ELEMENTO PART TWO [Summary]

8.5K 242 45
                                    

.ELEMENTO PART TWO

 APOY

Si Gino Ivan Lazaro ay nangangamba sa maaring mangyari sa kanya ngayong malaya na ang espirito ni Gunaw. Patuloy at paulit-ulit din ang bangungot niya gabi-gabi. Malimit din ang pagsakit ng kanyang dibdib at ulo. Hindi siya matahimik, gusto niyang maghanda pero paano, wala na ang kanyang elementing-kaisa?

Bahagya namang naging magaan ang kanyang loob dahil magbabakasyon ng ilang buwan sa Plipinas ang kanyang tita na nagtatrabaho sa ibang bansa. Ito na rin ang unang pagkakataon na bibisita siya sa nanay niyang nabaliw noong gabing tinangkang kunin siya ng mga alagad ni Gunaw. Isang malaking katanungan pa rin kung paano nawala sa tamang pag-iisip ang kanyang ina. May paraan kaya para maibalik ang kanyang dating katinuan?

Naaalarma din ang bayan ng San Nicolas dahil may grupo ng kabataan ang naghahasik ng kakatakutan sa mga tao. Ano ang kanilang misyon? At bakit parang nasa kanyang alaala ang mga pinaggagawa nila, na para bang kasama siya dito? Ano ang kinalaman niya?

LUPA

Si Clarissa Gutang ay di na tulad ng dati. Simula nang manalo siya bilang Owkward Academy. Student of the Year, naging kilala na siya ng buong school at marami na rin ang gustong makipagkaibigan sa kanya. Mas naging buo din ang tiwala niya sa sarili at hindi na siya mahiyain at minamaliit tulad ng dati. 

Dahil sa mga pangyayaring naganap noong first year siya, tinuruan na ngayon siya ng kanyang ama sa larangan ng pagiging albularyo, lalo na ang paggamit at pagbasa ng 'Aklat ng mga Dasal.' Hindi niya inaasahan ngunit isang gabi may masamang nangyari sa kanyang ama na muntikan pa nitong ikamatay. Dito niya nalaman na may mga kapwang albularyo at mga mangkukulam ang nagnanais na mapasakanila ang makapangyarihang aklat. Nasa kanya na tuloy ang responsibilidad upang pangalagaan ito. Pero makakaya ba niya kahit hindi pa siya lubos na handa para dito?

HANGIN

Si Junior 'Jun-Jun' Sta. Maria ay di pinapatahimik ng mga bulong at boses na kanyang naririnig umaga man o gabi. Mas marami na din ang mga multong nagnanais siyang makausap pero naging mas pisikal ang kanilang pagpaparamdam, umabot na nga sa mga tagpong muntikan siyang masaktan. 

May mga kababalaghan ding nangyayari sa bayan ng San Nicolas, lalo na sa kanilang barangay, Sto. Cruz. Lumaganap na ang kakatakutan sa mga tao. May kinalaman kaya ang pagiging marahas ng mga multo sa kanya?  At may isang bukod tanging din na boses siyang naririnig na humihingi ng tulong pero bakit parang hindi ito nanggagaling sa patay? Kaninong boses ito? At bakit hindi pa rin niya marinig ang boses ng kanyang mga magulang?

TUBIG

Si Abigail 'Abby' Roque ay di pagkaraniwang tao. Mayroon siyang lahing elemento dahil ang kanyang ina ay isang diwatang tubig. Maingat at maalaga ang kanyang mga magulang sa kanya dahil simula pa noong pinanganak, siya ay mahina at sakitin. Nang bigla na lang nawala ang nanay niya, lalong naging mas strikto ang kanyang ama na kahit pagtapak sa lupa ay pinagbabawalan. Gusto na niyang makalabas at gusto niyang maging normal na tao kaya pumapayag siya sa mga pagkakataong nagpapanggap siya bilang kakambal niyang si Jennifer 'Jenny.' 

Pero hindi niya alam na may malaking dahilan ang kanyang ama kaya siya pinagbabawalang lumabas. May mga nilalang na nais siyang masaktan. Ano na ngayon ang kanyang gagawin kung ang kanyang buhay ay nasa panganib na?  

KIDLAT

Si Ren Dela Rosa ay nagsisisi dahil hindi  niya pinansin ang nararamdaman ng dalagang kahit noong bata pa sila ay nagpaparamdam na ng pag-ibig para sa kanya. At ngayong alam niya na lubos-lubos din ang pagkagusto niya dito, gagawin niya ang lahat para maibalik ang pagtingin sa kanya ng dalaga.  

Biglang nadamay siya sa isang malaking kaguluhan sa buong bayan ng San Nicolas. Alam niya sa sarili na hindi kailanman niya magagawa ang mga binibitang sa kanya. Malinis ang kanyang konsensya. Pero paano kung sa di sinasadyag pagkakataon ay nakita siya mismo ng babaeng mahal niya sa tagpong may mga nasaktan? Paano niya mapapatunayan na wala siyang kinalaman? At lalong paano niya mapapatunayan ang kanyang nararamdaman kung ngayon ay lubos ang pagkamuhi sa kanya ng dalaga?   

 ____________________________01/01/2015

ELEMENTOTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon