puna niya rito.
"Nagsalita ang hindi mukhang problemado," pasaring ni Aya.
"Hindi ako problemado," sagot na lang niya at tumayo na. "Gutom lang ako. Kain na nga tayo," sabi na lamang niya.
Natawa si Aya. "Sige na nga pagbibigyan ko na ang palusot mo sa ngayon. Ikain mo na lang din ang problema mo Lettie," sabi nito.
Magkakapanabay na silang lumabas ng opisina nila. Napabuntong hininga na lang siya. Dapat talaga maibalik na niya sa dati ang sarili niya. Si Woody ay isa lamang taong nakilala niya ng isang beses at malabong makita pang muli. Sayang lang ang effort niya sa pag-iisip dito.
"LETTIE, mauna na ako ha," paalam ni Jena sa kaibigan niya nang makapag-ligpit na siya ng gamit at napadaan siya sa cubicle nito. Oras na kasi ng uwian at kanina pa umalis ang mga tao sa opisina nila pati na rin si Aya dahil may lakad pa daw ito. Ngayon ay silang dalawa na lamang ni Lettie ang naroon. Mag-oovertime pa nga kasi ito. "Okay ka lang bang mag-isa dito o gusto mo mag-overtime na lang din ako?" tanong niya pa rito nang tumingala ito sa kaniya. Wala naman siyang gagawin na sa apartment niya kahit na umuwi siya ng maaga.
BINABASA MO ANG
KISSING A STRANGER
Romance"Ang gusto ko lang, instead na maghanap ka nang maghanap kung saan-saan, try to look at me." Sa isang hindi inaasahang pagkakataon kinailangang manatili ni Jena sa loob ng isang hotel room buong gabi kasama ang isang estrangherong nakilala lamang ni...
