Ang Pagtataksil

449 64 23
                                    

Ang Pagtataksil

"Nang dahil sa iyo ay nawala ang anak ko! Mahal na mahal ka ni RJ, pero ano ang ginawa mo? Iniwan mo siya sa mismong araw ng kasal ninyo! Ano bang pagkukulang ni RJ sa iyo? Ibinigay naman niya sa iyo ang lahat-lahat, hindi ba? Minahal ka niya nang totoo! Pero ano ang isinukli mo? Iniwan mo siya! Sinaktan mo siya!"

Paulit-ulit kong naririnig sa utak ko ang mga katagang binitawan ng ina ni RJ, at wala akong magawa para pigilan ang pag-echo ng mga ito sa isipan ko. Tama naman kasi siya. Kasalanan ko kung bakit nawala ang anak niya. Kasalanan ko kung bakit namatay si RJ, ang lalaking walang sawang nagmahal sa akin pero nagawa ko pa ring saktan.

Isang linggo na ang nakalilipas mula noong ilibing si RJ—ang lalaking dapat ay pakakasalan ko.

Dapat.

Dapat ay masaya na kami ngayon. Dapat ay buhay pa rin siya. Dapat ay hindi ako nagmumukmok ngayon sa kuwarto ko. Dapat ay hindi nag-e-echo sa utak ko ang mga katagang binitawan ng nanay niya.

Bakit ba naman kasi ang tanga-tanga ko? Bakit ba mas pinili ko pang sumama sa lalaking minsan na akong niloko at sinaktan? Bakit hindi ko pinili ang lalaking nagmamahal sa akin nang tapat?

Limang buwan bago ang kasal namin ni RJ ay nagkita kaming muli ni Joey, ang ex-boyfriend ko na minsan na akong niloko.

"Thea . . . sorry for the wrong things I've done to you. I'm really sorry," paghingi ng tawad ni Joey.

Nagkasalubong kami kanina sa grocery store at dahil matagal na kaming hindi nagkikita ay inaya niya akong kumain sandali sa isang restaurant.

"W-wala na 'yon. Matagal na 'yon. Na . . ." napahinga ako nang malalim, "naka-move on naman na ako." Nginitian ko siya, isang malawak na ngiti. Pero alam ko sa sarili kong hindi totoo ang ngiting 'yon. Dahil ang totoo, mahal ko pa rin si Joey.

Nagkapatawaran kami ni Joey at napagdesisyonan naming maging magkaibigan na lang. Oo, mahal ko pa rin si Joey kahit na fiancé ko na si RJ. Sa umpisa pa lang naman kasi ay ginawa ko nang panakip butas si RJ. Panakip lang siya sa katotohanang mahal ko pa rin ang ex-boyfriend ko.

Naging malapit uli kami sa isa't isa ni Joey. Hanggang sa sabihin niya sa aking mahal niya pa rin ako at gusto niyang makipagbalikan sa akin. Noong narinig ko ang mga salitang 'yon ay hindi na ako nagdalawang-isip at agad akong nakipagbalikan sa kanya—kahit pa nga, malapit na kaming ikasal ni RJ.

Noong gabi ring 'yon ay may nangyari sa amin ni Joey. Oo, ibinigay ko sa kanya ang dapat sana'y kay RJ ko ibibigay. Pero nilamon ako ng kasiyahan. Kasiyahang akin na uli ang lalaking mahal ko.

Noong mga panahong 'yon ay ninais ko na ring makipaghiwalay kay RJ pero hindi ko nagawa dahil alam ko sa sarili kong mahal ko rin siya. Naa-appreciate ko ang lahat ng ginawa niya sa akin. Nararamdaman ko ang pagmamahal niya sa akin. Pero hindi ko siya magawang mahalin gaya ng pagmamahal niya sa akin. Tinanggap ko ang alok niyang kasal dahil nagbabaka sakali ako na kapag nagsama na kami at kapag nagkaanak na kami ay makakalimutan ko na si Joey. Nagbabaka sakali ako na mawawala na ang nararamdaman ko para sa lalaking minahal ko ng limang taon pero nagawa akong pagtaksilan.

Natawa ako at kasabay n'on ang pagpatak ng mga luha ko. Nagalit ako noon kay Joey dahil sa ginawa niyang pagtataksil, pero ano ba'ng ginawa ko kay RJ? Hindi ba't nagtaksil din ako?

Ang isang gabing pinagsaluhan namin ni Joey ay naging dalawa hanggang sa maging tatlo at nasundan pa. Paulit-ulit. Alam ko na nakakahalata na si RJ na may inililihim ako sa kanya, pero hindi niya ako tinanong. Hindi siya nag-usisa. Dahil alam niya na kapag handa na akong sabihin ang problema ko ay magsasabi 'ko.

The Broken PlaylistTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon