Hindi din nagtagal ay nakauwi ang apat na kabataang iyon. Dumiretso sila sa sala, at mukhang matatamlay. Hindi ko sila tinanong kung bakit at tahimik lamang na pinagmasdan.

Hanggang sa umiyak nanaman iyong umiiyak kahapon.

"Hindi naman ito ang gusto kong gawin! Hindi ko na matandaan kung kailan ko pa naranasan ang bagay na gusto ko talaga, at hindi iyong idinidikta." Kaniyang reklamo sa mga kasama.

Inalo naman siya noong mga kaibigan niya.

Hindi ko mapigilang sumabat kaya't umimik ako.

"Nabubuhay ka pa ba?" Aking tanong sa kaniya.

Napakunot-noo silang lahat. Nagtatanong ang mga mata. "Ako?" Sagot nang isa sa kanila. "Oo naman po, humihinga pa po." Nakangiting pahayag niya. "At saka kailangan para sa kinabukasan." Dagdag pa nito.

"Syempre naman po. Nabubuhay pa." Tungon pa noong iba.

"Iba ang nabubuhay nang totoo, sa nabubuhay para sa kinabukasan, at sa nabubuhay para sa ibang tao." Nakangiting pahayag ko at saka tumayo at nagsimulang maglakad patungo sa aking silid. Natigilan sila dahil doon at napa-isip.

Bago ako tuluyang makaalis ay nagsalita pa ako.

"Ang mga alalahanin ninyo ba nasa hinaharap? Nasa nakaraan? O nasa mismong sitwasyon? Paminsan minsan hindi masamang tumigil mag-alala, kung alam mo namang walang mababago."

"Malungkot ka? Pakiramdam mo ang daming mga alalahanin na nakaatang sa iyo? Mayroon ba talagang mali sa mismo at eksaktong panahon na ito? Minsan kasi nasa limang minutong nakaraan ang dahilan ng pagiging mabigat ng damdamin mo, o hindi naman kaya'y iyong maaring mangyari sa hinaharap. Kung walang maling nangyayari sa pagkakataong ito, itigil mo muna ang pag-aalala at mabuhay ka sa kasalukuyan. Huwag mong unahan ang panahon, darating iyan sa iyo. At sa ngayon, huwag kang magpakalulong sa lungkot ng buhay. Kung may mali man talaga sa nangyayari sa mismong oras na ito, may magagawa ka, at iyon ay ang tanggalin ang sarili mo sa sitwasyong iyon, ang baguhin ang nangyayari, o ang tanggapin ang lahat."

Umalis na ako nang tuluyan matapos kong banggitin iyan. Pero narinig ko pa din ang ilang pag-uusap nila dahil hindi naman kalayuan ang aking silid sa salas ng bahay.

"Pagod na pagod na ako sa ekspektasyon ng magulang ko sa akin. Pakiramdam ko nga minsan hindi nila ako anak, pakiramdam ko hindi ako tao, dahil pakiramdam ko lahat ng hindi nila nagawa sa buhay nila ibinibigay nila sa akin, para ako ang magtapos."

"Noong tanungin niya tayo kung nabubuhay pa tayo? Pakiramdam ko nablanko ang utak ko sa sandaling iyon. Siguro nga, hindi na ako nabubuhay dahil nabubuhay ako, siguro nabubuhay na lamang ako para punan ang lahat ng mga hindi nagawa ng mga magulang ko."

"Hindi ko gusto ang pinapakuha sa aking kurso, pero hindi nila ako binibigyan ng pagkakataong umangal o sabihin ang sarili kong opinyon. Ang sakit lang. Pagkatapos lunod na lunod na ako sa mga plano nila sa akin. Nirerespeto ko sila dahil magulang ko sila, dahil napagdaanan na nila ang napagdaanan ko, sabi nga nila, papunta pa lamang tayo pero sila pabalik na. Pero, ang hirap din. . . Ni minsan kaya inalala nila ang nararamdaman ko?"

Iyakan ang kasunod na narinig ko. Napapikit na lamang ako.

Kinabukasan ay sama sama silang umalis at kahit papaano ay nangiti na ulit iyong isa, at masaya pa din iyong tatlo. Mukhang nakapaglabas na sila ng sama ng loob kahapon, kaya't nakakahinga na sila ngayon kahit papaano.

Noong mga malapit nang magtanghalian ay may dumating na magulang.

Agad ko siyang pinaupo sa sala. Naghanda din ako ng tubig at kahit kaunting makakain. Tinanggap naman niya iyon.

"Kamusta naman po?" Tanong niya. Napangiti na lamang ako ng tipid.

"Ang mga pagkain po ba hindi kulang?" Umiling na lamang ako.

"May pagkakamali nanaman po bang ginawa ang anak ko?" Umiling akong muli at ngumiti ng mapait.

"Ang kaniyang eskuwela, hindi po ba nagpapabaya?" Muling pagtatanong niya.

"Hindi siya nagpapabaya." Aking sagot.

"Ang kaniyang mga grado, kamusta?"

Paulit ulit na tanong na naririnig ko sa mga magulang noong apat, kapag pupunta sila dito. Katulad ng buhay ng mga anak nila ay sadyang para na itong nakatala sa isang libro at para itong sirang plaka. Iyon at iyon din, pareparehas.

"Nag-uusap usap ba kayong mga nanay, at iyan lahat ang tanong ninyo?" Mahinang tanong ko.

Natigilan siya dahil doon.

"Po?" Natatakhang tanong niya.

"Mabuti pa iyong grado kinamusta mo." Saad ko.

Bakas ang gulat sa mukha niya dahil doon.

"Iyon at iyon din ang sinasabi ninyo. Kamusta ang pagkain, kamusta ang grado, nagpapabaya ba? Nagloloko ko ba?" Muling wika ko.

"Pasensya na po." Nahihiyang sambit nito.

"Ngumiti ba ngayon ang anak ko? Naging masaya ba siya sa araw na ito?" Napa-amang siya at nagtatakha akong pinagmasdan.

"Nagkasakit ba siya o nakagawa siya ng bagong kaibigan?" Patuloy ko.

"May ginawa ba siyang magpapakita na kaya na niyang tumayo sa sariling paa?"

"Tumangkad ba siya?"

"Umiiyak ba siya? Tumatawa?" Dagdag ko.

"Po? May mga nagtatanong pa po ba nang ganiyan?" Wika niya.

Bukas ang pintuan kaya't sabay kaming napatingin doon.

"Mayroon pa." Nakangiting sagot ko. "Iyong anak ko." Sabay turo sa lalaking kapapasok lamang sa bahay na ito, na agad akong sinalubong ng ngiti.

"Mayroon pa." Napakunot-noo ako noong sambitin iyon ng aking anak. "Ang mama ko."

E N D

ToxicWhere stories live. Discover now