Chapter 01
“Ang Pagtakas Sa Erkalla”
NAGNGANGALIT ang kidlat na gumuhit sa kalangitan. Sinasabayan ng maingay na kulog ang malakas na buhos ng ulan ng gabing iyon sa Erkalla-- isang mahiwagang lugar na lingid sa kaalaman ng mga tao. Sa Erkalla nakatira ang lahi ng mga mangkukulam. Kahalintulad din ito ng lugar ng mga tao. Halos walang pinagkaiba. Sa lugar na ito ay kilala ang dalawang grupo ng makakapangyarihang mangkukulam. Ang Ligero o grupo ng white witch at ang Osuro o grupo ng mga black witch. Habang ang tawag naman sa normal na uri ng mangkukulam ay medio.
Dating mapayapa at tahimik ang Erkalla ngunit nagsimula lamang ang gulo nang maging sakim sa kapangyahiran ang mga Osuro sa pamumuno ng pinakamatanda at makapanyarihang black witch o alteza na si Prosfera. Nais ni Prosfera na siya ang mamuno sa buong Erkalla dahil sa tingin nito’y siya ang pinakamakapangyarihang mangkukulam sa buong Erkalla na dati namang walang namumuno. Tinutulan ito ng Ligero at doon na nagsimula ang digmaan ng dalawang angkan. Napaslang ni Mateo si Prosfera. Si Mateo ay itinuturing na pinakamakapangyarihang white witch dahil siya ay isang prinsepe ng kanilang angkan.
Dahil sa pagkamatay ng pinuno ng mga Osuro at sa pagtataboy sa kanila ng mga taga-Erkalla ay nanirahan sila sa madilim na bahagi ng Erkalla. Habang ang katahimikan sa Erkalla ay napanatiling muli…
Kasabay ng masungit na panahon ay isang babae ang tumatakbo palabas ng madilim na kagubatan. Siya ay si Via na anak ng hari ng mga Osuro. Sa bukana ng gubat ay sinalubong siya ni Mateo. Agad silang nagyakap ng mahigpit na tila ba sabik na sabik sila sa isa’t isa.
Napapikit si Via nang gagapin ni Mateo ang magkabila niyang pisngi at hagkan siya nito sa labi. Kapwa basa na sila ng ulan at nilalamig.
“Mateo, tama na itong gagawin natin?” Natatakot na tanong ni Via.
“Mali ito, Via. Mali ang pag-iibigang ito dahil isa kang Osuro habang ako naman ay Ligero ngunit anong magagawa natin? Mahirap kalaban ang puso, alam mo iyan, irog ko!” sagot ni Mateo sa kanya.
Ilang taon na rin na itinatago nilang dalawa ang kanilang relasyon ngunit tatlong araw na ang nakakalipas nang matuklasan iyon ng mga angkan nila. Palihim palang pinasusundan si Via ng ama nito sa isa sa mga alipin nila kaya nalaman ng mga ito ang sikretong relasyon nila ni Mateo. Pinagbawalan siya ng ama’t ina niyang makipagkita kay Mateo kaya naman nagdesisyon siyang magtanan sila ng lalaking iniibig. Bumulong siya sa hangin at ipinarating kay Mateo na magtagpo sila ngayong gabi. At hindi siya nito binigo…
“Saan ba tayo tutungo? Alam mong kahit saan tayo magtago ay matatagpuan nila tayo at paghihiwalayin!” Medyo pasigaw ang pagsasalita niya dahil kahit ang sarili niyang boses ay hindi niya marinig dahil sa lakas ng kulog.
Kapwa ipapakasal na silang dalawa sa mga taong hindi naman nila gusto. Nasa tamang edad na kasi sila para pagpasahan ng korona ng kanilang mga magulang. Sila na ang susunod na reyna at hari sa kani-kanilang angkan. Ngunit sa kanilang gagawing pagtatanan malabo nang mangyari ang bagay na iyon.
Isang kulay puting krystal ang inilabas ni Mateo mula sa bulsa nito. Kumikinang iyon kahit madilim ang kapaligiran.
“Ano ang bagay na iyan, Mateo?”
“Isa itong mahiwagang krystal na magdadala sa atin sa mundo ng mga tao. Doon ay hindi na tayo masusundan ng mga angkan natin. Mabubuhay tayo doon na parang normal na tao. Hinding-hindi na tayo magkakahiwalay pa, irog ko!”
“Kung ganoon, magtungo na tayo sa mundo ng mga tao. Magmadali na tayo dahil sigurado ako na sa mga oras na ito ay natuklasan na ng ama at ina ko na wala na ako.”
Mabilis na tumango si Mateo sa kanya. Hinawakan nilang dalawa ang mahiwagang krystal.
“Mahiwagang krystal, dalhin mo kami sa mundo ng mga tao! Sinasamo kita!”
BINABASA MO ANG
Enchanted Academy
FantasyPublished by LIFEBOOKS. Available na po ang book version nito sa lahat ng leading bookstores for only 99.95 pesos. Handa ka na bang pumasok sa paaralang puno ng mahika?
