KABANATA I

611 28 18
                                    

NAKATULALA lang ako sa harap ng computer. Umaasang makaiisip ako ng maganda at kakaibang kwento ng pag-ibig. Subalit sa loob ng dalawang oras, wala pa rin akong ideyang mapiga sa aking utak. Hindi ko naman ito maihango sa tunay kong karanasan dahil wala naman akong gano'n.

Tigang na yata ang puso ko. Kulang sa dilig ng isang tunay na pagmamahal. Hindi ko na rin sinubukang muli pang umibig matapos akong masaktan. Minsan sa buhay ko, dumating ang kakaibang pag-ibig. Umulan ng umaapaw na pagmamahal. Ngunit kalaunan ay naging mala-asido ang bawat patak nito. Muntik ko nang ikamatay ang sakit na idinulot nito sa akin.

Hindi yata ako matatanggap ng sinuman. Kakaiba ako. Nagtatago sa likod ng maskara kung saan nila matatanggap. Kung saan nila mamahalin. Kung hanggang kailan, hindi ko rin alam.

Napalingon ako sa book shelf nang marinig kong may kumakaluskos. Nakita ko ang isang malaking daga na nginangatngat ang isa sa aking mga libro. Tinitigan ko iyon ng masama na naging dahilan nang pagsilaglagan nito sa sahig, kasama ng daga. Kaagad itong kumaripas ng takbo palabas ng aking kwarto.

"Pasalamat ka, ayaw kong pumatay ng kahit na sinong may buhay," tinuran ko.

Tumayo ako at dinampot isa-isa ang mga nahulog kong libro. Nahulog naman ang ilang larawang nakaipit sa isa sa mga ito. Mga larawang nagpapaalala ng masayang pinagsamahan namin ni Avram noong kami ay nasa kolehiyo. Nang kami ay matalik pang magkaibigan. Nang siya ay lihim ko pang minamahal.

Ibinalik ng ngiti sa mga larawang iyon ang alaalang pilit ko nang ibinabaon sa limot.

"Best!" sigaw ni Avram habang tumatakbo palapit sa akin.
Malapad ang kanyang ngiti. Mukhang masayang-masaya. Kaagad niya akong sinunggaban ng mahigpit na yakap at halik sa pisngi.

"Bakit?" naibulalas ko.

"Naipasa ko lang naman ang lahat ng exam ko. Salamat sa 'yo,"  nakangiti niyang tugon.

"Talaga? Oh, 'di ba sabi ko sa 'yo, kaya mo 'yan. Galing naman!" papuri ko.

"Magaling ang tutor ko, e," sagot nito sabay kurot sa aking magkabilang pisngi.

"Aray ko!"

"Dahil d'yan, ihahatid kita sa bahay n'yo," wika niya.

"Magpapalibre ka lang yata ng pamasahe, e. Kilala kita!" duda ko.

"Hindi! Maglalakad lang tayo. Ililibre kita ng siomai sa plaza. Paborito mo 'yon, 'di ba?"  Ngumiti siya. Kuhang-kuha niya talaga ang kiliti ko.

"Ay, D'yos ko, best! Parang gusto kong labasan ng pakpak sa ideya mong 'yan. Masakit na ang paa ko kakaakyat-baba rito sa building maghapon. Ayaw!" reklamo ko.

"Akong bahala sa 'yo!" nakangiti niyang tugon. Bigla niya na lang akong hinigit pababa sa ground floor.

Ang totoo n'yan, gusto ko naman talaga. Parang lumulukso sa tuwa ang puso ko. Para akong lumulutang sa ulap habang hawak niya ang kamay ko.

Si Avram ang naging sandalan ko sa lahat ng panahon. Siya ang aking tagapagtanggol, tagapagpangiti, taga-batok at kahati ko sa lahat ng bagay. Kulang na lang, maging kahati sa puso. Kulang na lang, maging kami.

Lihim akong natutunaw sa mga titig niya. Nanginginig sa bawat akbay at yakap niya. Kinikilig sa mga biro niya. Lihim na nasasaktan tuwing may kasama siyang iba.

Katulad ng aming nakasanayan, kwentuhan habang naglalakad at siya'y nakaakbay sa akin. Hindi alintana ang traffic, mausok na kalye at mabagal na pagtakbo ng oras. Tuwing may makakasalubong kaming kakilala niya, ipinakikilala niya ako bilang asawa niya. Kung bakit? Hindi ko alam. 'Yon ang trip niya. Nakapagtatakang naniniwala sa kanya ang mga ito. Marahil dahil graduating na rin kami at kami talaga ang madalas na nakikita nilang magkasama. Mula sa klase, sa canteen, sa library, sa roof top at sa lobby. Duty niya lang, dahil student assistant siya, ang naghihiwalay sa aming dalawa.

BLUE MOONTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon