CHAPTER ONE

5.7K 93 21
                                    

MAGUGUNAW na ang mundo kahit buntis na naman si Elma'ng Tihaya. Mali ang matatanda sa Sirang-Lupa. Sabi ng mga iyon, hanggang may babae raw na nagbubuntis, hindi magugunaw ang mundo. Salimpusa pa lang sa Day Care si Albertoni o Bechang, si Elma na ang basehan niya ng buhay sa daigdig. Tuwing mapapabalita na buntis na naman ang babae, tumatalon siya sa tuwa.

"Hindi pa magugunaw, yehey!"

Pero mali pala. Hindi pala ang bahay-bata ni Elma ang basehan.

Araw-araw nang ibinabalita sa TV at radyo ang pagkagunaw ng mundo. Sa lahat ng huntahan, iyon din ang paksa mula pa noong bago sumapit ang Pasko hanggang sa mga sandaling iyon.

Malapit na malapit na.

Three minutes na lang.

Nanginginig, umiiyak, at hindi magkandaugaga si Bechang sa pagkukuwintas ng mga rosaryo at eskapularyo sa kanyang leeg.

Abot-abot din ang dasal niya. "Amanaminsumasalangit-kasambahinangngalanmomapasaamin—"

Niyanig ng sunod-sunod na putok ang paligid. Sumigaw ang mga tao sa labas ng bahay.

"Y2K na! Y2K na!"

Walang tigil ang mga putok. Nagsalimbayan sa labas ng bintana ang mga humuhuning lusis. Saglit na napatunganga si Bechang sa makulay na fireworks sa labas ng bintana.

Patuloy ang sigawan sa labas.

"Hapinuyir!"

"Lundag na!"

"Two minutes pa!"

Two minutes! Kinuha ni Bechang ang imahe ng Sto. Niño sa altar at kumaripas ng takbo palabas ng kuwarto, pababa ng hagdan, patawid sa sala, palabas ng pinto. Hindi niya pinansin ang sabay-sabay na putok ng 'bawang,' whistle bombs... balewala niyang nilaktawan... nilundag ang nakalatag na 'sawa' sa kalsada.

"Naku po!"

"Ka Berto, ang apo n'yo!"

"Berto! Ang apo ko, Dyusko!"

"Hoy, Bechang!"

"Napa'no 'yon?"

Walang pakialam si Bechang sa mga sumisigaw at tumatawag sa kanya. Kumanan siya, itinodo ang lakas ng mga binti hanggang sa makarating sa tulay. May mga tao rin doon na nagpapaputok. May gomang sinindihan sa gitna. Doon inihahagis ang mga 'bawang' at super lolo.

Lampas na siya sa tulay nang kumalembang ang kampana sa bayan. Mas lumakas ang sigawan ng mga tao.

"HAPPY NEW YEAR!"

Nahaluan ang mga putok ng torotot, pito, mga kaserolang tinatambol, busina. Parang pahabaan ng busina ang mga may sasakyan.

Todo ang volume ng mga CD player.

She's into superstitions,

Black cats and voodoo dolls...

Kamuntik nang lumampas si Bechang sa palatandaan—malaking bato sa gilid ng daan sa kaliwa niya. Wala nang buwelo-buwelo. Mula sa malaking bato, lumundag siya sa 'agbang'—kanal na may isang dipa ang lapad.

Upside, inside out

She's livin' la vida loca

Napaluhod siya sa alikabukan. Basketball court iyon ng Sirang-Lupa. Sa gabing iyon, maliwanag doon dahil nag-iinuman ang kapitan at mga bisita nito. Mga pulis. Hawak ang mga baril.

"Aba, huy, ineng!" sigaw sa kanya ng isa sa mga kainuman ng kapitan.

"Saan pupunta ang batang iyan?" tanong naman ng isa.

E N G K A N T OWhere stories live. Discover now