IGINALA ni Jena ang paningin sa loob ng hotel suite ng lalaki ngunit hindi siya umalis sa tabi ng pinto kung sakaling nagkamali ang instinct niya sa unang pagkakataon at masamang tao pala ito. Nagpatiuna itong pumasok sa silid at dumeretso sa banyo. Paglabas nito ay may bitbit na itong tuwalya. Lumakad ito palapit sa kaniya. Iniangat na niya ang kamay upang abutin ang tuwalyang hawak nito pero himbis na iabot iyon sa kaniya ay ipinatong nito iyon sa ulo niya.
"May robe sa banyo. Hubarin mo ang damit mo para mapalabhan at mapatuyo natin," sabi pa nito.
Hinawakan niya ang tuwalya at hinawi iyon upang makita niya ito. Nakamasid ito sa kaniya na may bahagyang ngiti sa mga labi. Masyadong mabait ang ekspresyon sa mukha nito na nahihirapan siyang kumbinsihin ang sarili niyang huwag magtiwala rito. "Sige na," susog pa nito.
Kumilos siya at tuluyan nang lumakad patungo sa banyo. Isasara na niya ang pinto nang muli itong magsalita. "Ah, anong gusto mong kainin? Oorder ako ng pagkain hindi pa ako nagdidinner," sabi nitong nakahawak na sa awditibo.
"It's okay. Hindi pa ako gutom," tanggi niya kahit ang totoo ay nagugutom siya. Hindi siya nakakain ng maayos kanina dahil sa buwisit na kadate niya.
"That means your hungry," balewalang sabi nito at inabala na ang sarili sa pakikipag-usap sa telepono.
Saglit niya itong tiningnan bago tuluyang isinara ang pinto ng banyo. Napabuga siya ng hangin. Sa totoo lang ay nawe-weirdohan siya sa lalaking iyon. Kung umakto kasi ito ay napakanatural na para bang matagal na silang magkakilala. Kahit sinabi rin nitong nakokonsiyensiya ito kaya siya nito tinutulungan ay parang wala naman siyang makitang guilt sa mukha nito.
Napailing na lamang siya at naghubad ng damit. Dahil naroon na rin siya ay nagshower na rin siya. Pagkatapos ay isinuot niya ang isa sa mga roba doon at maayos na itinupi ang mga damit niya.
Nang matapos ay maingat niyang pinihit ang seradura ng banyo. Sumilip siya sa labas. Natagpuan niya ang lalaki na nasa harap ng pintuan at may pinagbuksang staff ng hotel. Nakita niyang inilapag sa lamesa ang mga pagkaing inorder nito.
Tapos nang ihain doon ang mga pagkain nang mapalingon sa panig niya ang lalaki. Bahagya siyang napaatras nang magsimula itong lumakad palapit sa kaniya. "Akin na ang mga damit mo para maipadala na natin sa kaniya," sabi nito sa natural pa ring tono.
Bago pa siya makapagsalita ay kinuha na nito ang kipkip niyang mga damit at bumalik sa bellboy. Iniabot nito iyon dito at nagbilin. Nang makaalis iyon ay muli itong humarap sa kaniya at ngumiti. "Tara kain na tayo. Nagpaakyat din ako ng wine just in case gusto mo," alok nito.
"Why are you acting like we know each other?" hindi na nakatiis na tanong niya.
Natigilan ito. Pagkatapos ay bahagyang natawa. "Ah, ganito lang talaga ako. Mag-isa akong namuhay sa ibang bansa kaya nasanay na akong makipag-usap sa lahat ng tao kahit pa hindi ko kilala. Besides, you don't seem to be a bad person at kumportable ako sa iyo," nakangiti pang sabi nito. "Don't you feel the same way too?" tanong pa nito.
Muli ay hindi siya nakasagot. Dahil aminin man niya o hindi ay ganoon din ang nararamdaman niya. Wala siyang makapang takot kahit pa dalawa lamang sila sa silid na iyon. Oo nga at bahagya siyang kinakabahan sa presensiya nito pero iyon ay dahil unang beses niyang nanatili sa isang hotel room na ang kasama lamang ay isang lalaki at hindi dahil nag-aalala siyang gagawan siya nito ng masama.
"Kain na," muli ay alok nito.
Nagbuga siya ng hangin at tumalima. Nawala na ang mga pag-aalinlangan niya. "Basta ba ikaw ang magbabayad. Nagugutom na nga ako," nasabi na niya.
BINABASA MO ANG
KISSING A STRANGER
Romance"Ang gusto ko lang, instead na maghanap ka nang maghanap kung saan-saan, try to look at me." Sa isang hindi inaasahang pagkakataon kinailangang manatili ni Jena sa loob ng isang hotel room buong gabi kasama ang isang estrangherong nakilala lamang ni...
