Bagong Simula - New Beginning

641 14 4

Disyembre 2012: Lungsod ng Taguig, NCR

   Mga 200,000 na katao ang dumalo sa ribbon cutting ng unang tunay na high-rise building sa bansa, ang Tinyente Tagalog Tower (TTT o T3). Ang dami ng dumalo o nakiusyoso ay halos katulad din ng dami ng dumalo sa inaugural speech noon ni dating Pangulong Manuel L. Quezon. Makasaysayan ang gusali dahil matagal na mula nang sa bayaning walang salapi ipinangalan ang isang building at hindi sa mga mayayaman o oligarko. Isa pa, ito ang naghudyat sa pagpasok ng Pilipinas sa tagisan ng taas ng gusali sa buong Asya. Ang rebulto lang ni Tinyente Tagalog ang ipinagawa ng pamahalaan. Ang buong gusali ay pinondohan na ng maraming hindi kilala, katulad ng nangyari sa bahay ng naiwang pamilya ni dating Pangulong Ramon F. Magsaysay matapos ito mamatay sa plane crash. Isa sa mga dumating na fashionably late ay si Jose.

Kanina, gumising si Jose nang may pagtataka. Sa silid niya ay kabilaan ang dalawang malaking talaarawanat dalawang digital clock na pinapatakbo ng baterya para kahit anong gilid siya magising, ayos lang. At, nakita niya sa kalendaryo, na nakuha niya sa pagbili ng gamot sa Mercury Drug na malapit sa pamilihan, na ang petsa ngayon ay Disyembre 21. Kagabi pa niyang napagpasiyahan na hindi pumasok sa trabaho ngayon kahit na Biyernes ang Disyembre 21. Hindi ito ang isyu para sa kanya. Ipinikit nita ang mga mata niya at nagbilang hanggang lima. Dumilat siya pagkatapos niyang sambitin ang lima, nakikiramdam.

"Hay... umasa pa ako. Hindi na ako nadala kay Harold Camping, sa Bulkang Pinatubo, sa Luzon earthquake, sa Asian Crisis, sa I Love You virus, sa EDSA II at III, sa Oakwood, sa Manila Pen, at sa loko-lokong nagpagawa ng arko dahil babahain daw ang Pilipinas," sabi ni Jose sa sarili. Nais lang ni Jose na may ginagawa siyang kakaiba. Kunghindi mo isipin na ngayon ang simula ng winter solstice, kahit wala namang winter sa bansa, ngayon ang sinasabing end of the world na nainterpret nila mula sa hyperaccurate na Mayan Calendar. Nag-alis ng ng muta si Jose mula sa kanyang mga mata at nagpalit ng damit. Ang kanyang tungo ay ang Tinyente Tagalog Tower.

 ***

   Nakatitig si Jose sa gintong - o kulay gintong rebulto ng bayaning si Tinyente Tagalog. Matapos ang kaunting panahon ng pagtingin, binasa naman niya ang inilagay na impormasyon sa kulay itim na frame sa gitna ng pedestal ng rebulto: TINYENTE TAGALOG, SUPERHERONG PINOY.

Nagbuntung-hininga si Jose at mabagal na naglakad papalayo. Mausisa si Jose, kung gugustuhin niya. Nais niya lagi na may iniisip kapag mag-isa. Pinapansin niya ang magandang landscaping ng Bonifacio Global City at ilang bitak-bitak na kalyeng madadaanan na siguradong hindi na daanan sa loob ng Global City. Nang makauwi sa inuupahang bahay, nakita niya roon ang taci driver na siyang may-ari ng kanyang inuupahan.

"Narito ka na pala, Jose. Sige, mauna na ako. Pasalamat ka't coding ako at magkaibigan tayo," sabi ng driver bago lumabas sa pintong may spring. Nagpasalamat nga si Jose. Naupo siya sa kahoy na upuan at tinignan ang family picture niya, ng kanyang kapatid at mga magulang. Nakapatong kasi ang larawan sa mesitang katabi ng upuan. Nagbuntung-hininga si Jose at sinabi sa sarili, "Dalawang taon na mula nang luamayas ako sa amin..."

   Wala pang isandaang araw si Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III sa Malacanan, nagkaroon ng isang pangyayari na nagdulot sa desisyon ni Jose na lumayo. Dalawang beses nang bigo na makahanap ng matinong trabaho si Jose. Nagtapos man sa isang prestihiyosong pamantasan, wala naman siyang laude. Nang umuwi si Jose dala-dala muli ang balitang hindi siya natanggap sa trabaho, sinalubong agad siya ng galit ng kanyang ama.

Nagsermon ang ama ni Jose habang nagtatadtad ng parsley. Sabi ng naiinis na ama, "Ikaw na nga pinapili  namin ng kurso mo! Pinatawad ko na ngang hindi ka honor student! Ta's ngayon may sapat ka pang kawalang hiya para umuwi sa bahay at sabihing wala kang trabaho?!"

Tinyente Tagalog - Superherong Pinoy (Lieutenant Tagalog - Filipino Superhero)Basahin ang storyang ito ng LIBRE!