Wizard's Tale 1: Chapter 21

160K 4.3K 399
                                    


(Alyanna POV)


"Ang lahat ng ito, galing 'to sa pera ng mga magulang ko!"

"At anong gagawin mo, Alyanna? Aangkinin mo? Eh di subukan mo! Kung magawa mo!" Banta niya saakin. "May mga kaukulang dokumentong nagsasabi na ibinibigay mo na sa pangalan ko ang lahat ng ari-arian mo!"

"Mga manloloko kayo! Pati pirma at fingerprints ko, ninakaw niyo!" Napatayo na ako sa kinauupuan ko. "Bakit kailangan niyong nakawin ang lahat ng pagmamay-ari ko?"

"Eh ang kapal naman pala ang mukha mong babae ka! Matapos kitang kupkupin, ganyan lang ang igaganti mo? Kulang pa nga ang lahat ng yaman mo para bayaran ang utang na loob mo saakin! Utang mo saakin ang buhay mo!"

"Mas makapal ang mukha niyo!" Lalo akong naasar sa pilit niyang pinamumukha saakin. "Ginawa niyo akong alipin sa sarili kong bahay! Ni hindi niyo ako tinuring na pamangkin at ni minsan hindi ko naranasan ang pagmamahal niyo!"

"Bakit kita ituturin na pamangkin kung hindi naman kita kadugo?"

Bigla akong natigilan sa sinabi niya. Anong ibig sabihin nun?

"Oo, hindi tayo magkadugo. Nagulat ka noh? Hindi ako kabilang sa pamilya Rohan! Ampon lang ako, Alyanna!" Buong tapang na isiniwalat ni Auntie. Nahihirapan pa nga akong i-absorb sa utak ko ang mga sinasabi niya. Para kasing ang hirap paniwalaan.

"Inakala ng mga umampon saakin na hindi sila magkakaanak. Kaso dumating ang Papa Samuel mo at ang pagsilang sa kanya ang simula ng pasakit ko! Inagaw niya ang atensyon ng mga magulang ko! Siya na ang magaling, siya na ang mabait, sa kanya na lahat ng mana at walang itinira saakin! Bakit? Dahil siya ang tunay na anak at ampon lang ako!"

Habang kinukwento ito ni Auntie Seline, ramdam ko ang poot sa boses niya. Bakit ngayon na lang niya ito sinabi? Bakit hindi rin ito nagawang ikwento saakin ng mga magulang ko noong nabubuhay pa sila?

"Nagtiis ako dahil pinangakuan ako ni Samuel na hahatian niya ako sa yamang nakuha niya." Nakita kong may lumalabas nang luha sa mga mata ni Auntie, pero ikinukurap niya ang mga mata niya paro hindi ito tumulo. "Pero hindi niya tinupad yun. Hindi niya tinupad dahil dumating ang magaling mong ina na si Allina!"

"Auntie..."

"Wag mo akong tawaging Auntie! Nakakasuka! Nakakasulasok!" Tapos lumapit siya saakin at hinawakan nang napakahigpit ang aking mukha. "Sa tuwing nakikita ko ang pagmumukha mo, naaalala ko ang lahat ng galit ko sa Mama mo! Binilog niya ang ulo ni Samuel." Tapos tinulak niya ako paupo muli sa upuan.

"Sa tuwing naaalala ko kung paano niya nilason ang pag-iisip ng kapatid ko, lalo akong napupuno ng galit! Kaya hindi mo alam kung gaano ako kasaya nung mamatay sila! Na parang umayon ang pagkakataon saakin kahit isang beses lang sa buhay ko."

"Ang sama mo."

"Mas masama sila, Alyanna! Mas masama ang mga magulang mo! Ang kapal ng mukha nilang iwan ka saakin at wala man lang ibinigay na kahit na ano! Ano bang akala nila saakin, katulong nila?"

"Kaya saakin kayo gumanti? Ako ang pinagbuntungan niyo ng galit niyo sa mga magulang ko? Ako ang ginawa niyong katulong?" Naiiyak kong tinanong sa kanya.

Maaaring pareho kaming galit ngayon. Pero hindi ko rin maiwasan na makaramdam ng awa kay Auntie Seline. Binalot siya ng matinding galit niya.

At siguro dala ng sobrang emosyon, bigla na lang napatigil si Auntie at napahawak siya sa dibdib niya. Parang may dinaramdam. Agad namang umalalay sa kanya si Cerina. "Mama, tama na! May sakit ka!"

Wizard's Tale Trilogy (1-3) ✔Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon