Chapter 28

597K 18.8K 7.9K
                                    


"SINO po ang naghihintay sa akin, Lola?"

Kami lang ang magkasama ngayon ni Lola Peach. Binalikan ni Lola Merdie si Piccolo dahil narealized daw ng matanda na sa dami ng naging ex niya ay si Piccolo lang ang nagbuwis ng buhay para sa kanya. Pak gurl nga raw kasi si Lola Merdie dahil hindi raw talaga siya nagseseryoso. Masaya ako para sa kanya na sa wakas ay may natagpuan na rin siyang pag-ibig kahit pa ang sabi ni Lola Peach ay malapit ng mamatay si Lola Merdie dahil nga matanda na.

"Basta..." sabi ng matanda. Pinagpalit niya ako ng damit na nakuha niya mula sa malaking closet na pag-aari ni Kia.

Pansamantala kasing dito kami nakikituloy sa kuwarto ni Kia. Tabi kaming matulog ni Kia sa kama at si Lola Peach naman ay sa sahig dahil malambot naman ang carpet. Ewan kung bakit ayaw siya ni Kia na makatabi sa kama gayung napakalaki naman ng higaan.

Narito kami ngayon sa mansiyon ni Kyo Montenegro at ilang araw na kami rito. Malaking bahay ito, pero ayaw kaming bigyan ng sarili naming kuwarto dahil nagtitipid daw sila sa kuryente. Kuripot daw kasi ang mommy ni Kia at asawa ni Kyo na si Ruby Montenegro.

Mansiyon din ang bahay na ito na katulad ng kay Just Lander. Ang pinagkaiba lang sa lugar na ito ay wala masyadong mga tauhan. Sabi ni Lola Peach ay ayaw raw kasi ni Ruby Montenegro na may ibang tao sa mansiyon nila kaya halos lahat ng tauhan ay nasa labas nakadestino. Hindi ko pa nakikita ang Ruby Montenegro na iyon dahil wala ang babae ngayon. Nasa ibang bansa raw, sa Italy, kasama ni Kyo para magbakasyon. Galit na galit pa nga si Kia nang dumating kami rito at malamang wala ang mga magulang niya.

"Lola, bakit po galit si Kia na wala ang Mommy Ruby at Daddy Kyo niya?"

"Ay sus! Spoiled brat kasi iyong si Ma'am Kia. Ang gusto niya sa kanya lang naikot mundo ng mga magulang niya!"

"Ganoon po ba?" Lumabi ako.

"Oo. Sana nga ay magbago na si Ma'am Kia dahil sa 'yo. Turuan mo ng magandang asal iyong babaeng iyon at sakit iyon sa ulo hindi lang nina Ser Kyo kundi pati ng Ybarra ko!"

"Iyong boyfriend niyo pong walang kilay?"

"Tumpak!" Tumirik pa sa kisame ang mata ng matanda.

Ngumiti ako. "Kakaibiganin ko po si Kia para po bumait na po siya."

"Oo gawin mo 'yan. Naku, kahit daw noon pa ay walang nagtatagal na kaibigan diyan kay Ma'am Kia dahil napakasungit niya. Sa tingin ko ay ikaw lang ang tatagal sa kanya dahil bobita ka." Sinuklayan na ako ni Lola Peach. "O hala bilisan na natin at nandoon na sa baba ang naghihintay sa 'yo."

"Sino nga po iyon, Lola?" tanong ko muli.

"Ah, basta..." katulad pa rin nang kanina na sagot niya.

Hindi ko alam kung imahinasyon ko lang ba na tila nagkaroon ng luha ang mga mata ni Lola Peach habang sinusuklayan niya ako. Nang maayos niya na ang buhok ko ay bigla niya akong niyakap.

"Lola?"

Nang humiwalay siya ay nakangiti siya. "Di ba lab ka ni Lola?"

Tumango ako.

"Kahit baliw si Lola, lab ka. Tandaan mo 'yan!"

"Opo."

"Alam ko, kahit kailan ay hindi ako naging perpekto..." Pasimple siyang suminghot. "Pero hija, mahal na mahal ka ni Lola. Kung uulitin ang mga nangyari, kung babalik tayo sa panahon na paslit ka pa, aalagaan pa rin kita. Hindi pa rin ako susuko na alagaan at mahalin ka..."

Niyakap ko siya. "Lola Peach, kung uulitin po ang mga nangyari, ikaw pa rin po ang gusto kong maging lola..."

Gumanti siya ng yakap sa akin. "Pero hindi ko nagawa ang isa sa mga dapat kong ginawa sana noon... Patawarin mo ako, hija..." Namalat ang boses niya. "Patawarin mo ako kung hindi kita isinoli sa iyong pamilya..."

His Indecent Proposal: Lander MontenegroTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon