For every story tagged #WattPride this month, Wattpad will donate $1 to the ILGA
Pen Your Pride

Pag-asa Kahit Sawa Na

438 32 12

Seryoso ang mukha ko habang mahigpit na hinahawakan ang puti ngunit marumi nang mga sobre sa kaliwa kong kamay. Pumarada sa gilid ang isang kotse kaya nagkaroon ako ng pagkakataong tignan ang sarili sa pamamagitan ng salamin nito. Sa repleksyon ko ay kapansin-pansin ang payat kong pangangatawan, bilugang mga mata, makakapal na labi at balat na may kaitiman.

Magulo at madumi ang puti kong damit ngunit hindi ko ito alintana. Maging ang mga taong nagtatakip ng ilong kapag napapatabi sakin ay hindi ko pinagtutuunan ng pansin.

Tumingin ako sa paligid. Sa pagmamatyag ko ay may isang bagay akong napansin, ito ay ang masasayang mukha ng mga tao. Mukhang lahat, maliban sakin, ay handa na sa pagsalubong sa kapanganakan ni Hesus mamaya.

Nagpakawala ako ng isang hininga at pinagkiskis ang nilalamig na palad. Ilang saglit pa'y napaayos na ako ng tayo nang matanaw ang bus na kanina ko pang hinihintay.

Hinaplos ko muna ang balikat na katulad ng palad ko ay kanina pa rin nilalamig—dala ng malamig na simoy ng hangin—bago tuluyang sumampa paakyat ng bus kasabay ng iba pang pasahero.

"Last na 'to, bukas na uli," bulong ko.

Nang nasa loob na ng bus ay napalingon ako sa direksyon ng kundoktor. Napasimangot ako dahil masama ang tingin niya sa akin.

"Ikaw na namang bata ka?  'Di ka man lang nagpalit ng damit, ‘Toy? Yan din suot mo kahapon, ah?" sabi niya sa nangungutyang boses.        

Totoo namang hindi ako nagpalit ng damit o naligo man lang. Wala kasing pumayag sa mga kapitbahay namin na makiligo ako dahil mahal na raw ang bayad sa tubig ngayon. Totoo rin namang tuwing magpapasko ko lang ginagawa ang ganitong gawain. Kapag kasi buwan ng Enero hanggang Nobyembre ay kinukuntento ko na lang ang sarili sa pagbebenta ng sampaguita sa mga simbahan o ‘di kaya ay yosi sa mga tsuper.

Hindi na muling nagsalita ang kundoktor at umiling-iling na lang. Tumalikod na rin siya sa akin at pumunta sa mga bagong sakay na pasahero. Bumuntong-hininga naman ako at ilang segundo munang tinitigan ang mga pasahero bago magsalita.

"Magandang araw po, nandito po ako para humingi ng konting tulong sa inyo," panimula ko.

Matapos kong sabihin iyon ay nakiramdam muna ako sa paligid. Iba-iba ang epekto ng salita ko sa kanila. Ang iba ay tumingin sa akin habang ang ilan ay nag-iwas lang ng tingin. Nakita ko pa ang isang babaeng nagmamadaling nagsalpak ng kung ano sa tainga. Ang isa nama'y biglang pumikit at mukhang may balak na tulugan ang maiksing talumpati ko.

Binalewala ko sila at humugot na lang ng isang hininga at muling nagsalita, "Kaunting barya lang po, pangkain lang. Tutal pasko na mamaya, magbigayan po tayo. Salamat po."

Nagtungo ako sa unahang bahagi ng bus upang abutan ng sobre ang mga pasahero, nakasulat dito—sa magugulong letra—ang mga katagang, 'Ate kuya konting barya lang po'.

Lihim akong napapangiti kapag tinatanggap ng mga ito ang ibinibigay ko at napapailing kapag hindi man lang ako pinagkaka-abalahang titigan ng karamihan. Pakiramdam ko kasi'y ang pagtanggap ng mga ito sa sobre ay nangangahulugan ng pag-asa, na may mga taong hindi man ako matulungan ay tanggap naman ako at ang aking gawain.

Nagpatuloy ako sa pag-aabot ng mga sobre. Umaasang sana ay magbigay ang mga ito ng kahit magkano para may maiuwi akong pagkain sa kapatid ko.

Hindi ko mapigilang magngitngit sa inis kapag naiisip na kung nandito ang mga magulang ko’y hindi ko sana ginagawa ang bagay na ito. Kung wala lang sanang bisyo si Itay ay baka hindi siya namatay dahil sa kanser sa atay. Kung matapang lang sana si Inay ay baka hindi niya itinuloy ang pagpapakamatay dahil lamang sa kahirapan ng buhay.

Team KalokohanBasahin ang storyang ito ng LIBRE!